ulat nina Loren De Guzman at Anel Dimaano
SAN ANTONIO, LOS BAÑOS — Isinagawa ng pamunuan ng Brgy. San Antonio ang taunang seminar tungkol sa Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004” (Anti-VAWC) nitong ika-8 ng Abril sa ganap na 1:30 ng hapon.
Pinangunahan ni Kon. Jeckel Dimasangal, pinuno ng Women and Family Committee ng barangay, ang nasabing seminar. Dinaluhan din ito ng lahat ng mga konsehal at ilang mga residente ng San Antonio.
Naging katuwang ni Kon. Dimasangal ang VAWC officer ng barangay na si Sarah Maravilla sa pag-iimbita sa mga nagsipagdalo.
Ayon kay Kon. Dimasangal, layunin ng kanilang barangay na mas mahikayat ngayong taon ang mga kalalakihan na dumalo sa seminar nang mas maunawaan nila ang nilalaman at kahalagahan ng batas para sa mga kababaihan at kanilang mga anak.
Tampok sa seminar si PO2 Ruffa L. Ayson, Women’s Desk Investigator ng Los Baños, na siyang nagpaliwanag sa batas. Nilinaw ni PO2 Ayson ang mga karaniwang paniniwala tungkol sa mga dahilan ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak.
Sa unang bahagi ng programa ay ipinaliwanag na hindi lamang pisikal na pang-aabuso ang saklaw ng batas kundi pati rin ang pang-aabusong nakaaapekto sa sikolohikal, emosyonal, at pinansiyal na aspeto ng buhay ng mga kababaihan at kanilang mga anak.
Pinag-usapan rin ang iba’t-ibang klase ng protection orders na nakasaad sa batas. Ang isang protection order ay naglalayong maprotektahan ang isang babae at kanyang anak sa higit pang pang-aabuso na maaaring gawin sa kanya ng inireklamo. Ang mga ito ay ang Barangay Protection Order (BPO), Temporary Protection Order (TPO), at Permanent Protection Order (PPO). Ang BPO ay ibinibigay ng punong barangay habang ang TPO at PPO naman ay iginagawad ng korte.
Sa huling bahagi naman ng programa ay binanggit ang proseso at mga kinakailangang dalhin sa pagsasampa ng reklamo. Binigyang diin ang kahalagahan ng medical certificate at mga saksi sa pagpapatunay ng kaso laban sa inirereklamo.
Pagkatapos ng diskusyon ay nagkaroon ng open forum na kung saan aktibong nakilahok ang mga dumalo.
Ilan sa mga tanong ay tungkol sa edad ng anak na maaaring maging sakop ng batas at iba’t ibang mga paalala para sa mga tanod sa pagresponde sa mga ganitong sitwasyon.
Sinabi ni PO2 Ayson na para sa kanilang mga pulis, ang mga tanod at barangay officers ang kanilang mga “frontliners” sa pag-aksyon sa mga insidente ng mga karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak sa mga barangay, kung kaya’t dapat lubos nilang maunawaan ang batas.
Samantala, ayon naman kay Carlotta Lapitan, isa sa mga residente na dumalo sa seminar, nakatulong ito sa kanya upang malaman ang karapatan niya bilang babae at isang asawa. Nabanggit rin niya na ang nalamang impormasyon ay maaaring makatulong sa pangangalaga ng pagsasama ng mag-asawa.
Para naman kay Domingo Lapresca, isang namang amang dumalo rin sa seminar, ang kahalagahan ng seminar para sa mga kalalakihan ay upang mas maunawaan nila ang mga hinaing ng kababaihan tungkol sa iba’t ibang uri ng karahasang kanilang nararanasan.
Natapos ang seminar sa ganap na ika-2:30 ng hapon. Nagpamerienda ang pamunuan ng barangay bago maguwian ang nagsidalo.
Bukod sa seminar, inaasahang isasagawa ng pamunuan ng San Antonio sa huling linggo ng Mayo ang isang parada na layong maipaunawa sa bawat purok ng barangay ang mga karapatan ng mga kababaihan at kanilang mga anak.