Ang bagong Sangguniang Kabataan

Ulat ni John Derrick Ordoñez

Hindi maikakaila ang mahalagang gampanin ng mga kabataan sa pagkamit ng inaasam na pag-unlad ng ating bansa. Malaking bahagdan ng ating populasyon ay mga kabataan kaya naman malaki ang inaasahan mula sa mga ito. Ngayong taon, muling magbabalik ang barangay at SK elections at maghahalal ng mga bagong lider kabataan na siyang mamumuno sa mga kabataan.

Ang Kabataang Barangay

Sa pamamagitan ng Presidential Decree (PD) 684, ang KB o Kabataang Barangay ay naitaguyod sa pagkakaroon ng isang chairman at anim na kagawad. Mga kabataang nasa 15-18 na taon naman ang siyang maaaring bumoto. Si Imee Marcos, ang anak ng dating Pang. Ferdinand Marcos, ang siyang nagsilbing Pambansang Pangulo ng Kabataang Barangay.

Subalit noong termino ni Pang. Corazon Aquino sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 7160 o mas kilala bilang Local Government Code of 1991, ay tuluyan na nga itong napalitan ng Sangguniang Kabataan.

Ang Kabataang Barangay ang siyang nagsilbing boses ng mga kabataan noong panahon ni Pang. Marcos. (Larawan mula sa Wikipedia.com)

Ang Sangguniang Kabataan

Itinatatag ang SK sa ilalim ng Local Government Code of 1991 na nagsasabing maaaring bumoto ng isang chairperson at pitong konsehal na nasa edad 15-21 sa araw ng eleksyon gayon din naman ang mga kabataang boboto. Ang Ingat-Yaman (Treasurer) at Kalihim (Secretary) naman ay itinatalaga ng mga myembro ng SK. Dagdag pa rito, ang 10% ng badyet ng barangay ay dapat ilaan sa mga programa at aktibidad ng SK.

Bilang mandato ng SK, tungkulin nilang magsagawa ng Katipunan ng Kabataan na siyang kinabibilangan ng lahat ng kabataan sa kanilang barangay. Dito rin ipinapakita ng SK ang kanilang mga nagawa at mga reports tulad ng financial at attendance.

Sa kabilang banda, maraming kinaharap na isyu ang SK. Nariyan ang sinasabing korapsyon sa paghawak ng badyet, kawalan ng transparency sa lahat ng transaksyon maging sa SK Federation ng munisipalidad at lalawigan. Gayun din naman sa isyu ng nepotismo na mga kapamilya ng opisyal ng barangay ang siyang umuupo sa mga posisyon sa SK.

Nagkaroon man ng maraming pagsubok, hindi natinag ang SK sa paghahatid ng serbisyo para sa mga kabataan. (Larawan mula sa Internet)

Task Force on Youth Development o Task Force Kabataan

Dahil sa pagkakasuspinde ng SK elections noong taong 2013 hanggang 2016 sa pamamagitan ng RA 10632 na nilagdaan ni Pang. Aquino, ang Task Force on Youth Development (TFYD) o mas kilala bilang Task Force Kabataan ay naisakatuparan.

Ang TFYD ay mayroong walong miyembrong kinabibilangan ng mga kabataan ng barangay na maaaring nominado ng mga organisasyon ng barangay, Katipunan ng Kabataan o pinili ng Punong Barangay. Sila ang mga humawak ng dapat ay badyet ng SK na siya namang 10% ng kabuuang badyet ng barangay.

Ang Bagong Sangguniang Kabataan

Sa pagkakalagda ng RA 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Law, maraming naging pagbabago sa kasalukuyang SK.

Isa na rito ang pagbabago sa kwalipikasyon ng edad ng mga kabataan. Kung noon, 15-17 taong gulang ang maaaring tumakbo, ngayon ay dapat 18-24 taong gulang na. Dahil sila ang mga itinuturing “legal age,” maaari na silang lumagda sa mga kontrata at inaasahan na mas magiging kagamit-gamit ang pondo ng SK. Para sa mga botante, 15-30 na taong gulang naman ang maaaring bumoto.

Upang tuluyang mawaksi ang dinastiyang pulitikal sa bansa, hindi na rin maaaring tumakbo sa SK ang mga kamag-anak ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay hanggang maging sa nasyunal. Hindi maaaring maluklok sa puwesto ang mga “2nd degree of consanguinity and affinity” sa Sangguniang Kabataan.

Dagdag pa rito, ang pondo ng SK ay maaari lamang ilagay sa mga bangko na nasa pamunuan ng gobyerno. Ang Chairman at Treasurer lang din ang maaaring kumuha nito dahil ang kanilang mga lagda ang kinakailangan.

Inaaasahan ang nga bagong SK na magsagawa ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan (CBYDP) sa pamamagitang ng konsultasyon kasama ang Katipunan ng Kabataan. Ang CBYDP ay hindi dapat nalalayo sa ating PYDP o Philippine Youth Development Plan.

Ang SK ngayong taon ay magkakaroon na rin ng Local Youth Development Council (LYDC) na siyang kabibilangan ng mga iba’t ibang organisasyong pangkabataan sa barangay o sa kanilang lokal na bayan. Magkakaroon din ng Local Youth Development Officer (LYDO) na siyang magsisilbing Secretariat at magbibigay tulong sa LYDC.

Isa rin sa pinakamalaking pagbabago sa bagong SK ngayon ay ang “No training, No assumption of office” na polisiya. Ang lahat ng mananalong myembro ng SK at ng LYDC ay kinakailangang sumailalaim sa mandatory training ng National Youth Commission sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ito ay upang mas palawakin pa ang kanilang kaalaman sa pamumuno sa iba’t ibang sitwasyon.

Ang bagong mukha ng Sangguniang Kabataan. Malaki ang inaasahan para sa mga bagong lider ng SK dahil sa mga pagbabagong ginawa rito. (Larawan mula sa Internet)

Maraming mang naging pagbabago sa ating Sangguniang Kabataan, hindi pa rin maiaalis ang kaba ng ilan sa atin dahil muli na ngang magbabalik ang mga kabataan sa konseho. Gayunpaman, ang tiwala at suporta ng marami sa ating mga kabataan ay patuloy pa ring ibinibigay sa mga kumakandidato. Kaya naman, huwag nating sayangin ang ating pagkakataong pumili ng mga susunod na lider kabataan ng ating barangay. Bumoto at magpaboto sa darating na Mayo 14, 2018!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.