Usapang Lalake: Sulyap sa Buhay ng Isang Transman

ni Von Henzley Consigna at Gelyzza Marie Diaz

“I worked hard for this acceptance.” (Pinaghirapan ko ang pagtanggap sa ‘kin ng mga tao.)

Magkahalong tamis at pait ang iniiwang bakas ng mga salitang ito. Simula pagkabata, lahat tayo’y dumadaan sa mahahabang taon ng pagkilala sa ating sarili. Ngunit minsan, ito’y puno ng pagkalito—ano nga ba ang tunay nating pagkatao? Bagama’t mahirap lumugar sa mundong lipunan ang nagdidikta ng tama’t mali, ito’y isang pagsubok na marami sa atin ang bumubuno; kabilang na rito si Charles Adam Almendrala, 32 taong gulang, mula Alaminos, Laguna, isang transman.

Miyembro ng Transman Pilipinas, nagbahagi ng kanyang mga karanasan si Charles Adam Almendrala, 32 taong gulang, mula sa Alaminos, Laguna. (Kuha ni Von Consigna)

Miyembro ng Transman Pilipinas, nagbahagi ng kanyang mga karanasan si Charles Adam Almendrala, 32 taong gulang, mula sa Alaminos, Laguna. (Kuha ni Von Consigna)

Kung tatanungin man daw ni Charles ang kanyang sarili noon, maski siya ay hindi niya maipapaliwanag kung ano ang isang transman. Sa marami, isa lamang itong konseptong hindi tayo pamilyar, ngunit para mismo sa mga taong ito, higit pa ito sa isang konsepto—ito’y kanilang pagkatao.

Ang isang transman o transgender man ay kabilang sa isang mas malawak na gender identity na tinatawag na transgender, na tumutukoy sa mga indibidwal na iba ang pagkilala o pagtukoy sa kanilang sarili mula sa kasarian o seks na itinalaga sa kanila nang sila ay ipanganak.

Masasakit na ala-ala

“Sobrang hirap, minsan nakaka-depress balikan,” ani Charles, 32, isang transman. Ayon sa kanya, sa dami ng mga masasakit na alaala, hindi na niya sinubukan pang bilangin ito.

Noong kabataan niya, alam na niya sa kaniyang sarili na hindi siya babae. Dati pa lang, malayo na ang loob niya sa mga damit at laruang pambabae. Pagkakatanda pa niya, maski tuwing may camping ang mga boy scout at girl scout sa kanilang paaralan, mas pinipili niyang sumama sa mga lalaki, dahil dito, ayon sa kanya, ay mas nakikita niya ang kanyang sarili.

Naging mas komportable man siya bilang “one of the boys”, naging sentro ng asaran si Charles: “lumaki ako na ang tawag sakin ay ‘tibo'”. Madalas din siyang asarin dahil sa naiiba niyang pananamit at pag-asta. Gawa nito, mas naging mahigpit daw ang kanyang tatay sa kanya.

“Noong Grade 6 ako, tuwing uutusan ako ng tatay kong bumili ng sigarilyo sa tindahan, pagpapalitin niya muna ako ng duster,” ani Charles, na sinabing walang mintis itong pinapagawa sa kanya ng kanyang tatay. “Sa sobrang dalas, tandang-tanda ko pa yung duster na yun; itim na may mga bulaklak na asul,” dagdag niya. Bukod dito, pinilit din siyang magsuot ng pink na sweater, high waist na pantalon, at doll shoes.

“Nakakatawa na nakakalungkot, pero sinusubukan kong kunan na lang ng lakas at inspirasyon yung mga alaalang iyon,” sabi ni Charles. Dagdag pa niya, ginagawa na lamang daw nilang katatawanan ang mga kwentong ito tuwing nagsasama-sama sila ng mga kapwa niya transman. “Pare-pareho naman kaming dumaan sa mga karanasang ‘yun.”

