ulat at larawan nina Derrick Ordoñez at Alyssa Tolcidas
LOS BAÑOS, LAGUNA — Nagsagawa ng Local Recruitment Activity (LRA) sa Los Baños ang ilang mga kumpanya na ginanap sa iba’t ibang barangay sa nasabing bayan.
Isa na dito ang local recruitment activity ng EPSON Precision Philippines Inc. na ginanap kahapon, Abril 11, sa Gabaldon Hall, PESO Office ng Brgy. Timugan, sa pangunguna ng EPSON HR Recruitment Staff na si Adrian Lidan. Kada-buwan ay isa hanggang dalawang beses ginaganap ang nasabing LRA.
Ayon kay Lidan, mga babaeng production operators ang kanilang target upang maging taga-buo ng mga produkto ng EPSON. Ngunit tumatanggap na rin sila sa kasalukuyan ng mga lalaki dahil sa kabuuang pagpapalawak ng kanilang pangatlo at pang-apat na pabrika sa Batangas, kung saan madalas ding nagdaraos ng mga LRA ang EPSON.
Nagsagawa ng exam, initial at final interview, at medical exam ang mga dumalo sa LRA ng EPSON kahapon. Susundan ito ng isang orientation na magaganap ngayong araw, Abril 12. Matapos ang mga proseso, idedeploy na ang mga ito sa Biyernes sa mga nasabing pabrika ng EPSON.
Bukod sa munisipalidad ng Los Baños ay naglulunsad din ng regular na LRA ang EPSON sa mga kalapit bayan ng Sta. Cruz, San Pablo, at Canlubang.
Sa aming panayam, nabanggit ni Lidan na tumatanggap sila ng mga nagsipagtapos ng K to 12 sa kanilang LRA.
“Kasi yung ibang SHS graduates ay gustong magtrabaho agad kaya kapag may nag-apply, ay winewelcome naman namin,” aniya ni Lidan.
Sa katunayan, ang mga nagsipagtapos ng senior high school ang kanilang target sa kasalukuyan. Ayon kay Lidan, nagsasagawa ang EPSON ng mga orientation sa tatlong paaralan sa Batangas na binubuo ng humigit kumulang 150 na mga kalahok na nasa senior high school.
Nagsipagtapos ngayong taon ang unang pangkat na sumailalim sa kurikulum ng K to 12. Inaasahang na magiging handa sa anumang tatahaking trabaho ang mga ito na siya ring pangunahing layunin ng bagong kurikulum.
“Ang kurikulum ng K to 12 ay idinisenyo upang ang mga nagsipagtapos mula dito ay magkaroon ng sapat na kakahayan na maging handa sa pagtatrabaho, pagnenegosyo, o pagpapatuloy sa kolehiyo,” wika ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali.
Muling magkakaroon ng LRA ang EPSON Precision Philippines Inc. sa darating na Abril 23 sa Gabaldon Hall, PESO Office ng Brgy. Timugan.
Para sa mga karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa PESO Office sa numerong (049) 536-5976.