Malawakang paglilinis ng mga ilat ng Los Baños, isinagawa

ni Von Henzley Consigna, Era Mae Encina, Marielle Louise Ventura

Isang malawakang clean-up drive ang isinagawa sa iba’t-ibang barangay ng Los Baños nitong ika-sampu ng Marso, taong 2018 sa pangunguna ng Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC) katulong ang Munisipalidad ng Los Baños, Liga ng mga Barangay ng Los Baños, Fisheries and Aquatic Resource Management Councils (FARMC), at University of the Philippines Los Baños (UPLB).

Tulong-tulong na naglilinis ang mga residente ng Brgy. Bambang ang creek na nasasakop ng kanilang lugar.

Kabilang sa mga nakiisa sa isinagawang clean-up drive ay ang mga barangay ng Anos, Bambang, Baybayin, Bayog, Batong Malake, Lalakay, Maahas, Malinta, Mayondon, San Antonio, Timugan, at Tuntungin-Putho. Kaisa ang mga residente sa paglilinis ng mga ilat.

Nilalayon ng LARC na paigtingin ang kamalayan ng mga residente ng komunidad tungkol sa mga suliraning may kaugnyan sa mga anyong tubig ng Los Baños at kung ano-ano ang mga maaring gawing hakbang upang maaksyunan ang mga ito. Binigyang pansin ng nasabing clean-up drive ang mga ilat o creek. Ang ilat ay tumutukoy sa mga creek o waterways na mas maliit sa ilog, tulad ng mga kanal at tributaries.

Ayon kay Anna Karenina L. Puerto, Community Relations and External Affairs Manager ng LARC, madalas na napapabayaan ang mga ilat at iba pang maliliit na daanan ng tubig, na patungo sa mga mas malalaking anyong tubig—kung hindi sisimulan sa mga ilat, maaari itong magdulot ng mas malawak na polusyon. Dagdag pa niya, mahalagang linisin ang mga tributary patungong Laguna Lake dahil dito nanggagaling ang mga basurang napupunta sa lawa, na nakakaapekto sa kalinisan, kalusugan, at kabuhayan.

This slideshow requires JavaScript.

Ayon naman kay Ronald Onate na kapitan ng Brgy. Tungtungin-Putho, “Pangarap din kasi namin na maibalik sa dati iyong ilog, iyon yung gusto naming magawa.” Dagdag ni Mario Evangelista na isang residente ng nasabing barangay, “kinokunsulta lahat ng mga tao para tumulong dito. Lahat ng mga organization, lahat ipinagsama-sama, para malinis ang aming barangay.

Ang Linis Ilat ay kasalukuyang nasa ikalawang taon pa lamang ng implementasyon. Ayon sa LARC, ang mga residente at mga opisyal ng barangay ay aktibo sa pakikilahok sa nasabing proyekto. “Kapintig namin ang mga residente,” (“We are in touch; we are in tune with them.”), ani Engr. Eric Puerto, General Manager ng LARC.

Ang nasabing clean-up drive ay bahagi ng programa ng LARC ngayong Marso para sa pagdiriwang ng World Water Day. Maliban dito, magsasagawa rin ng Laguna Lake clean-up drive sa munisipalidad ng Bay sa darating na ika-15 ng Marso, at isang Photo Contest na bukas sa lahat ng mag-aaral ng sekondarya ng Los Banos, Bay, Calauan, Nagcarlan, at Victoria. Sa ika-pito ng Abril ay magsasagawa ng tree planting sa munisipalidad ng Calauan.


TINGNAN: Sa kalagitnaan ng clean-up drive sa Bambang Creek, nakahuli ang mga residente ng isang softshell turtle.

This slideshow requires JavaScript.

Ang softshell turtle ay madalas na matagpuan sa mga anyong tubig na mahina ang agos at may matabsing na tubig. May mga maliliit na isda rin na nakita, senyales na maayos ang kalagayan ng ilat.

Ang pagong ay kinolekta ngunit ‘di batid kung saan ito dinala. Noong 2013, naglabas ng technical bulletin and Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nag-uutos ng pag-turn over ng softshell turtle sakaling makita ito. Ang softshell turtle ay isang invasive alien species na nakakaapekto sa populasyon ng mga isda.

Ilan sa mga residente ng Bambang ang nagsabi na dati nang may nahuling softshell turtle sa ilat, ngunit ang mga ito ay ibenenta o ginawang “pulutan”.

Bisitahin ang pahinang ito para sa karagdagang impormasyon ukol sa softshell turtle.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.