nina Christine M. Reyes at Bernice Gonzales
Mahigit tatlumpung bata ang nakilahok sa isang art outreach program na isinagawa ng UP Painters’ Club noong ika-5 ng Mayo sa Gawad Kalinga Village, Brgy. Tuntungin-Putho, Los Baños, Laguna.
Ang naturang programa ay isang taunang aktibidad ng organisasyon na isinasagawa sa iba’t-ibang mga komunidad sa Los Baños. Ngayong taon, dinaluhan ito ng mga bata mula sa nasabing barangay na may edad na lima hanggang labindalawa.
Hinati sa dalawang workshops ang programa. Ang una ay isang acrylic painting workshop na pinangunahan ni Antonio III Cortes, habang ang pangalawa ay patungkol naman sa origami making na pinangunahan ni Arvin Cabugao. Pawang miyembro ng nasabing organisasyon sina Cortes at Cabugao.
Ayon kay Kristian Stephen Noñeza, Director ng UP Painters’ Club, nais ng organisasyong ma-engganyo ang mga batang tahakin ang landas ng visual arts. “Gusto rin naming … i-open sa kanila ‘yung pwede nilang makuhang opportunity sa art, since parang madalas na iniisip ngayon na parang wala kang pera sa art,” dagdag niya. Ika ni Noñeza, ang pagpapakilala sa arts sa mga bata sa murang edad ay pagbibigay rin ng dagdag na pagpipilian sa kung ano man ang nais nilang tahakin sa hinaharap.
Naibahagi rin ni Noñeza ang dahilan kung bakit acrylic painting at origami making ang ibinahagi ng UP Painters’ Club sa mga bata sa nasabing okasyon. Ayon sa kanya, napili nila ang acrylic dahil bukod sa mura ito, ito rin daw ang pinaka-simpleng wet media na ginagamit sa pagpipinta. Pagdating naman sa origami, napili nila ito dahil sa bukod sa kadalian nitong gawin, ay papel lamang ang kailangan dito, at lagi namang may papel ang mga bata.
Dagdag pa ni Noñeza, masaya silang makita ang mga batang may natututunan mula sa kanila at masaya rin sila na nakakatulong sila sa mga ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ganitong workshops at pamimigay ng mga school supplies. “‘Yung facilities nila doon wala talaga silang art supplies. Puro lang libro … so parang bago sa community nila na magkaroon sila ng art-related na mga bagay,” aniya. Dahil limitado ang mga kagamitan sa Gawad Kalinga Village, sinabi rin niyang magandang hakbang ito sa paghubog sa mga bata sa kakayahang pansining lalo na kung nanaisin nilang kumuha ng kursong may kinalaman dito sa kanilang paglaki.
Malaki ang pasasalamat ng mga bata pati na rin ng mga magulang ng mga nakilahok sa workshop. “Para matuto siyang makihalubilo at matuto ring mag-aral kasi mahiyain ‘yan. Hindi ‘yan basta nakikisama”, ani Teresa Alborida, ina ng isa sa mga bata, nang tanungin kung bakit isinasali niya ang kanyang anak sa art workshop. Masaya silang nakapagbigay ng art workshop at school supplies ang organisasyon. Ayon kay Noñeza, maging ang tagapamahala ng Gawad Kalinga Village ay nagpasalamat dahil may bagong natutunan ang mga bata.
May higit sa sampung taon nang ginagawa ng UP Painters’ Club ang art outreach programs kagaya ng nabanggit. Noong nakaraang taon ay ginanap ang naturang outreach program sa Autism Society of the Philippines, Laguna Chapter. Ang mga mag-aaral sa center ay nagpipinta ng mga bags at ibinebenta ang mga ito, kaya’t tinuruan sila ng organisasyon ng silkscreen painting upang mapadali ang kanilang ginagawa.
Nang tanungin ukol sa mga plano nila para sa susunod na outreach programs, nabanggit ni Noñeza na bagama’t wala pang napaplano ay interesado silang muling magturo sa mga bata. “Gaya nga ng nasabi ko kanina, gusto namin na … ma-inspire sila (mga tao) na tahakin ‘yung field ng visual arts,” wika niya.