Mga Kape at Kwentong Timplang Elbi

ni Von Henzley Consigna

Kape. Ito na yata ang palaging hanap-hanap ng marami satin bawat pagsikat ng araw. Kasabay ng pandesal at balita, siguradong kumpleto na ang araw ng mga Pinoy. Pero hindi lahat ay sa umaga naghahanap ng kape—may ibang nangangailangan ng pampagising sa kalagitnaan ng araw o kahit sa kalaliman ng gabi! Mapa-empleyado o estudyante, kailangang manatiling alerto.

Kaya naman dito sa atin sa Los Baños, na hitik sa opisina at mga kolehiyo, siguradong dudumugin ang mga bagong bukas na kapihan. Ngunit kahit na mainit ang pagtanggap sa pagbubukas ng mga sikat na kapihan sa Elbi, marami parin ang tumatangkilik sa mga Los Baños-bred coffee shops—ika nga, “love local!”


Kaakit-akit na kapihan at masarap na kape at pastries—tara sa Siento Café!

Ilang hakbang pagliko ng kanto ng Oregano sa Sta. Fe, matatagpuan ang Siento Café. Napapaligiran ng mga halaman at maliit na puting bakod, siguradong lahat ay mapapalingon sa simple at mumunting kapihan na ito. Pagdating ng gabi, mas agaw-pansin ang Siento dahil tumatagos sa malaki nitong bintana ang liwanag ng mga ilaw, at kita mula sa labas ang mga dumarayo dito—may ibang seryoso at abala, may ibang masaya sa kwentuhan, at may ibang ninanamnam ang masarap na kape at pastries na galing pa sa malalayong lugar.

Ipinagmamalaki ng Siento Café ang kanilang kape, mga pastries, at higit sa lahat, ang "artisan ambiance" ng kanilang café. (Kuha ni Dominic Galit)

Ipinagmamalaki ng Siento Café ang kanilang kape, mga pastries, at higit sa lahat, ang “artisan ambiance” ng kanilang café. (Kuha ni Dominic Galit)

Ayon kay Manuel Marcaida III, isa sa mga may-ari ng Siento Café, nagsimula lamang ang ideya nila sa kagustuhang mag-negosyo—hindi talaga kapihan ang una nilang naisip! Ngunit ang limang magkakaibigan, na siyang nagsipag-tapos sa University of the Philippines Los Baños, ay may iisang hilig—kape—kaya naman nabuo ang Siento.

Nagbukas sa publiko ang Siento Café noong ika-lima ng Mayo 2017. Ibinibida ng Siento ang mga natatanging pastries na sa San Pablo City pa nagmumula, at kape na ang mga may-ari mismo ang pumipili. Bukod rito, ipinagmamalaki nila ang “artisan ambiance” na hatid ng Siento, na talaga namang maganda sa paningin.

Bukod sa kanilang kape at pastries, ipinagmamalaki rin nila ang kalidad na serbisyo sa Siento—kung tutuusin, hindi nga naman biro ang pagsasanay ng kanilang mga empleyado na siyang inaabot ng 3-4 na buwan. Ilan sa kanila ay mga estudyante na part-timers, ngunit lahat ng empleyado ng Siento ay tubong Los Baños.

Dagdag pa ni Marcaida, mahalaga sa kanila ang mga ugnayang nabubuo sa loob ng Siento, kaya naman pinapanatili nilang mahusay ang kanilang serbisyo; ika niya, “we don’t want to serve anything not perfect.”

Ang Siento Café ay bukas ng ala-una ng hapon hanggang alas-onse ng gabi mula Lunes hanggang Sabado, at alas-tres ng hapon hanggang alas-diyes ng gabi naman tuwing Linggo.

Para sa mga naghahabol ng deadline—manatiling gising sa Productivity Café!

Sikat naman sa mga estudyante ang kapihang ito—matatagpuan sa gilid ng Lopez Avenue, agaw-pansin ang Productivity Café tuwing kalaliman ng gabi. Habang lahat ng ilaw ay nakapatay at marami ay mahimbing nang natutulog, abalang-abala naman ang mga parokyanong estudyante ng Productivity Café.

