ulat nina Colyn Brizuela, Maria Greatchin Brucal, at Danielle Arnisto
“Sa mga kasamahan ko, sana kung magagaya nila ako, ay ipapasalamat ko, salamat na hindi lang ako ang nakarating nang mahabang panahon,” ani ni Mang Islao.
Si Ladislao Suladar, 61, o mas kilala bilang “Mang Islao” ay humigit-kumulang sampung taon nang naglilingkod bilang Barangay Public Safety Officer o BPSO. Sa pag-asang makahanap ng mas magandang ikabubuhay, nilisan ni Mang Islao ang kanyang probinsya sa Negros Occidental upang magtrabaho sa Maynila.
Bago siya naging BPSO, nagtrabaho muna siya bilang factory worker sa Tondo, Manila at security guard sa Caloocan. Nakailang lipat rin si Mang Islao sa iba’t ibang lugar bago siya napunta dito sa Laguna. Nagsilbi muna siya bilang caretaker ng isang resort dito sa Los Baños. Ito ang naging daan upang makapanirahan siya at ang kanyang pamilya sa Los Baños at kalaunan ay makapag lingkod siya bilang BPSO sa Barangay Bambang.
Buhay-Tanod
Nagsisimula ang araw ni Mang Islao sa paggising nang maaga upang maghanda sa trabaho. Alas-sais ng umaga pa lamang ay umaalis na siya sa bahay upang pumunta sa kanyang pwesto sa highway kung saan niya tinutulungan ang mga taong dumaraan at tumatawid lalo na ang mga batang estudyante. Hanggang alas-otso ng umaga niya ito ginagawa at pagkatapos ay pumupunta na siya sa barangay hall upang doon mamalagi hanggang hapon.
Lagi siyang nakaantabay kung anumang gulo o pangyayari ang kailangan ng agarang pagresponde sa kanilang barangay. Kadalasang siya ang umaawat kung mayroong mga nag-aaway sa kalsada o kahit pa sa mga bahay-bahay. Handa rin siya laging tumulong kung kailangan man ng mga tagabuhat ng mga upuan at gamit sa barangay. Kwento pa ni Mang Islao, pa minsan-minsan daw ay pinapatawag din siya kung may sawa o ahas na pumapasok sa mga bahay.
Maliit lamang daw kung tutuusin ang kanyang kita bilang BPSO. Nagsimula raw siya noon sa serbisyo na 430 pesos lamang kada buwan ang kinikita. Laking tuwa na nga raw niya at nasa 1,100 pesos na ang kanyang nakukuha, higit na malaki kesa sa kung ano ang naibibigay sa kanya noong mga unang taon sa serbisyo.
Karangalang dala ng paglilingkod
Noon lamang Oktubre ng nakaraang taon ay binigyan ng parangal si Mang Islao bilang pagkilala sa tagal ng kanyang serbisyo sa Barangay Bambang. Nakatanggap siya ng plaque of appreciation at salapi na ibinigay mismo sa kanya ng punong-bayan. Laking tuwa raw niya na nakilala ang mga pagsisikap at paglilingkod niya sa nakalipas na sampung taon.
Bagama’t aminadong pinapatigil na siya ng kanyang mga anak sa serbisyo dahil na rin sa kanyang edad, mas pinipili ni Mang Islao na manatili sa trabaho. Mas nawiwili raw siya dahil may nakikilala siya sa trabaho at mayroong mga benepisyo para sa kanyang pamilya. Para kay Mang Islao, mas may magagawa siya at meron siyang libangan sa ganitong paraan kaysa kung namamalagi siya sa bahay.
“Hinahanap-hanap nga ako ‘pag wala ako sa highway,” nakangiting sabi ni Mang Islao.
Natutuwa siya habang kinukwento kung paano sinasabi ng mga magulang ng mga estudyante na natatakot raw tumawid ang kanilang mga anak kapag wala siya sa kanyang istasyon.
Tunay nga na sa mahabang panahon na inilaan ni Mang Islao sa paglilingkod, marami ang kumikilala sa kanyang mga naitulong sa barangay. Tulad ng simpleng pagpapatawid sa mga estudyante hanggang sa pag-aantabay lagi sa barangay hall.
Bagama’t matanda na at marami na’ng naiambag para sa Barangay Bambang, nakikita pa rin ni Mang Islao ang kanyang sarili na maglilingkod sa susunod pang sampung taon.
Dagdag pa ni Mang Islao, “Ako, tumagal ako sa duty na masaya naman ako sa sarili ko”.