Kwento ng Kagitingan: Bayaning Buhay, Serbisyong Tunay

nina Faith Arancana at Samantha Mayoralgo

Si Paquito Enriquez Chan Jr., 47, ay kabilang sa Regional Mobile Force Battalion ng Region 4-A bilang Intelligence Police Non-Commissioned Officer. Siya ang tinataguriang sniper ng CALABARZON (kuha ni Halyn Gamboa).

“Ako po si SPO4 Paquito Enriquez Chan Jr., 21 years nang [nasa] serbisyo. Ako ‘yung sniper ng CALABARZON.”

Ang Simula

Si SPO4 Chan ay ipinanganak sa Pampanga at lumaki sa Tagaytay. Bata pa lamang, hilig niya na ang humawak ng baril. Sa katunayan, noon ay libangan nila ng kanyang ama ang paggamit ng air gun. ‘Di kalaunan, ang hilig na ito ang nag-udyok sa kanyang mag-pulis ngunit tutol ang kanyang pamilya  sa kagustuhan niyang ito dahil nais nila na ipagpatuloy niya ang kanilang family business.

“Ayaw nila, kasi we have a business eh. Kami ‘yung nagpasimula sa Tagaytay ng 24 hours na restaurant,” kwento ni SPO4 Chan. “Chinese ako eh, wala sa lahi namin ang military or police.”

Ngunit nagbago ang direksyon ng kanyang buhay nang namatay ang kanyang ama. Kumuha si SPO4 Chan  ng entrance exam sa Philippine College of Criminology at siya ay pumangalawa sa lahat ng kumuha nito.

“Third year high school [ako noon], but then wala na ‘yung papa ko eh. Mura lang ‘yung PCC. That time, 990 [pesos] lang ang tuition, so kaya ko itaguyud ‘yung sarili [ko],” dagdag niya, “Truly, destiny ko ang maging police.”

Taos-Pusong Panunungkulan

Si SPO4 Chan ay isang Intelligence Police Non-Commissioned Officer na kabilang sa  Regional Mobile Force Battalion 4-A Unit ng Camp General Macario Sakay ng Los Baños, Laguna.

Ayon sa kanya, ang pangunahing trabaho niya ay monitoring ukol sa kriminalidad at insurhensya. Sakop ng kanyang tungkulin ang alamin kung sino at saan matatagpuan ang mga kriminal mula sa pakikinig ng usap-usapan hanggang sa pagsagap ng impormasyon maging sa social media. Dagdag pa rito, siya na rin mismo ang tumutugis sa mga kriminal na ito.

“Minsan, hindi talaga maiiwasang makapatay,” giit ni SPO4 Chan.

Naalala niya ang naging bakbakan niya laban sa Putol Group na noon ay nangho-holdup sa mga gasolinahan para magnakaw. Kasama niya rito ang mga beterano na sa serbisyo.

Sa mga pagkakataong nasasabak si SPO4 Chan, palagi niya raw iniisip ang kapakanan ng mga taong maari pang maging biktima kung hindi niya mahuli ang mga kriminal. Palagi rin niyang iniiisip na ayaw niyang iyakan siya ng pamilya niya sa huli.

“Siguro kung isang ordinaryong civilian, ano ‘yan, konsensya. Hindi eh, may binaril siyang [Putol Group] gas attendant sa kaunting halaga lang.”

Ngayong taon, sunud-sunod ang mga nahuling kriminal ni SPO4 Chan gaya ni Alyas Diablo na tumakas sa bilangguan noong Marso 8. Nahuli rin niya ang isang akusado na umano’y nirape ang isang pitong taong gulang sa Canlubang at isa sa Victoria na pinanghihinalaang hinaras ang isang anim na taong gulang na pamangkin nito.

Si SPO4 Chan ay naging parte ng Philippine Team na kumatawan sa bansa sa mga paligsahan sa pagbaril sa mga bansang Thailand at Malaysia. Sila raw ay nag-uwi ng karangalan, second runner-up, mula sa Far East Asia Handgun Championship sa Malaysia.

Sa kasalukuyan,  nagtuturo si SPO4 Chan ng marksmanship nang walang bayad sa National Science and Technology, Cavite, at De La Salle University, Dasmarinas

Serbisyo sa Labas ng Tungkulin

Ayon kay SPO4 Chan, hindi raw niya kayang tiising hindi tumulong dahil para sa kanya, lahat ay sakop ng trabaho ng pulis, naka-duty man o hindi, hanggat nasa tamang lugar ito.  Kaya naman, ang trabahong ito ay nangangailangan ng oras at dedikasyon.

Sa kabila nito, alam niya na hindi lahat ng pulis ay sumasang-ayon sa kanyang paniniwala, sapagkat meron ring mga pulis na hinihiwalay ang buhay sa bahay, at sa buhay nila sa trabaho, subalit matatag ang kanyang paniniwala na may mga pagkakataong dapat makialam ang isang pulis.

“Nag-aaway ‘yung kapitbahay [niya]. Hindi niya masaway kasi buhay nila ‘yun. Mali. Kapag hindi mo inaway ‘yan, makakapatay na ‘yan ng asawa niya. Baka ‘yung anak niya nasaktan na niya, kaya dapat pakialaman mo siya, “ paliwanag ni SPO4 Chan.

Kagitingan: Pag-aalaga sa Pamilya

“Ang pagiging pulis ay higit pa sa paghawak ng baril,” giit niya, “Ang pulis ay dapat marunong makisalamuha sa mga tao, anuman ang kanilang estado sa buhay.”

Dagdag pa niya, ang pulis raw ay disiplinado, mahaba ang pasensya, at alam kung kailan sasangga.

Bilang isa namang ama, mas nais niya raw na barkada ang turingan nila ng kanyang tatlong anak. Sa paraan daw na ito, siya ang nagiging tagapayo nila sa lahat ng bagay. Ito raw ang kanyang paraan upang maiwasan niyang mapariwara ang buhay ng kanyang mga anak.

Tinuturing din na pamilya ni SPO4 Chan ang mga kasamahan niya sa trabaho. Sila raw ang isa sa mga rason kung bakit mahal niya ang kanyang trabaho..

“Nandiyan sila tuwing kailangan ko ng tulong, na walang pinipiling lugar at oras,” dagdag pa niya,  “Ganon ang camaraderie namin dito—one big happy family.”

Kaya naman, nang tanungin kung ano para sa kanya ang ibig sabihin ng kagitingan, ito raw ay ang pagpili at pagpapahalaga sa pamilya sa kabila ng takot at alinlangan.

“Ang kagitingan, ‘yan ay ‘yung alagaan mo, tulungan mo [ang] pamilya mo,” giit ni SPO4 Chan, “Walang takot. Huwag kang matakot na itaguyod mo sila.”

           

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.