Taunang Summer Youth Camp para sa mga batang musikero, isinasagawa

ni Angel Mendez

Abala sa pag-eensayo ang mga batang musikero ng kani-kanilang piyesa para sa gaganapin na pagtatanghal bukas, Abril 10 (kuha ni Angel Mendez).

Kasalukuyang idinaraos ang ika-20 na taunang Summer Youth Music Camp sa National Arts Center (NAC), Mt. Makiling, Los Baños, Laguna, Abril 1-10. Ito ay inorganisa ng Philippine Youth Symphonic Band na layuning mahasa ang kakayahan ng bawat musikerong kalahok mula sa iba’t ibang dako ng bansa.

Inaasahan din na makatutulong ito sa pagkakaroon ng malawakang pagbabago sa larangan ng musika sa bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang pagsasanay na pinangungunahan ng mga guro mula sa Philippine Symphonic Youth Band tulad ni Bombie Custodio at Techie Bong Ramirez.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng 64 na kalahok, edad 10 hanggang 22. Ang mga kalahok ay dumaan sa isang audition na ginanap dalawang linggo bago ang camp upang masalang at matukoy ang kani-kanilang kakayahan.

Ayon kay Bombie Custodio, isa sa mga guro ng camp at band manager ng Philippine Symphonic Youth Band, “It’s about time that we do something about our culture and arts through music, we just had to do it kasi a lot of kids enjoyed it and a lot of communities enjoyed it.”

Dagdag pa niya, “It affects the communities kasi when these kids get trained in music, they get the discipline, they get the correct values and then they bring it home.”

Ang summer youth music camp ay nagsimula noong 1982 ngunit naitigil ito noong 1986 dahil sa pagkawala ng suporta mula sa gobyerno. Ito ay naibalik noog taong 2006 sa pagtutulungan ng mga guro at administrators.

Bilang pagtatapos ng nasabing youth camp, magkakaroon ng isang pagtatanghal ang mga kalahok sa Tanghalang Maria Makiling o NAC Open-Air Theatre na bukas para sa lahat ng nais manood. Ito ay magsisimula ng alas-onse ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali, bukas, Abril 10.

Dagdag pa rito, magkakaroon ng libreng sakay sa shuttle ng Philippine High School for the Arts sa waiting shed sa gate ng UPLB campus patungo sa NAC sa ganap na alas-diyes ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali bukas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.