Sikat sa mga estudyante ang Productivity Café, na bukas ng mahigit labingwalong oras, sakto para sa mga nais mag-"acads night". (Kuha ni Dominic Galit)

Sikat sa mga estudyante ang Productivity Café, na bukas ng mahigit labingwalong oras, sakto para sa mga nais mag-“acads night”. (Kuha ni Dominic Galit)

Ayon kay Joey Pamulaklakin, Operations Supervisor ng Prod. Café, bukod sa kape, pagkain, at serbisyong hatid nila, ang kanilang mahabang business hours ang kanilang ibinibida: “sobrang lakas ng Prod. Café tuwing ‘hellweek’; punong-puno kami ng estudyante.” Paano ba namang hindi dudumugin ang Prod. Café, kung bukas sila ng mahigit 18 oras? Biro pa nila, minsan nga raw ay wala nang maupuan ang ibang kakarating pa lang dahil puno na sila bago pa man sumapit ang alas-nwebe. Dito rin daw nagmula ang kanilang pangalang “Productivity Café”; bago ito, kilala sila bilang “Manapé”.

Maliban rito, katangi-tangi rin ang mga inihahain nilang pagkain at kape—galing pa ng Kalinga ang kanilang red rice at mountain coffee! Isa ito sa mga personal na desisyon ng may-aring si Ann Frances Buhay, kasalukuyang nag-aaral sa UP Los Baños, na nagsabing nais nilang ipagmalaki ang mga produktong lokal. Bukod dito, gumagamit din sila ng tradisyunal na French press para sa mas malasang na kape. Tulad ng Siento, mga tubong Los Baños rin ang mga empleyado ng Prod. Café, at ilan rin sa kanila ay mga part-timer na estudyante.

Partikular na malakas ang Prod. Café tuwing sasapit ang “hell week”, kung saan tinatrabaho ng mga estudyante sa mga kalapit na kolehiyo at unibersidad ang kanilang sandamakmak na gawain. Sa panahon na ito, natural na lang daw na tumaas ang bilang ng mga parokyano, at gayun na rin, ang kita ng Prod. Café. Sa kabila nito, ibinibida ng Prod. Café ang mataas na kalidad ng kanilang serbisyo, gaano man karami ang tao.

Bukas ang Productivity Café ng alas-onse ng umaga hanggang ala-singko ng madaling araw tuwing Lunes hanggang Huwebes, alas-onse ng umaga hanggang alas-dose ng hatinggabi tuwing Biyernes, at alas-diyes ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi tuwing Sabado at Linggo.

Pangamba sa pagbubukas ng mga sikat na kapihan

Nang lumabas ang balita na isang sikat na kapihan ang magbubukas sa tabi ng UP Gate, lahat ay nagulat—ngunit ibang reaksyon mayroon ang mga tao sa likod ng Siento at Prod. Café.

“To be honest, we weren’t happy—we were threatened,” ani Marcaida ng Siento Café. Ngunit sa halip na matakot, pinagpatuloy lamang nila ang pang-araw-araw sa Siento. “We realized, we shouldn’t be threatened because their customers aren’t necessarily our customers,” dagdag niya.

Nabanggit rin niya na makakatulong pa nga raw ito sa kanila, dahil kinalaunan, maghahanap rin ng alternatibo ang mga tao, lalo na ang mga naghahanap ng kapeng mas mura at bago sa panlasa.

Ayon naman kay Pamulaklakin ng Prod. Café, natural lang daw ang kompetisyon, dahil negosyo rin naman ang kapihan, maliit man o malaki. Ang Prod. Café naman raw kasi, dagdag niya, ay may niche o partikular na parokyano—mga estudyanteng naghahanap ng kapihang bukas hanggang umaga.

Sa usaping pang-kapaligiran naman, hinihiling na lamang nila na manatiling masunurin ang mga establisimiyento at pati na rin ang mga parokyano sa pagbabawal ng paggamit ng plastik. Bukod dito, kampante naman ang mga Los Baños-bred coffee shops na mananatiling maayos ang lahat para sa bawat kapihan—ang mahalaga naman ay ang mapasaya ang mga parokyano sa kalidad ng serbisyong kanilang hatid.

Kung may masasabi man sila sa mga coffee lovers ng Elbi: “Always support local, because there’s charm in supporting it!,” ani ni Marcaida, na taas-noong ipinagmamalaki ang kalidad ‘di lamang ng kape at pagkain sa mga lokal na kapihan, kundi pati na ang mahusay na serbisyo at mas personal na relasyon na handog ng mga coffee shops na binuo sa at para lamang sa Los Baños.

Kaya naman kung naghahanap ka ng masarap na pagkain, lugar para mag-acads, o sadyang kape lamang ang iyong hanap, tara na’t ‘wag mag-atubiling bumisita sa mga kapihang lokal ng Los Baños!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.