Ulat nina Angeline Fortes at Kimberly Bacareza
Nagpasiklaban nang husay sa pagsayaw ang mga miyembro ng Women’s Brigade sa ginanap na Juana Got Talent III: Hiphop Dance Competition sa pagtatapos ng Women’s Month Celebration noong ika-23 ng Marso sa Activity Area ng Los Baños Municipal Hall.
Ang kompetisyon ay nilahukan ng 12 na barangay. Kabilang dito ang:
- Anos
- Bambang
- Batong Malake
- Baybayin
- Lalakay
- Maahas
- Malinta
- Mayondon
- San Antonio
- Tadlac
- Timugan
- Tuntungin-Putho
Ang bawat grupo ay may 12-15 na mga miyembrong may edad 18 pataas at karamihan sa mga kalahok ay mga nanay.
Ayon kay Gender and Development (GAD) Officer Karen Lagat-Mercado, ang kompetisyon ay oportunidad hindi lamang upang ipakita ang talento ng mga kababaihan, partikular na ang mga nanay ng Los Baños, kundi pati na rin sila ay makihalubilo sa komunidad at mapalakas ang samahan ng mga kababaihan.
“[Ito ay] para hindi lang ang activity ng mga nanay ay nasa bahay. We want them to socialize, to make friends with other women na ma-enjoy nila ‘yun kasi sabi nga mostly sila ‘yung nakakaranas ng multiple burdens, wala silang time for themselves,” ani Lagat-Mercado.
Binigyang-diin din niya ang pagkilala sa ambag ng mga kababaihan sa pagbabago sa bayan.
“Itinataas din natin dito ang gender gap, ine-empower ang sektor ni Juana, to thank them at sila ay nagiging active agent for change dito sa bayan ng Los Baños,” dagdag niya.
Tatlong pamantayan ang tiningnan upang mapili ang mga mananalo. Ito ay ang ang kabuuang impact (20%), koreograpiya (40%), at technique at linis ng galaw (40%).
Ayon kay Assistant Professor Mark Lester Chico ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na isa sa mga hurado, hinanap rin niya sa mga kalahok ang kayang magpahayag ng sarili sa sayaw.
“There is an expression you have to make sa pagsasayaw. At siyempre ‘yung dating, kapag napa-wow ako, ‘yun na ‘yun. Kapag nakita kong hindi hirap gumalaw, at kapag nae-express nila ang kanilang sarili,” paliwanag ni Chico.
Dagdag niya, ang kompetisyon ay paraan upang basagin ang norm na ang hiphop ay panglalaki lamang. Ayon sa kanya, wala itong kasarian na hinahanap at pinakita ng mga kababaihan ang kanilang lakas at kaya nila ang ginagawa ng iba. Patunay daw umano ito na ang kababaihan ay hindi pang-bahay lamang.
Kabilang din sa mga hurado ang fashion designer at dance coach ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) Dance Varsity na si Cris Quintela de Leon. Ayon sa kanya, bilang isang fashion designer, marami siyang binibihisang kababaihan kaya naman isa sa mga adbokasiya niya ang empowerment ng mga ito at malaki ang suporta niya sa mga programa para sa mga kababaihan tulad ng nasabing kompetisyon.
Ayon naman kay hurado Albert Laresma, hiphop dancer at graphic artist, ang programa ay nakakatulong upang maitaas ng kumpiyansa sa sarili ng mga kababaihan, lalo na ang mga nanay na humarap sa madla. Dagdag na rin daw dito ang magandang epekto ng pagsasayaw sa kanilang kalusugan.
Itinanghal na unang puwesto ang Barangay Anos; pangalawa ang Barangay Bambang; pangatlo ang Barangay Tuntungin-Putho; at ikaapat naman ang Barangay Timugan.
Ayon kay Vivian Belmonte, 39 taong gulang at miyembro ng Women’s Brigade ng Anos, natutuwa siyang hindi nasayang ang kanilang pagsasanay gabi-gabi sa loob ng isang linggo. Napaka-importante umano para sa kanila ng commitment sa pagsasanay kahit na sila ay marami ang ginagawa sa bahay at sa trabaho. Dagdag niya na bilang isang magulang, masaya siyang makitang proud sa kanya ang kanyang apat na anak.
Hiling naman ni Konsehal Josephine “Baby” Sumangil-Evangelista sa mga kababaihan ng Los Baños na mas maging aktibo pa sa mga programa ng bayan.
“Kung gaano sana sila kasipag mag-participate sa mga ganitong activities, sana mas marami din ang sumama sa mga livelihood program. We are introducing the different livelihood programs for every barangay na sila mismo ang pumili. Sana mas maging active pa sila para sa ating bayan.”
Ang mga naitampok sa mga nakaraang taon ng Juana Got Talent ay ang 80’s at 90’s dance competition. Para naman sa ikaapat nitong taon sa 2019, ang magiging tema ay ang mga festival na sayaw.