ulat nina Laubrey Fernandez at Bryan Lawas
Mahigit-kumulang 40 pwesto ang muling binuksan para sa Socialized Residential Housing Project sa ilalim ng Localized Community Mortgaged Program ng Municipal Urban Development and Housing Office (MUDHO) ngayong taon. Batid ng programang ito na mabigyan ng oportunidad ang mga mamamayan na magkaroon ng sarili nilang bahay sa mababang halaga.
Ang pabahay ay itatayo sa Purok 6, Barangay San Antonio, Los Baños, Laguna na nahahati sa Phase 1 at Phase 2. Ang proyektong ito ay nagsimula noong taong 2014, ngunit dahil sa pabago-bagong developer at ilang mga delinkwenteng miyembro, naudlot ang pagpapagawa. Ngayong taon, muling sinimulan ang plano sa nasabing proyekto sa tulong ng Pag-IBIG Fund.
Ayon kay Josephus Rondina, Housing and Homesite Regulation Officer ng Los Baños, “Ngayon inopen uli namin ‘yung nagkaroon na substitution kasi ang gusto [ng] Pag-IBIG walang delinquent.” Giit niya, may mga naunang miyembro na nag-back-out at hindi makahulog sa takdang oras.
Noong magsimula ang programa, nilayon nitong bigyan ng oportunidad na magkabahay ang mga pamilyang tubo sa Los Baños na nasa mga danger zones na dineklara ng mga barangay. Ngunit dahil marami ang nagbatid ng kanilang interes sa proyekto, ito ay binuksan para sa mga informal settlers at mga higit na nangangailangan sa isang first come-first serve basis.
“Basta may source of income kahit maliit lang, welcome yung mga sari-sari store, tricycle driver, manicurista. Basta may income sila”, dagdag pa ni Rondina.
Ayon naman kay Ato Catipon, volunteer sa MUDHO, nagkakahalaga ang pabahay ng mahigit Php 414,000.00 (mahigit kumulang P2,000.00 kada buwan) na huhulugan ng mga miyembro. Ang kabuuang halaga ay maaring hulugan sa loob ng 30 taon para sa mga miyembrong may edad 40 pababa.
Ang mga interesadong mag-apply sa proyekto ay kailangang pumunta at makipag-ugnayan sa opisina ng MUDHO sa Munisipyo ng Los Baños upang mabigyan ng application form at listahan ng mga kinakailangan pang dokumento. Ang mga aplikante ay sasailalim sa screening at interview. Ang mga matatanggap ay ipinag-hahanda ng mahigit kumulang P20,000.00 bilang paunang bayad upang punan ang naunang bayad ng miyembro na kanilang pinalitan.