Ulat nina Veronica Mae Escarez at Angeline Fortes
Bumida sa cheerdance competition ang mga kababaihan ng Los Baños sa kauna-unahang Juanalympics na isinagawa noong ika-24 ng Marso sa Activity Area ng Municipal Hall.
Matapos ang registration period na nagsimula ng alas-8 ng umaga, ay naramdaman na ang tensyon sa loob ng activity area. Kaniya-kaniyang paghahanda ang bawat kalahok, mula sa kanilang mga costume hanggang sa kanilang mga formations.
Ang programa ay sinimulan ng isang opening remarks mula kay Konsehal Julius Moliñawe. Ayon sa opisyal, importante na ipakita ang talento ng mga kababaihan ngunit higit na esensyal pa ay ang kanilang partisipasyon sapagkat sa kanilang pagsayaw pa lamang sa harap ng maraming tao ay panalo na sila. Ito ay sinundan ng isa pang pagbati mula kay Konsehal Cris Bagnes na siyang binati rin ang mga kababaihang kalahok at humiling ng isang pantay at masayang kompetisyon para sa lahat. Naroon at nakisigaw at palakpak rin ang nag-iisang Juana ng Sangguniang Bayan na si Konsehala Josephine Sumangil-Evangelista.
Kabilang naman sa mga hurado ay sila G. Jomari Angeles, Gng. Violeta Miranda, at G. Rudjerick Ocampo, mga guro ng Music, Arts, and Physical Education (MAPEH) ng Los Baños National High School. Ayon kay G. Angeles, na isa ring freelance choreographer, na natutuwa siya sa mga nanay na nakakabilib ang mga nanay na nagtrabaho para sa kanilang mga sayaw mula sa costumes hanggang sa mga props kahit na kinailangan pa nilang hatiin ang kanilang oras bilang ilaw ng tahanan.
Sa kabila ng edad ng ilan sa mga kalahok ay natutuwa naman ang nag-iisang Juana ng mga hurado na si Gng. Miranda na makakita ng mga ina at lola na bigay na bigay sa pagsayaw. Idinagdag pa niya na ang lebel ng kakayahan ay nagbabago habang tumatanda kaya nakakabilib na ang hamon para magpakitang-gilas ay tinanggap ng mga Juana ng Los Baños.
Bago nagsimula ang kompetisyon ay muling ipinaalala sa mga kalahok ang mga patakaran ng kompetisyon. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Ang bawat barangay ay dapat may mga mananayaw na may edad 18 taong gulang pataas.
- Hindi dapat bababa sa 15 mga myembro.
- Ang bawat sayaw ay maaaring tumagal mula 4-5 minuto lamang.
Nagkamit ng ikatlong parangal ang Barangay Batong Malake na humataw sa kanilang theme na gold and black. Nanalo naman ng ikalawang parangal ang Barangay Anos na nanggulat sa kanilang panimula mula sa pelikulang “Lion King” habang suot ang kanilang kakaibang “cat” costumes. Inuwi naman ng Barangay Mayondon ang unang parangal matapos ang kanilang mga nakakagulat na mga tumbling at cartwheels.
Ang premyo ng ikatlong parangal ay PHP3,000, ang ikalawang parangal naman ay may PHP5,000, at ang unang parangal ay magkakamit ng PHP7,000.
Ikinagulat ng Gender and Development (GAD) Officer na si Gng. Karen Mercado ang buong-pusong partisipasyon ng mga kababaihan ng Los Baños. Dagdag pa niya ay kakaiba ang paghihirap na ibinuhos ng mga kababaihan sa kanilang mga programang inihanda.
Araw-araw na pageensayo naman sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ang inilaan ng mga kababaihan para sa cheerdance competition. “Araw-araw kami nagpapraktis pero kulang kase mga anak namin nag-aaral pa.”, ibinahagi ni Gng. Roma Baltazar, 33 taong gulang, myembro ng Women’s Brigade ng Barangay Batong Malake. Ang kanyang grupo ay lumaban din sa Hiphop Dance Competition na ginanap isang araw bago ang cheerdance competition at pinaghandaan nila ang parehong kompetisyon sa loob lamang ng dalawang linggo.
Bagaman karamihan sa kanila ay mga nanay at lola na kumakalinga sa kaniya-kaniya nilang mga pamilya araw-araw, nabigyan sila ng oportunidad ng programang ito na makaranas naman ng kasiyahan sa labas ng kanilang mga bahay. Ayon kay Gng. Baltazar, nakatulong din ito para sa kanilang kalusugan dahil sila ay nakakapagehersisyo. Hindi lamang iyon, tuwing sila ay nageensayo, sila ay nabibigyan din ng pagkakataong makisalamuha sa kanilang mga kapitbahay.
“Dahil dito naaappreciate ang mga kababaihan.”, wika ni Jermaine Cabauatan, isang 21 taong gulang na ina. Tulad ni Gng. Baltazar ay nabigyan din siya ng pagakkataon na makakilala pa ng ibang mga kababaihan sa Barangay Malinta dahil sa araw-araw nilang pageensayo.
Hindi naman pahuhuli ang kanilang pamilya sa pagsuporta sa kanilang laban. Ang 11 taong gulang na si Francen Baltazar ng Lopez Elementary School, anak ni Gng. Baltazar, ay sumasama sa kaniyang ina tuwing siya ay nag-eensayo. Noong araw ng kompetisyon, ay isa siya sa mga sumigaw para sa Barangay Batong Malake bilang suporta at buo ang kaniyang tiwala na mananalo ang kanilang barangay.
Natuwa naman si Kennedy Calatin, 23 taong gulang, na makita na nagkakaisa ang mga Juana ng Los Baños. Bilang kasintahan ni Jermaine, siya naman ay tumutulong sa pagdadala ng mga speaker at props sa kanilang barangay. Lagi rin siyang nanonood tuwing sila ay nag-eensayo. Sa tingin niya ay nakakatulong ang programang ito upang maging mas positibo ang tingin ng mga kababaihan sa buhay. “Think positive at lahat ay kayang gawin.”, wika niya.
Hinikayat rin ni Gng. Baltazar ang iba pang mga kababaihan ng Los Baños na sumali sa mga programang tulad ng Juanalympics. Kahit na sa tingin nila ay wala silang talento sa pag-sayaw o kaya ay kakayahan sa mga isports tulad ng basketball at volleyball ay maaari pa rin silang makiisa dito.
Siniguro ni Gng. Karen na dahil sa kakaibang effort na ibinuhos ng mga kababaihan ng Los Baños ay makakaasa sila ng mas pinalakas na mga programa para sa kanila sa susunod na taon.