Sipag, Dangal, at Dedikasyon: Ang Volunteer Teacher Aide na si Tita Angie

nina Kinessa Denise Chispa at Katrina Tungol

Ito ay ikalawa sa limang feature stories na itinatampok ang ilang mga manggagawa mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna.

Bago pa man sumikat ang araw, bukas na ang ilaw sa tahanan ng pamilya Martinez sa Barangay San Antonio. Maaga pa lamang kasi ay abala na si Tita Angie sa paglilinis ng bawat sulok ng kanilang bahay at paniniguradong maayos ang lahat bago pa magising ang kaniyang mga anak. Kasabay nito, abala na rin siya sa pagluluto ng agahan at baon ng kaniyang pamilya. Ganito ang araw-araw na buhay ni Tita Angie bilang isang ina.

Ngunit matapos ang mga tungkulin sa tahanan, dala pa rin ni Tita Angie ang kaniyang pagiging ina maging hanggang sa kanyang trabaho. Bilang isang volunteer teacher’s aide sa Rural Improvement Club (RIC) Children’s Learning Center sa San Antonio, tumatayo rin siyang pangalawang magulang ng mga estudyante sa nasabing daycare center.

Si Tita Angie habang nakikipaglaro sa mga mag-aaral ng Rural Improvement Club Children’s Learning Center. (Kuha ni: Kinessa Denise Chispa)

Si Angelica Martinez, 48 na taong gulang, ay mas kilala bilang Tita Angie. Ang kaniyang asawa ay golf course superintendent sa Saudi Arabia. Sa apat na mga anak ni Tita Angie, dalawa ay nakapagtapos na ng kolehiyo, habang ang isa naman ay nakatakdang gumradweyt ng kursong Food Technology sa Laguna State Polytechnic University sa katapusan ng Mayo ngayong taon.

Ayon sa kanya, minsan ay strikto at minsan naman ay maluwag siya bilang isang ina. Aniya, kadalasan ay nadadala niya ang pagiging nanay niya sa bahay sa kanyang trabaho sa daycare center. Naikwento niya pa na minsan ay nagkaroon siya ng estudyante na kinailangan niyang kalungin araw-araw sa tuwing may klase para lang hindi umiyak. Ika niya, “Siguro kasi kung mapagmahal ka sa mga anak mo, ganu’n ka din kahit sa ibang bata. Nadadala mo ‘yung motherly love mo. Anak na din ang turing mo sa kanila.”

Pagsisimula

Malayo sa trabaho ni Tita Angie ngayon ang tinahak niya bago siya maging isang volunteer teacher aide. Noong 1992, nakapagtapos siya ng BS Agriculture sa University of the Philippines Los Baños. Matapos ang dalawang taon ay nakapagtrabaho naman siya sa Seed Technology Laboratory ng International Rice Research Institute bilang isang research aide na nag-specialize sa plant breeding.

Noong una, hindi raw sumagi sa isip ni Tita Angie na mapapadpad siya sa larangan ng edukasyon. Ang tanging alam niya lamang ay malapit ang puso niya sa mga bata, sapagkat palagi na rin siya noong tumutulong sa outreach program na pinangungunahan ng kaniyang pamangkin sa Maynila.

Ayon kay Tita Angie, tatlong taong gulang pa lamang ang kanyang anak nang ipasok ng kaniyang biyenan sa RIC daycare. Ngunit dahil matanda na ito ay kinailangan nang tumigil ni Tita Angie sa kaniyang pagtatrabaho upang matutukan ang kaniyang anak. Dito siya nagsimula bilang aktibong parent-member ng RIC noong 1998 hanggang sa naging ganap na siyang volunteer kahit pa gumradweyt na ang kanyang mga anak dito. Isa siya noon sa mga naging officer sa council na pinamumunuan ni Teacher Belinda Gordula o Teacher Belle, na kasalukuyang guro ng RIC Children’s Learning Center sa San Antonio.

Ina sa eskwela

Bilang katuwang ng guro, si Tita Angie ang nagsisilbing punong-abala sa pagpapanatiling maayos ng silid-aralan, paghahanda ng mga materyales ng mga estudyante, at pag-alalay sa kanila sa pagsagot ng mga seatworks. Siya din ang naaatasang magtuturo sa mga bata sa tuwing may pagtatanghal ang mga ito kung may mga events. Sa katunayan pa nga, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali ay wala ng pahinga o upo man lang kahit saglit si Tita Angie sa dami ng kanyang ginagawa.

