ulat ni Maryam Tubio
Ginanap ngayong araw, ika-23 ng Abril, ang Peace Covenant Signing for Safe Elections 2018 sa bagong munisipyo ng Los Baños kaninang alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga.
Ito ay naglalayong mapanumpa ang mga kandidatong tumatakbo para sa posisyon sa Sangguniang Kabataan, barangay official, chairman o konsehal, kasama na ang mga pulis, officers mula sa DILG, COMELEC, DepEd, at iba pang mga sektor.
Ang pagpirma sa tarpaulin ay isang simbolo ng kanilang pakikiisa para sa pagkamit ng makabuluhan at tapat na eleksyon ngayong darating na Mayo 14, 2018.
“This is to ensure na ang mga kandidato ay advocate para maiwasan ang aberya sa eleksyon,” sambit ni Capt. Alger Depositario, Acting Battalion S4 ng 564ECB, 51E, PA. Dagdag pa niya, ang pagpirma ay isang “commitment” para sa katahimikan ng eleksyon.
Ayon naman kay Percival Sison, Acting Battalion Sergeant Major ng 564ACB, 51e, PA, ang mga polisiya’t batas ukol sa pagtakbo sa eleksyon para sa mga kumakandidato ay importanteng masunod nang maayos. Ilan na lamang sa mga ito ay ang mga batas ukol sa vote buying, sobrang pondo sa pagkampanya, tamang sukat ng tarpaulin, liquor ban isang araw bago ang eleksyon, at iba pa.
“Lahat ng kandidato ng SK o Brgy. Chairman at Konsehal ay nanumpa para sa kaayusan at kapayapaan sa darating na eleksyon,” dagdag niya.
Ang huling araw ng pangangampanya ay hanggang ika-12 ng Mayo ngayong taon. Samantala, ang eleksyon naman ay gaganapin ng ika-14 ng nasabing buwan.