Ulat nina Malaya Ampon at Loren May de Guzman
Mayroong naitalang 433 na kaso ng dengue sa Los Baños noong 2017 at 77 rito ay mula sa buwan ng Enero hanggang Marso. Ngayong taon, 68 na kaso ng dengue ang naitala sa parehong mga buwan. Mas mababa ito kumpara noong nakaraang taon.
Upang mapigilan ang paglaganap ng dengue at iba pang mga sakit na dulot ng lamok, mayroong mga programa ang Department of Health (DOH) para dito na ibinababa sa mga Local Government Units (LGU) gaya ng Los Baños.
Isa sa mga pamamaraan na ito ay ang larval survey. Nagsagawa nito ang Municipal Health Office (MHO) sa pamumuno ni Wilson Gascon, Sanitation Officer, kasama ang mga Barangay Health Workers (BHW) sa iba’t-ibang barangay ng Los Baños nitong buwan ng Marso at Abril. Kadalasang ginagawa ito sa unang apat na buwan ng taon.
Ayon kay Gascon, ginagawa ito upang alamin at subaybayan ang maari at posibleng pinamumugaran ng mga lamok. Mahalaga ang gawain na ito dahil nagkakaroon sila ng impormasyon sa maaring bilang ng lamok at masolusyonan agad ito. Iniinspeksyon ng mga tagapangasiwa ang mga lugar at bagay na madalas napopondohan ng tubig gaya ng mga kanal, nakatambak na mga gulong, mga bote at container na walang takip, at iba pa.
Sa buwan ng Marso, bumisita ang MHO at BHWs sa Barangay Anos, Bayog, Lalakay, Maahas, Mayondon, at Timugan. Para sa buwan ng Abril, Barangay Bambang, Batong Malake, at San Antonio naman ang kanilang pinuntahan.
Isang daang kabahayan ang kanilang sinuri sa bawat barangay. Mas binigyan nila ng prayoridad ang mga kabahayaan na may naitala nang kaso ng dengue. Ayon sa website ng World Health Organization (WHO), nasusukat ang antas ng panganib sa pamamagitan ng pagkuha ng “House Index o HI (porsyento ng mga kabahayang positibo sa kiti-kiti ng lamok); Container Index o CI (porsyento ng mga container na nag positibo sa kiti-kiti ng lamok); Breteau Index o BI (bilang ng mga container na nag positibo sa kiti-kiti ng lamok sa bawat isang daang kabahayaan na sinuri); Pupa Index o PI (bilang ng mga pupa sa bawat isang daang kabahayan na sinuri).”
Sa interpretasyon ng resulta ng nasabing survey, masasabing ang isang barangay ay dengue sensitive/high risk kapag ang HI ≥ 5% o ang BI ≥ 20%. Kapag naman ang resulta ng HI < 5% o BI < 20%, masasabing ang isang barangay ay low risk.
Base sa katatapos lang na larval survey sa tatlong barangay nitong buwan, ang Barangay Batong Malake ay dengue sensitive/high risk dahil ang kanilang HI ay umabot sa 6%. Ngunit, hindi siya ganoon kataas kumpara sa ibang lugar na may malalalang kaso ng dengue.
Sa pakikipagtulungan ng MHO, nagsasagawa rin ang mga barangay ng mga pamamaraan sa pagpuksa ng lamok pagkatapos ng larval surveys. Isa na dito ang larviciding, o ang paglalagay ng larvicide sa mga lugar na may napopondong tubig na hindi napapakinabangan upang mapigilan ang paglaki ng mga kiti-kiti na maaring maging lamok. Mayroon ding misting na ginagawa kung saan iniispray ang liquid insecticides sa mga lugar na pinamamahayan ng lamok.
May mga kanya-kanya ring proyekto ang mga barangay upang mapigilan ang pagdami ng lamok. Sa Batong Malake, ginagawa nila ang declogging ng kanilang canal systems para hind maging stagnant ang tubig, pagkuha sa mga bahay-bahay ng mga maaring pagpondohan ng tubig gaya ng mga goma, paglilinis, at paglalagay ng larvicide sa mga daluyan ng tubig.
Inaasahan na sa mga susunod na buwan, pagkatapos magsagawa ng larval survey sa lahat ng barangay sa Los Baños, magkakaroon ng information dissemination sa pamamagitan ng pamimigay ng mga materyales na makatutulong sa pagpigil at pagsugpo ng lamok. Kung may sapat na badyet sa barangay, magkakaroon ng tarpaulin tungkol dito.