ulat nina Colyn Brizuela at Shane Musa
LOS BANOS, LAGUNA– Idinaos ang kauna-unahang Road Safety Seminar at Training sa Lopez Heights, Subdivision Clubhouse ngayong ika-8 ng Abril, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon. Ito ay pinangunahan ng Team Laguna Riders Inc. (TLRI) na layuning magbigay-kaalaman ukol sa maingat at tamang pagmamaneho ng motorsiklo, at sa tamang pagsunod sa road safety signs.
Humigit-kumulang 50 katao mula sa iba’t ibang bahagi ng Laguna ang dumalo sa seminar at training, kasama na rito ang mga miyembro ng organisasyon at ang mga nais pang matuto tungkol sa road safety.
Isinagawa ang seminar sa umaga, na pinangunahan ng mga tinawag na “marshall” ng Team Laguna. Itinuro sa seminar ang mga iba’t ibang ibig sabihin ng road safety at traffic signs. Binanggit rin ang kahalagan ng pagkakaroon ng disiplina at pagsunod sa mga batas-trapiko upang maging maayos at ligtas ang mga grupo ng mga riders tuwing pumaparada. Sa hapon naman ginanap ang training sa isang obstacle course kung saan aktwal namang pinakita ang tamang pagmamaneho ng motorsiklo.
Ang Team Laguna Riders Inc. (TLRI) ay isang samahan ng mga riders o mga nagmomotorsiklo na naglalayong itaguyod ang pagmamaneho nang ligtas at tama, at pagkakaroon ng respeto sa mga kapwa nila riders.
Ayon kay Ysmael Fernandez, na mas kilala bilang Boss Y at tumatayong presidente ng TLRI, naitatag ang organisasyon noong ika-30 ng Nobyembre ng nakaraang taon.
Binubuo rin ang organisasyon ng mga babae at ilang LGBTQ riders. Sila ay nahahati sa tatlong pangkat, ang Team Bungad na binubuo ng mga miyembro mula sa District 1, Team Gitna mula District 2 hanggang District 3, at ang Team Dulo mula District 4 ng Laguna.