Mula sa pagkalito hanggang sa kalinawan

Taong 2012 lamang nang nalaman ni Charles ang kahulugan ng salitang “transman“, at kung paanong nahanap niya ang sarili niya sa pakahulugan nito. Ngunit maraming taon bago ito, siya’y nasa mundo ng pagkalito.

“Matagal ko nang alam, pero ‘di ko alam kung ano ang tawag. Dati, akala ko, hanggang hard butch1 lang ako, akala ko dati, hindi ko magiging kapantay yung ibang lalake,” sabi ni Charles. Dagdag pa niya, may mga pagkakataon raw na tuwing nagpapalitrato ang kanilang pamilya, lagi raw siyang isinasama sa mga babaeng magpipinsan. Sa kanyang isipan, alam niyang sa mga lalakeng magpipinsan siya dapat kasama, ngunit dahil din sa kawalan ng kasiguraduhan sa kanyang pagkatao, nanatili na lamang siyang tahimik. “Alam kong mali, may kirot e. Maliit na bagay lang yun pero tanda ko,” dagdag pa niya.

Dumagdag pa ang komento ng iba sa kanyang pagkalito at kawalan ng tiwala sa sarili. “Minsan, inaasar ako, kakapain yung ‘ano’ ko, sabay sasabihing, ‘bakit ka ganyan magbihis, may bird2 ka ba?”, kwento ni Charles. Ngunit hindi ito naging hadlang upang maging totoo si Charles sa kaniyang sarili. “Hindi naman ako nagtago kahit kailan, pero dumating din yung panahon na sinabi ko na rin sa nanay ko,” kwento niya. Bagama’t hindi sila nag-usap ng personal, nilahad ni Charles ang lahat sa kanyang ina sa pamamagitan ng isang text message.

“Isang araw, baka makita mo ako at magulat ka, baka isipin mo ibang tao ako o kung anong ginawa ko sa sarili ko; huwag, ako pa rin ‘to. Baka tawagan kita sa telepono at ‘di mo ako mabosesan. Pero kapag sinabi ko sa’yo na ako ‘yun, maniwala ka. Maraming mangyayari sa akin na magugulat ka.”

“Isang araw, baka makita mo ako at magulat ka, baka isipin mo ibang tao ako o kung anong ginawa ko sa sarili ko; huwag, ako pa rin ‘to. Baka tawagan kita sa telepono at ‘di mo ako mabosesan. Pero kapag sinabi ko sa’yo na ako ‘yun, maniwala ka. Maraming mangyayari sa akin na magugulat ka.” Sa isang mahabang mensahe, ipinaliwanag ni Charles sa kanyang ina kung ano ang transman, kung ano ang hormone replacement therapy3 (HRT), at kung anu-anong mga pagbabago ang mangyayari sa kanya. Sa hinaba-haba ng sinabi ni Charles, isa lamang ang kanyang natanggap na sagot.

“Anak, kung masaya ka diyan, diyan kita susuportahan.”

Pagkabasa niya ng mensaheng ito, napaluha na lamang si Charles. “Sobrang sarap sa pakiramdam na tanggapin ako ng nanay ko, I love her so much, even more because of that.”

Simula nito, mas naging maayos na rin ang trato sa kanya ng ibang tao. “Tinatawag ako ng mga tao sa mga pronoun na gusto ko, tinatawag ako ng mga kapatid ko na ‘kuya’, sobrang sarap sa pakiramdam,” ani Charles. “Maski yung tatay ko, nakikipagusap at nakikipagbiruan na sakin, kahit alam kong hindi pa rin niya masyado tanggap.”

Pero sa daan tungo sa kalinawang ito, isang bagay ang klaro kay Charles.

I worked hard for this acceptance, hindi ‘to basta lang binigay sakin.” (“Pinaghirapan ko ang pagtanggap sakin ng mga tao, hindi ‘to basta lang binigay sakin.”)

