ulat nina Arianne Arenas, Shayne Inojales, at Shane Musa
“Mabait siya, ang bait niya talaga. Lahat iniintindi niya…sobrang mapag-intindi siya sa tao,” ito ang sagot ni Analyn Bonaobra, kasalukuyang Business Manager ng Tuntungin-Putho Women’s Brigade, nang tanungin siya kung ano ang pinakanagustuhan niyang katangian ni Nanay Nora hindi lang bilang isang lider kundi bilang isa ring kaibigan.
Si Nora Verano, 53, o mas kilala bilang si Nanay Nora ay tatlong taon nang Presidente ng Women’s Brigade sa Brgy. Tuntungin-Putho. Ang Women’s Brigade ay isa sa mga kinikilalang samahan sa nasabing barangay dahil sa kanilang pagkakaisa at pagiging aktibo sa pagtulong sa komunidad. Si Nanay Nora bilang presidente ang nagsisilbi nitong gabay upang mas mapalawak pa ang samahan.
Ang simula ng paglilingkod
Nabanggit ni Nanay Nora na hindi niya talaga inakala na sasali siya sa organisasyong ito at magiging presidente pa nito. Dagdag pa niya, inimbitahan lang siya ng mga dati nang miyembro ng Women’s Brigade na dumalo sa kanilang pagpupulong.
“Hindi ko naman alam na naghahanap talaga sila ng President, kumbaga’y mage-election, kasi ang sabi ay invited lang ako…kaya ako’y pumunta,” ani Nanay Nora. Matapos ang pagpupulong na ‘yon ay nahalal na agad si Nanay Nora bilang bagong presidente ng samahan.
Sa kasalukuyan, isinusulong ni Nanay Nora ang pagkakaroon ng iba’t-ibang livelihood programs para sa mga kababaihan upang matulungan silang madagdagan ang kanilang kita. Bukod sa pagtulong sa mga kapwa niya maybahay, personal na adbokasiya rin ni Nanay Nora na mapanatili ang maayos nilang samahan sa organisasyon.
Bunga ng isang samahan
Sa loob ng mahigit tatlong taong paglilingkod bilang presidente ng Women’s Brigade, si Nanay Nora ay marami-rami na ring nasalihan at pinangunahang programa. Ang bawat programa na ito ay sinisigurado niyang makakatulong sa mga miyembro ng samahan at sa kanilang barangay.
Ang Women’s Brigade ng Brgy. Tuntungin-Putho ay may iba’t ibang uri ng livelihood at volunteer programs para sa mga kapwa nila residente at miyembro. Ilang halimbawa ng kanilang livelihood programs ay ang “Bags for Life”, artificial flower making, at mga training.
Ang “Bags for Life” at artificial flower making ay ilan sa sikat na programa ng samahan kung saan tinuturuan nila ang bawat miyembro na gumawa ng mga bags mula sa mga lumang magazine o diyaryo at paggawa ng iba’t ibang flower arrangements gamit ang mga plastik na bulaklak. Ang mga ito ay kanilang ibinebenta sa mga bazaar at exhibit upang magkaroon ng pagkakakitaan ang ilan sa kanilang mga kasama.
“Ako ay tumutulong sa promotion [ng kanilang mga produkto]. Naka-register kasi ako sa DTI, pangalan ko ang naka-register sa DTI kaya ako ang nakikipag-usap as DTI,” sabi ni Nanay Nora nang tanungin siya sa kanyang ginagampanan sa mga livelihood activities ng samahan.
Maliban dito, isa rin sa programa ng Women’s Brigade ay ang pagkakaroon ng mga seminar at training upang ituro sa iba ang kanilang kaalaman sa paggawa ng iba’t ibang produkto.
Mayroon ding mga volunteer programs ang samahan, kasama rito ang feeding programs sa Paciano Rizal Elementary School at Gawad Kalinga Village. Si Nanay Nora ang isa sa mga tumutulong sa pagluluto at pagpapakain sa mga bata. Bilang presidente, siya ay nakikipag-usap sa mga guro at opisyal ng kanilang barangay upang malaman kung paano pa makapagbibigay ng tulong ang kanilang samahan.
Pagsubok ng isang NGO
Bilang isang non-government organization (NGO), isa sa mga pangunahing pagsubok ayon kay Nanay Nora ay ang suportang pinansyal para matugunan ang ilan sa kanilang mga programa.
“Ang pondo naman namin minsan ay galing sa GAD [Gender and Development] tapos nagiging livelihood, kaso nga lang hindi masyadong nasusuportahan.” pahayag ni Nanay Nora.
Ayon sa kanya, walang cash on hand o kaukulang pondo para ipanggastos ang samahan kundi ang perang mula sa budget proposals na kailangan pang aprubahan ng pamahalaang lokal ng kanilang barangay.
Dahil dito, hindi maiiwasan na magmula sa sarili niyang bulsa ang ilan sa mga pangangailangan ng samahan. Giit pa ni Nanay Nora, ang Women’s Brigade ay bunga ng taos-pusong pagsisikap ng mga kababaihan na tumulong sa kapwa nila babae at ilang miyembro ng komunidad.
Dagdag pa niya, ang pagiging non-partisan ng organisasyon ay isang matinding pagsubok sa paghingi ng suporta kumpara sa mga government organizations. Ngunit sa kabila ng hamon na ito, pinapanatili ni Nanay Nora ang pagpapahalaga sa mga pangkabuhayang opurtunidad para sa kaniyang mga miyembro.
“Ako…kumbaga matulungan silang makapaghanap ng trabaho, dagdag kita. Yun lang naman ang nagiging advocacy ko siyempre. Tapos magkaroon kami ng magandang samahan.”
Ani niya, bilang isang model organization ng Women’s Brigade sa labingtatlo pang mga barangay ay nananatili ang maganda nilang samahan sa loob ng organisasyon. Malaki rin ang paghanga ng ilang miyembro ng organisasyon tulad ni Nanay Analyn kay Nanay Nora bilang isang presidente.
“Minsan nakikita ko parang hindi niya kinakaya kasi talagang pakikisamahan lahat ng tao,” dagdag ni Nanay Analyn, “Ang hirap para sa kanya pero kinakaya niya para sa aming samahan. Wag lang mawala yung samahan ng Women’s Brigade.”
Ang Women’s Brigade ay nagsimula noong taong 2015 na may layuning magbigay ng iba’t-ibang pangkabuhayan para sa mga kababaihan at magulang ng Brgy. Tuntungin-Putho.