ulat at kuha nina Alyssa Mae Tolcidas at Leah Mhie Villaluz
Marahil sa karamihan, ang halaman ay nagsisilbing palamuti lamang sa kanilang mga tahanan, opisina, o paaralan. Ngunit para sa mga miyembro ng Los Banos Horticulture Society Inc. (LBHS), higit pa rito ang layon ng paghahalaman, dahil ito ang nagsisilbi nilang libangan at pangunahing kabuhayan.
Simula madaling araw pa lamang noong ika-12 ng Abril ay abala na ang mga miyembro ng LBHS sa mga preparasyon para sa taunang LBHS Flower and Garden Show na may temang “Leisure in the Garden.” Layunin nitong maitampok ang iba’t-ibang klase ng mga namumulaklak (Adenium) at pampalamuting (Philodendron) halaman, at mailapit sa mga mamimili ang mga pinatubo nilang pananim. Bukod sa mga binibentang mga bulaklak at halaman matutunghayan din ang landscape exhibits at individual plant competition. Mayroon rin mga lectures tungkol sa paghahalaman tuwing Sabado at Linggo. Makabibili rin dito ng samu’t saring mga halaman, puno, binhi, at mga produkto ng agrikultura.
Kasalukuyan pa ring nagaganap ang LBHS Flower and Garden Show na nagsimula noong nakaraang Abril 12 at matatapos sa darating na Abril 22, sa Senior Social Garden sa U.P. Los Banos.
Isa sa mga aktibong miyembro ng LBHS na taunang lumalahok sa Flower and Garden Show ay si Melorie Camacho Suiza, o mas kilala bilang Tita Olie. Dalaga pa lamang ay lubos na ang pagkahilig ni Tita Olie sa pagtatanim ng iba’t ibang klaseng halaman. Mapa-erbal, namumulaklak, pandekorasyon na mga halaman, o succulents man–lahat yan ay ay magtatagpuan sa hardin ng kanyang tahanan sa Brgy. Bayog, Los Banos, Laguna.
Bagamat nagtapos sa kursong Hotel and Restaurant Management, mas pinili ni Tita Olie ang kanyang pagkahilig sa pagtatanim at pagnenegosyo. Sa katunayan, marami na siyang kabuhayan na sinubukan gaya ng pagtitinda ng mga meryenda, pagkakaroon ng mini-grocery, at pagtitinda ng mga pastries na mismong siya ang gumagawa. Kahit ilang beses siyang naghanap ng iba’t-ibang maaaring pagkakitaan, nakaramdam si Tita Olie ng kapaguran. “Nakakapagod din kasi, hindi katulad ng business ko ngayon na lagi akong happy at may extra energy,” ani niya.
Taong 2005 nang sumali si Tita Olie sa LBHS, at hindi naging madali para sa kanya ang pagsisimula ng kanyang hanapbuhay. Tatlong taon pa lang ang nakalilipas noong nagsimulang makilala ni Tita Olie ang cactus at iba pang uri ng succulents. Ayon sa kanya, hindi agad umunlad ang kanyang negosyo noon ng mga bonsai at succulents, dahil ngayon lang pumatok ang mga ganitong uri ng halaman sa mga mamimili. “Sa ngayon talaga ang business ko ay nag-coconcentrate sa cactus, pero may mga ornamental plants pa rin akong binebenta,” wika ni Tita Olie.
Dati nang nagkaroon ng sariling outlet sa San Pablo si Tita Olie para sa kanyang negosyo. Ngunit dahil nauso ang ang pagbebenta online, nagpasya siyang doon na lamang ipagpatuloy ang kanyang kabuhayan at pati na rin sa sarili niyang tahanan, kung saan mayroon siyang backyard farm at nursery ng mga halaman.
Ang lupang pinagtataniman ni Tita Olie sa kanyang bakuran ay nabili pa ng kanyang asawa noong sila ay magpakasal. “May apat kaming anak ng asawa ko na isang driver at operator. Kaya talagang bread and butter namin itong business na ‘to,” ani niya.
Lahat ng mga kalahok sa taunang Flower and Garden Show ay miyembro ng LBHS na naglalayong mailapit sa mga mamimili at propagators ang iba’t ibang uri ng mga halaman.
Bukod sa madalas na pagsali ni Tita Olie sa mga world trades, fairs, at bazaars sa iba’t ibang lugar, gumagawa rin siya ng mga tokens at give aways para sa mga selebrasyon. Karamihan sa mga suki ni Tita Olie ay mga gardeners, resellers at mga estudyante, kaya naman kilalang kilala na siya ng mga mamimili dito sa Los Baños.
“Minsan nga nagbebenta kami sa mga schools, tapos may mga bata na gustong bumili pero syempre konti lang mga baon nila, kaya naglalagay ako ng cactus at succulents sa maliliit na pot sa tapos binebenta ko lang ng 25 pesos. Ayun natutuwa sila binibili nila,” wika ni Tita Olie.
Ayon din sa kanya, isa sa mga pagsubok na mararanasan sa pagnenegosyo ng pananim ay ang kakapusan sa kapital para makabili at makapagpatubo ng mga halamang papatok sa mga mamimili. Subalit lubusubos naman daw ang benepisyo na makukuha mula rito.
“Kasi ako, talagang passion ko ito eh. Kumbaga ito yung dream kong gawin na business. Yung nasa bahay lang, parelax relax lang, ganun,” ani ni Tita Olie.
Bukod sa pagpapaganda ng kapaligiran, naniniwala si Tita Olie na mainam na libangan ang paghahalaman. “Iwas stress na, iwas bisyo pa. Lagi ko ngang sinasabi na itong paghahalaman ang bisyo ko,” ani niya.
Mensahe ni Tita Olie para sa mga katulad niyang nagnanais magnegosyo ng halaman na “Kapag dream mo, kapag gusto mo talaga, umpisahan mo. Dapat walang limit, wag kang mag-stop na matuto. Kapag gusto mo, go lang ng go dapat walang limit.”
Maaari pa ring bisitahin ang LBHS Flower and Garden Show hanggang Abril 22 kung saan matatagpuan ang shop ni Tita Olie mula alas-otso ng umaga hanggang ala-sais ng hapon sa Senior Social Garden, UPLB. Magkakaroon din ng lecture si Tita Olie sa nasabing lugar sa darating na Sabado, Abril 20 tungkol sa cactus grafting mula alas dos hanggang alas tres ng hapon.