ni Arianne Louise Arenas
TIMUGAN, LOS BAÑOS, LAGUNA – Pinasimulan ng Los Baños Central Elementary School (LBCES) Community Service Team, kasama ang General Parent Teacher’s Association (GPTA) ang iba’-ibang community service activities tulad ng feeding program, livelihood lecture, at clean-up drive sa Magnetic Hill, Jamboree Road, Brgy. Timugan mula alas-nuebe hanggang alas-dyis ng umaga ngayong araw, Abril 11. Umabot sa 30 na magulang at 50 na bata ng nasabing barangay ang dumalo at nakilahok dito.
Ang nasabing programa ay nagsimula sa pamamagitan ng isang feeding program para sa mga batang edad lima hanggang 12 na taong gulang. Sumunod dito ang livelihood lecture na nagtalakay ng paggawa ng mga bag mula sa recycled materials. Pinangunahan ito ni Nancy D. Gutierrez, ang Chairman ng LBCES Community Service Team. Matapos nito ay ginanap naman ang clean-up drive sa Rotary Club Park, Brgy. Timugan, Los Baños, Laguna.
“Tumutulong kami kasi kapag tumulong ka sa magulang, nakakatulong ka na rin sa bata,” ani Gutierrez.
Ayon naman kay Eleanor T. Abelilla, Co-Chairman ng LBCES Community Service Team, umaabot raw ng higit na sampung community service activities ang kanilang naisasagawa sa loob ng isang taon.
“May purpose kasi kami kapag nakakatulong kami,” dagdag niya, “masaya ‘yung pakiramdam kapag nakakatulong kami.”
Katuwang din ng LBCES at GPTA ang Samahan ng Magsasaka sa Paanan ng Bundok Makiling (SMPBM) na isa ring organisasyon mula sa nasabing barangay.
“Malaki ang naitutulong [ng livelihood lectures] kasi halimbawa, ‘yung sa recycled na paggawa ng bag, parang dagdag ideya ‘to sa mga tao dito. Nagkakaroon sila ng ideya na magkaroon ng business sa mga ganoong bagay”, lahad ni Melissa Manalo, Secretary ng SMPBM.
Ang LBCES Community Service Team ay grupo ng mga guro mula sa Los Banos Central Elementary School. Sa dalawang taong pagsasagawa ng community service, ang LBCES at GPTA ay naglalayong tumulong sa mga pamilya ng kanilang mga estudyante upang mapabuti ang pamumuhay ng mga ito.