ulat at mga litrato ni Maryam Tubio
Isang Disaster Risk Reduction Management Seminar para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang ginanap sa Barangay Hall ng Malinta, Los Baños, Laguna kahapon, Abril 12, simula alas-tres hanggang alas-singko ng hapon.
Ito ay pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) bilang parte ng Gabay at Mapa para sa Listong Pamilyang Pilipino, isa pang programa ng nasabing ahensya. Ang seminar ay naglalayong makapagturo at makaambag ng kaalaman tungkol sa paghahanda sa mga sakuna tulad ng lindol, baha at iba pa. Humigit-kumulang isang daang miyembro ng 4Ps ang dumalo rito.
Ayon kay Renato Samson, isang retired superintendent ng BFP Los Baños na ngayon ay isang MDRRMO consultant, “zero casualty” raw ang layunin ng seminar para sa isang malaking sektor ng lipunan—ang kababaihan higit sa lahat.
“Kung tinanim nila sa puso nila ang mga natutunan nila, magiging malaking bagay ‘yun to avoid disasters,” wika ni Samson.
Ayon naman kay Benito Ebron, Chairman of Peace and Order ng Malinta, ang Brgy. Malinta ay isang “catch basin” tuwing umuulan kaya madalas bumaha rito tuwing bumabagyo. Upang maibsan, ang seminar raw na ito ang siyang magtuturo sa mga mamamayan ng ikabubuti ng kanilang sitwasyon at ng kanilang pamilya pagdating ng anumang trahedya.
Giit ni Ebron, “Kapag may alam ka, handa ka.”
Ang Disaster Risk Reduction Management Seminar ay parte lamang ng isa pang programa ng MDRRMO, ang Gabay at Mapa para sa Listong Pamilyang Pilipino na naglalayong makapaghatid ng impormasyon para sa mga miyembro ng 4Ps, ukol sa pag-iwas sa mga sakuna.