Sa likod ng “Charles Adam”

Nang magsimulang mag-transition4 si Charles, inisip niyang mabuti kung anong pangalan ang pinakababagay sa kanya. “Siyempre, ako yun, kailangan komportable ako, kailangan, akong-ako talaga,” kwento niya.  

Charles is the new name that I am going to wear because I am a free man at last.

“Nag-research ako, I searched for the meaning ng ‘Charles’. May nakita akong ang ibig sabihin nito ay ‘free man’. Somehow, in-align ko [sakin] dahil magiging malaya na ako eh. This is the new name that I am gonna wear because I am a free man at last.” paliwanag niya.  

Samanatala, ang pangalang Adam naman ay nakuha niya mula sa kanyang mga kaibigan. “My friends based it sa bible, bilang unang lalaki nga raw sa bibliya si Adam. So, ginamit ko na rin na second name para masaya sila,” biro niya.

Patanggap, respeto, at pag-iwas sa negatibong komento

Nang nakilala na ni Charles ang kanyang buong pagkatao, mas naging aktibo na siya sa LGBT+ community. Naging parte siya ng Transman Pilipinas, kung saan niya rin unang ibinahagi ang isa sa mga pinaka-personal na bahagi ng pagta-transition—ang kanyang unang testosterone shot. “Nung pinost ko yun, may nararamdaman akong takot at kaba, pero dumagsa ‘yung mga mensahe ng suporta at pag-congratulate, doon ko unang naramdaman yung pagtanggap at respeto,” kwento niya. Naging parte rin siya ng isang grupo ng mga transmen na may hilig sa pagmo-motor, ang Transbikers PH.

Kapag siya'y off duty bilang isang call center agent, isa ang pagmo-motorsiklo sa mga pinagkakaabalahan ni Charles. Kasama ang iba pang transman na may hilig din sa mga motor, binuo nila ang Transbikers PH. (Kuha ni Von Consigna)

Kapag siya’y off duty bilang isang call center agent, isa ang pagmo-motorsiklo sa mga pinagkakaabalahan ni Charles. Kasama ang iba pang transman na may hilig din sa mga motor, binuo nila ang Transbikers PH. (Kuha ni Von Consigna)

Ngunit hindi pa rin nawala ang mga negatibong komento. “May nagsasabi parin sa ‘kin minsan na kasalanan daw ito sa mata ng Diyos,” kwento ni Charles. Sa ganitong mga pagkakataon, iniisip na lamang niya na mas mabuting magpaliwanag ng maayos kaysa gumawa pa ng gulo. “Basta ako, sinusubukan ko mag-educate, nasa ibang tao na ‘yung responsibilidad para pag-isipan yun,” dagdag niya.

Sa trabaho, bagama’t ‘di naman siya nakaranas ng matinding diskriminasyon, paminsan-minsa’y may mga ganito ring pagkakataon. Noong panahon na sumasabak siya sa mga kumpanya upang pumasok, nakarinig siya ng komentong nakabastos sa kanya: “Nakita niyo ba yung isa? Mukha talagang lalaki!” Dahil na rin sa pangangailangan niya ng trabaho, pinili niyang ‘di umimik, pero kung may pagkakataon man daw siyang sumagot, ito ang kanyang sasabihin: “Mukhang lalaki? E lalaki naman ako, ano ba ang tingin niyo?”

Sa kasalukuyan, isa siyang call center agent at nabanggit niyang kasalukuyang may kampanyang inilulunsad para sa mga empleyadong miyembro ng LGBT+ community.

Representasyon

Sa isang seminar sa UP Manila College of Medicine, kung saan isa siya sa mga nagsalita tungkol sa estado ng LGBT+ community—may nangyaring ‘di inaasahan. “Nagsalita yung bawat representative ng L, G, at B, at ako ang magsasalita para sa T; lahat sila, may data. Nung pagkakataon ko na, napaiyak ako; bukod sa kaba, wala akong mai-present na data,” kwento niya.

