Ulat ni Dhan Michael dela Peña at Dominic Galit
“To showcase my talent, tsaka magkaroon ng [maayos na] physical health, at magkalaro kami ng mga kaibigan ko na nag-aaral na sa ibang school, kasi dito na lang kami nagkakasama”, ani Charles Arabit, manlalaro mula sa Barangay Mayondon, sa kaniyang muling pagsali sa Los Baños Inter-Barangay Volleyball and Basketball League na inilunsad ngayong araw, alas-otso ng umaga, sa Brgy. Batong Malake Covered Court.
Sa pangunguna ng Sports Development Office at ng Municipal Sports Coordinator na si Rayman Canlas, sinimulan ang taunang pa-liga kung saan nagtutunggali ang iba’t-ibang barangay para sa kampeonato sa larong volleyball at basketball. Lumahok ang 13 barangay sa Los Baños, kabilang ang Barangay Anos, Bambang, Batong Malake, Baybayin, Bayog, Lalakay, Maahas, Malinta, Mayondon, Tuntungin-Putho, San Antonio, Tadlac, at Timugan. Nakilahok din sa naturang liga ang Junction Youth Organization (JYO) na pinamumunuan ni Dr. Jimmy Williams.
Nagsimulang magtipun-tipon ang mga manlalaro mula sa iba’t-ibang barangay ng alas-siyete ng umaga sa naturang lugar. Kasunod nito ang pagbigay ng mga mensahe mula kay Dr. Williams ng JYO, Hon. Janos Lapiz, presidente ng Liga ng mga Barangay, at ng Bise Alkalde ng Los Baños na si Hon. Copie Alipon, para sa mga manlalaro. Matapos nito ay isinagawa ang Oath of Sportsmanship bago mag-umpisa ang mga laro.
Ang mga maaaring sumali sa inter-barangay ay mga kabataang ipinanganak ng taong 2000 pababa (Open) at 2001 pataas (Mediate). Ayon kay Canlas, ang liga ay isinasagawa tuwing bakasyon upang ma-engganyo ang mga kabataan na sumali sa palakasan at nang may maganda silang mapagtutuunan ng pansin habang malayo pa ang pasukan.
Ayon naman kay May Bernabe, magulang ng dalawa sa mga manlalaro mula Barangay Tuntungin-Putho, malaki ang tulong na naibibigay ng inter-barangay sa mga kabataan dahil nailalayo sila sa bisyo at mahahasa pa nila ang kanilang kakayahang pampisikal.
Ang mga laro ng volleyball ngayong araw ay ginanap sa Batong Malake Covered Court habang ang sa basketball naman ay sa Lalakay.
Sa unang laro ng girls’ volleyball, nagtagumpay ang Barangay Anos laban sa Barangay Tuntungin-Putho sa puntos na 24-26, 27-25. Ang inter-barangay ay gaganapin tuwing sabado at linggo. Sa kasalukuyan ay pinag-uusapan pa ng mga kawani ng Sports Development Office kung hanggang kailan magtatagal ang liga.