ulat nina Arianne Arenas at Mikaela Mamauag
Nagsagawa ng Motorcycle Safety Riding and LTO Traffic Rules & Regulations Seminar ang Great Praetorian Riders Society (Team GPRS) at Motorcycle Community Organization for Peace and Security (Motorcycle C.O.P.S) sa Lopez Heights Subdivision Function Hall, Barangay Timugan mula alas-onse hanggang ala-una ng hapon kahapon, Abril 22.
Halos 50 na motorcycle riders at enthusiasts mula pa sa NCR, Cavite, Batangas at ibang lugar sa Laguna ang nakibahagi sa seminar na ginanap. Ang programa ay naglayong ipalaganap ang adbokasiya ng GPRS at MCOPS na bigyan ng tamang kaalaman ang mga riders ukol sa motorcycle safety riding.
Ang seminar ay pinangunahan ni Rommel Poblador, GPRS traffic safety instructor at founder ng MCOPS, kung saan tinalakay niya ang traffic signs, rules and regulations, at mga violations gaya ng reckless driving at distracted driving.
“Dapat alamin ang mga bagay na posibleng gawin ng ibang driver sa kalsada,” sabi ni Poblador.
Ayon naman kay Elmer Cyd Mendoza, team leader ng GPRS-Los Banos, ang pakikibahagi sa safety riding seminars ay kasama sa requirements ng mga miyembro ng GPRS at MCOPS.
“Kasi iba tulad ng riders ngayon, ride lang ng ride. Hindi nila alam kung ano’ng tama. Hindi nila alam na kailangan naka-lisensiya sila, hindi nila alam na kailangan nila naka-helmet, kasi kailangan mo ng proper education,” paliwanag ni Mendoza.
Ito na ang ikalawang seminar na isinagawa ng grupo ngayong Abril. Dalawang linggo bago nito, sila ay nagbahagi ng lecture para sa mga miyembro ng MCOPS sa Ilocos Sur.
Ang GPRS at MCOPS ay grupo ng mga volunteer motorcycle riders. Bukod sa pag-organisa ng seminars, sila rin ay nagsasagawa ng traffic management at emergency response sa mga aksidente sa kalsada.
“Kasi ang grupo namin ay trained for motorcycle emergency response so every time that there is an accident kami ‘yung third party na pwedeng sumaklolo sa mga aksidente. Alam naman natin na maraming namamatay, naaaksidente sa mga motorcycle ngayon. Kasi usually walang mga gears and usually hindi nila alam kung pano,” dagdag ni Mendoza.
Ang mga miyembro ng GPRS ay mula sa Los Baños, Sta. Rosa, Cabuyao, Biñan, at Quezon Province. Ang GPRS Los Baños Chapter ay magdidiwang ng kanilang unang anibersaryo sa Abril 29.