“Paano namang magkakaroon ng data, e wala namang gumagawa ng data, paano namin malalaman?” Sa pagkakataong ito, napagtanto ni Charles ang pangangailangan para sa pagtuturo ng gender sensitivity.

Bukod pa dito, naniniwala si Charles na kailangan din ng isang programa sa telebisyon na para sa LGBT+ community. “Sana hindi yung isang episode lang, sana yung pang-matagalan. Palagi na lang kasi kwento ng mga cisgender5, dahil ba yun lang ang ‘normal’?”, ika niya.

Nagkwento rin si Charles ng mga karanasan niya nung panahong inilahad ng mang-aawit na si Jake Zyrus na siya ay isang transman. “May mga kaibigan akong nag-share ng mga post na pinagtatawanan si Jake, kahit na alam naman nilang trans din ako. Siyempre, na-offend [ako], pero ‘di na ako nagtangkang magkomento,” kwento niya. Sinabi niya ring masaya siya dahil parami na ng parami ang mga nagsisilbing representasyon ng mga transmen sa lipunan.

Mula rito, palusong

“Hangga’t maaari, ayoko nang balikan ‘yung nakaraan. I don’t hate the past, pero hindi na rin nakakatulong na isipin lagi. Kung ‘di man maiwasan, ginagawa ko na lang source of strength and inspiration,” sabi ni Charles. Isa lamang ang mensahe niya para sa mga ‘di nakakaintindi sa mga katulad niyang transman: “Kung paano namin nirerespeto yung pananaw niyo sa amin, ganoon na lang din sana kayo sa amin. Everybody wants peace, so don’t say anything negative to each other, para patas.”

“Para naman sa mga miyembro ng LGBT+ community, stop giving back the hate. Take time to educate others,” ani niya. At kung mayroon man daw siyang nais sabihin sa dating Charles: “You were on the right path, you are gonna do great things,” sabi niya na may ngiti sa kanyang mga labi.

Habang sumasakay si Charles sa kanyang motorsiklo, kitang-kita ang kanyang tiwala sa sarili, binuo mula sa mahahabang taon ng pagkalito, kaliwanagan, at patuloy na paglaban sa bawat araw na dumaraan. Isinuot niya ang kanyang helmet at nagpaalam. Mula rito, pasulong na lamang ang tatahaking landas ni Charles.

Ang mga kuwentong tulad ng kay Charles ay madalas nating marinig, ngunit atin ring ipinagsasawalang-bahala. Higit sa pag-alam, mas kailangan nating lahat ang pag-intindi at pagtanggap sa mga taong nasa likod ng mga kuwentong ito. Bagama’t malayo pa ang tatahaking landas upang tuluyang makamit ng mga transmen gaya ni Charles ang pagtanggap ng isang magpanghusgang lipunan, umaasa siya na balang araw, mas magiging matingkad ang mga kulay ng bahaghari para sa bawat isa.


Mga anotasyon:

1 Ang “hard butch” ay isang terminolohiya ng LGBT+ community para sa mga “tomboy”, o mga lesbyanang kilos at damit-lalake.

2 Ang “bird” ay isang deribatibong salitang kalye na tumutukoy sa ari ng isang lalaki.

3 Ang hormone replacement therapy o HRT ay isang proseso kung saan sa ilalim ng patnubay ng isang eksperto ay umiinom o nagtuturok ng gamot ang isang indibidwal upang magbago ang kanyang secondary sexual characteristics.

4 Ang pag-transition ay ang pagbago ng gender presentation (mga pisikal/biswal na katangian tulad ng pananamit, kilos, at bihis, kaakibat ang mga secondary sexual characteristics gaya ng tubo ng buhok, laki ng body frame, at boses) na kaayon sa gender identity ng isang indibidwal.

5 Ang cisgender ay tumutukoy sa mga indibidwal na kumikilala sa kasariang itinalaga sa kanila nung kapanangakan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.