Ulat ni JSarmiento
Ang Gandingan Awards, isang gabi ng parangal at pagkilala sa mga katangi-tanging lokal at nasyonal na personalidad at istasyon na nagpakita ng pagiging development-oriented sa kanilang programa, ay naganap noong Marso 17, 2017 sa bulwagang DL Umali ng Unibersidad ng Pilipinas, Los Baños.
Ang tema ngayong taon ng Gandingan Awards 2018 ay : “Lipad tungo sa Kapayapaan” na naglalayong parangalan ang kagawaran ng midya na nagsulong ng kaunlaran tungo sa kapayapaan sa pamamagitan ng kanilang mga ipinapalabas sa radyo at telebisyon. Ito ay dinaluhan ng iba’t ibang miyembro ng lokal at nasyonal midya tulad ng ABS-CBN, CLTV 36, GMA, PTV atbp. Para sa taong ito, ang pinarangalan ng Gandingan ng Kaunlaran ay ang GMA News and Public Affairs.
Ang Gandingan 2018 ay hindi lamang gabi ng pagpaparangal ng UP Community Broadcasters’ Society, Inc. kasama ng iba pang mga Iskolar ng Bayan mula UPLB. Ito rin ay nagsisilbing pagkilala sa kanilang partner community taun-taon. Ngayong taon, napili nila ang Kanlungan ng Kababaihan at Kabataan sa Calauan, Laguna. Ang Kanlungan ay bahay para sa mga kababaihan at kabataan na nakaranas ng karahasan na nangangailangan ng tulong.
Ayon sa kanilang Public Service Head, Riz Andrei Layson, napili nila ang kanilang partner community sa kadahilanang hindi nabibigyang pansin ang mga kakabaihan sa lipunan. Dagdag pa ni Layson, “madalas pa nga, kapag may nangyaring masama sa isang babae, parang siya pa ang may kasalanan.”
Dahil dito, nakiisa ang UPComBroadSoc sa Kanlungan ng Kababaihan at Kabataan upang makapagbigay ng kalinga at magsilbing pamilya sa mga biktima ng karahasan.
Sa darating na ika-24 ng Marso, ang UP ComBroadSoc ay bibisita sa Kanlungan para sa kanilang Public Service Activity na tinawag na “AbaKababaihan” kasama sa kanilang “Abaka-series,” isang programang layuning paunlarin ang sarili at maghandog ng ilan sa kanilang mga pangangailangan na magmumula sa kabuuang ticket sales ng Gandingan.
Ang UP ComBroadSoc ay isang sosyo-sibikong organisasyon sa Unibersidad ng Pilipinas, Los baños na layunin ang makapagsilbi sa bayan at sa mga mamamayan. Nagsisilbing plataporma ang Gandingan upang pag-usapan at bigyang-pansin ang mga isyu sa lipunan.