Si Tita Angie ay naka-antabay sa mga mag-aaral habang si Teacher Belle ay nagtuturo. (Kuha ni: Kinessa Denise Chispa)

Ayon kay Teacher Belle, mahalaga ang gampanin ni Teacher Angie sa daycare. Ani niya, “Mahalaga si Tita Angie dito, kasi siya ‘yung isa kong kamay. Kasi wala akong pwedeng pagkakatiwalaan, kung ‘di si Tita Angie din lang. Kasi hindi mo puwedeng iwanan ng bata ang hindi marunong mag-alaga ng bata. ‘Pag si Tita Angie, kampante ako kasi alam niya din ang gagawin. Hindi mo na kailangang i-feed kung ano yung dapat gawin. Pati yung mga magulang din, ‘pag sa kanya iiwan, makakampante din.”

Gayunman, ayon kay Tita Angie, hindi rin madali ang pagiging isang assistant teacher. Paliwanag pa niya, “Mahirap. Pero kasi ako, ang panuntunan ko sa buhay, ‘pag ini-enjoy mo, hindi ka nahihirapan. Ini-enjoy ko yung ginagawa ko, lalo na ‘pag naa-appreciate ka nila. So, balewala yung pagod… Ang patience kasi, kung talagang ando’n yung commitment mo at ‘yung love, kasama na ‘yon,” paliwanag n’ya.

Bokasyon higit sa propesyon

Kakatapos lamang ng kanilang klase, at makikita ang pagod sa kanyang paghinga. Ngunit habang inaalala niTita Angie ang kanyang mga karanasan sa buhay bilang volunteer, tila nagkaroon siya muli ng panibagong sigla na magkuwento pa. Sa kabila ng hirap sa pagiging volunteer teacher aide, pinili pa rin ni Tita Angie na manatili sa kanyang trabaho hanggang ngayon na dalawampung taon na siya rito. “Kasi nga lagi kong sinasabi, ‘pag mahal mo, hindi lang yung trabaho mo, pati yung mga taong kasama mo, hindi mo iniisip yung financial status ng pagiging volunteer,” sagot ni Tita Angie.

Sa dalawampung taong paninilbihan ni Tita Angie sa RIC, walang matatawag na regular na suweldo si Tita Angie. Sa kasulukuyan ay asawa niya ang nagtataguyod sa kanilang pamilya.

Ayon kay Tita Angie, hindi matatawaran ang nararamdaman niyang kasiyahan sa kanyang bokasyon. Higit pang nagsisilbing inspirasyon ang mga estudyante pati na ang kani-kanilang mga magulang na nagpapahalaga sa kanilang mga ginagawa. “Siyempre, masarap sa feeling na mayro’n ka palang impact hindi lang sa mga bata, pati rin sa mga nanay,” ika niya.

Dagdag ni Tita Angie, mabigyan man siya ng pagkakataon na magpalit ng trabaho, mas pipiliin niyang manatili sa pagiging volunteer teacher aide. “Na-experience ko na rin kasi na magkaro’n ng trabaho. Naiwan ko si Teacher Belle nu’ng nagtrabaho ako sa munisipyo as staff ng isang konsehal ng bayan. Ewan ko, ‘pag papasok ako [noon], hindi puwedeng hindi ako dadaan dito [sa RIC]. Nami-miss ako ng mga bata. Wala din akong maiisip na ibang trabaho na mas mahalaga kaysa dito sa [RIC],” pagkukwento n’ya.

Walang katumbas

Sa buong barangay ng San Antonio, karamihan ng mga residente ay dumaan na sa pangangalaga ni Tita Angie. Ang ilan pa sa mga magulang ng mga estudyante ngayon ay dati na rin nilang mga mag-aaral sa daycare center. Para kay Tita Angie, mas itinuturing niyang isang pribilehiyo higit sa tungkulin ang mapagkatiwalaan na tumayong pangalawang magulang sa halos dalawang henerasyon ng mga residente sa kanilang komunidad.

Tunay ngang walang trabaho ang nakabababa kung ito ay marangal. Maging assistant teacher man kagaya ni Tita Angie, ay may malaki at kahanga-hangang ambag sa ating lipunan. Gayon na nga, ang bawat oras na ginugugol ni Tita Angie sa mga munting paslit sa Brgy. San Antonio, maging wala mang katumbas o kapalit, ay nagsisilbing mga punlang naitatanim sa puso ng mga kabataan at naghuhubog sa kanila bilang mga susunod na pag-asa ng bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.