nina Marisha Beloro, Miguel Dario, at Mirzi Angela Encelan
Masinsinang binubusisi ni Mang Larry ang mga papeles ng kanyang mga pinagsisilbihan sa munisipyo. Araw-araw sa loob ng limang taon, siya ay humaharap sa mga katulad niyang Persons with Disability o PWDs dito sa Los Baños upang gabayan sila sa pagkamit ng kanilang mga pribilehiyo at mga benepisyo.
Tubong barangay Mayondon sa bayan ng Los Baños, Laguna, si Leoncio “Larry” Dechitan ay isang PWD na 55 taong gulang. Panglima sa sampung magkakapatid, siya ay namumuhay kasama ang kanyang mga kapatid sa isang payak na tahanan sa nasabing barangay. Walang anak at walang asawa sa kanyang edad, hindi na niya naisipan pang humanap ng katuwang sa buhay sapagkat ayaw niyang maging hadlang ang kanyang kapansanan sa kanyang pagiging padre de pamilya.
Bata pa lamang, nakahiligan na niya ang pagguhit. Mula sa simpleng bilog, nakakagawa siya ng mukha ng tao.
Dati ay stick people, unti-unting nagkakaroon ng laman ang kanyang mga guhit. Nang lumaon, dahil sa pursigido siyang matuto, tinuruan niya ang kanyang sarili na gumamit ng iba’t-ibang pamamaraan sa pamamagitan ng panonood ng ibang taong gumuguhit at pagbabasa ng mga libro na makakahubog pa lalo ng kanyang kalinangan hindi lamang sa pagguhit kundi maging sa pagpinta.
Nasa ika-anim na baitang siya sa mababang paaralan nang siya ay dinapuan ng sakit na polio.
Kaiba sa karaniwan, ito ay dumapo sa kanyang mga kamay. “claw finger” kung tawagin ng mga doktor. Naging dahilan ito upang siya ay sumailalim sa rehabilitasyon sa loob ng halos dalawang taon kung kaya hindi kaagad siya nakabalik sa pag-aaral.
Gayunpaman, nalagpasan niya ang pagsubok sa kanyang buhay. Kinaya niya muling sumulat at gumuhit. Kumuha siya ng kursong BS Civil Engineering sa Colegio De San Juan De Letran sa Calamba ngunit sa kasamaang palad ay dalawang taon lamang sa kolehiyo ang kanyang nabuno dahil sa pagiging sakitin. Gayunpaman, ang kanyang angking galing ang naging pangkabuhayan niya at nagsustento ng kanyang pangaraw-araw na pangangailangan.
Taong 1989 nang hindi inaasahang dumating muli kay Mang Larry at sa kanyang pamilya ang panibagong dagok noong malaman niyang siya ay dinapuan ng kanser sa buto.
Ayon sa doktor, kinakailangang putulin ang kanyang kanang paa upang pigilan ang pagkalat ng sakit, kung hindi ay hindi na siya magtatagal ng higit sa dalawang taon.“Kasi kapag sumasakit, inuumpog ko na yung ulo ko sa dingding, sa unan. Sobrang sakit sa paa. Lalo na‘pag malamig. Sobrang sakit.” ani ni Mang Larry. Bukod pa rito ang depresyon na naranasan niya na sinabayan pa ng pangangailangan nghalagang P300,000 para sa operasyon niya sa paa. Ang sabi na lamang niya noon, “mamamatay na lang ako siguro nang ganito.” Sa tulong pinansyal ng kanyang mga kasama sa katekismo, kinalaunan ay pumayag din si Mang Larry na magpaputol ng paa, at pahabain pa ang kanyang buhay.
Makalipas ang 26 na taon, muli na namang sinubok ng tadhana si Mang Larry. Taong 2015, kinailangan na ring putulin ang natitira niyang paa.
Sa ngayon ay pareho nang artificial ang kanyang mga paa na naipagawa niya sa tulong parin ng kaniyang mga kasamang katekista sa St. Therese of the Child Jesus. Aniya, literal namga paa ang naibigay nila sakanya,
Simula pagkabata, at lalo na sa mga panahon na siya ay tila sumusuko na, pananampalataya sa Diyos ang kanyang naging sandigan. Ayon nga sa kaniyang paboritong berso sa bibliya na 1 Corinthians 10:13, “Wala pang pagsubok na dumating sa atin na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos at hindi niya pahihintulutan na tayo ay subukin. Sa halip, pagdating ng pagsubok ay bibigyan niya tayo ng lakas para mapagtagumpayan yon.”
Ang mga pagsubok na kanyang naranasan ay hindi naging hadlang upang magwakas ang pagmamahal ni Mang Larry sa sining—partikular sa pagguhit at pagpipinta.
Sa katunayan, ilang beses nang nakasama sa exhibit ang kanyang mga likha. Sa kasalukuyan, tumatanggap din siya ng mga nagpapagawa ng mga charcoal portraits at landscaping bilang pagkakakitaan. Ilan sa mga malalaking proyekto niya ay ang pagla-landscape ng golf course ni Henry Sy sa Tagaytay, at ang paggawa ng charcoal portrait ni Governor Ramil Hernandez.
Sa lahat naman ng gawa niya, ang pinakapaborito niyang likha ay ang obrang “Forgiven“. Ayon sa kanya, ang larawang ito ay hango sa tunay na kwento ng pagpapatawad sa kanya ng Diyos. “May pinagpe-pray kasi ako noon. Sabi ko, ‘Lord, kung andyan ka, bigyan mo naman ako ng sign. Bigyan mo ako ng bulaklak kasi, diba, mahirap sa lalaki ang mabigyan ng bulaklak?” pagkukwento ni Mang Larry. Dumaan ang ilang buwan at walang tigil na pagdarasal nang biglang may bumisita sa kanyang kumpare. Lalong pinatibay nito ang kanyang pananampalataya at nagsilbing inspirasyon pa para kay Mang Larry.
Bukod sa pagiging idolo ng mga tao sa larangan ng sining, si Mang Larry rin ay nagsisilbing inspirasyon ng mga PWD lalo na dito sa Los Baños. Siya ang founder ng Los Baños Federation of PWDs, isang organisasyong naglalayong paglingkuran ang mga kagaya niyang may kapansanan at nagsisilbing daan upang mailatag ang kanilang mga hinaing ukol sa mga isyung kinakaharap nila. Sa kabila ng kanyang mga pinagdadaanan, mensahe ni Mang Larry para sa kanyang mga kapwa PWDs, “Huwag mawawawalan ng pag-asa. Laging nariyan ang Diyos upang tayo’y tulungan.Maniwala lang. Samahan din natin ng sipag sa sarili siguro. Kung ano yung talent mo, ilabas mo. Huwag mong itago.”
Patunay ang mga naging mapait nakaranasan at matamis na tagumpay ni Mang Larry na kailanman ay hindi makakahadlang ang anumang sakit sa pag-abot ng mga pangarap.
Sa kasalukuyan, si Mang Larry ay malusog na at isa nang ganap na cancer survivor. Sa kabila nang sunod-sunod na pagsubok sa kanyang buhay, na tila wala nang paraan upang lumaban, patuloy lang na lumalaban si Mang Larry dahil aniya, “Kahit ano pa yan, kakayanin ko yan! Nakakangiti pa naman ako.”