nina Shaira Angela Nicole Hernandez at Cheska Folgo
Ito ay pangatlo sa limang feature stories na itinatampok ang ilang mga manggagawa mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna.
“Kasi nanggaling rin ako sa hirap. Yung pinagdadaanan nila [mga bata], dinaanan ko rin. Kaya ang ano ko, ayaw ko mawalan ng tindahan, gawa rin ng mga anak ko. Mga baon nila, mga kailangan nila sa iskul— maibibigay ko… kahit pa hindi ko kilala,” sambit ni Nanay Erlinda habang naluluhang ikinukwento ang pinakasandigan niya sa kung bakit nga ba niya ginagawa ito — ang tumulong sa mga bata.
Tuwing alas-tres ng hapon ay mapapansin ang mga batang isa-isang lumalabas ng San Antonio Elementary School. Sila’y halos apat na talampakan lamang pagdating sa tangkad— mga bibwit, kung tawagin ng mga nakakatanda. Dumadaan sila sa isang tindahang tago sa eskinita, at dito makikita silang nag-uunahang makabili ng palamig, chichirya, at kung anu-ano pang pantawid gutom. Sa isang mainit na hapon ay halos laging napupuno ng mga bata ang makitid na daan sa tapat ng tindahang pagmamay-ari ni Nanay Erlinda Alvarez-Orma, tubong San Antonio, o mas kilala sa palayaw na Nanay Erlinda.
[Facebook Video: Ang buhay ni Nanay Erlinda]
Kabataan ni Nanay Erlinda
Lumaki si Nanay Erlinda sa isang malaking pamilya. Malaki ito dahil isa lamang siya sa 11 na magkakapatid na pinalaki ng kanilang mga magulang, at ang kanilang tatay lamang ang nagtatrabaho upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan. Dahil dito, mapagtatanto na noon pa lamang ay namulat na si Nanay Erlinda sa kahirapan ng buhay. Nabanggit ninya minsan sa kanyang kwento ang mga panahong pumapasok pa siya sa Lopez Elementary School bilang munting estudyante, bitbit bitbit ang monay na noo’y tanging kayang ibigay na baon sa kanya ng mga magulang niya.
Maagang nagbanat ng buto si Nanay Erlinda dahil alam niyang mahirap para sa kaniyang tatay ang magtaguyod ng 11 na bata. Grade 5 pa lamang siya ay natutunan niya na ang importansya at silbi ng pagtatrabaho. Sa musmos na gulang niya noon, naglalakad siya papunta sa Kainan ni Aling Lumen na matatagpuan noon sa University of the Philippines Los Banos para maghugas ng pinggan. Mula rito, bente pesos ang binibigay sa kanya para sa kanyang mumunting serbisyo, at ang perang iyon naman ay ginagamit niya para sa kaniyang baon araw-araw pagpasok.
“Pagkagraduate ko sa Lopez, nagtinda ako ng tsinelas sa Binan. Alas tres pa lang ng madaling araw ay nagsisilid ako ng tsinelas sa kahon”, pagbabalik-tanaw ni Nanay Erlinda sa mga panahong gumigising at naghahanda siya ng maaga upang makapagbenta at kumita. Ani Nanay Erlinda, noong tumuntong na siya ng high school ay tumira siya sa kaniyang tiyahin sa Binan. Sampung taon siyang nanirahan doon, tumutulong sa pagtitinda ng tsinelas ng kanyang tiyahin sa Baclaran. Naghahatid rin siya ng mga tinda sa Cabanatuan, San Pablo, at Batangas.
Ang lahat ng pinagdaanan ni Nanay Erlinda noong kabataan pa lamang niya ay ang kanyang naging puhunan at panimula upang mas magsumikap sa buhay — hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa ikagiginhawa ng buhay ng kaniyang pamilya. Sa paglipas ng panahon, hindi tumigil si Nanay Erlinda na higit pang patunayan ang kaniyang aruga at pagmamahal para sa pamilya at para sa mga mas nangangailangan.
Ang Sari-Sari Store ni Nanay Erlinda
Marami-rami ring pinagdaanan si Nanay Erlinda upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak. Dahil hiwalay sa asawa, mas naging mahirap ang pagtataguyod niya sa kanyang pamilya. Dalawampu’t limang taon na ang nakakalipas nang naisipang magbenta ni Nanay sa may kanto ng San Antonio Elementary School. Dito sa kantong ito noon ay makikita siya na may bitbit na bilao puno ng iba’t ibang klaseng mga puto at macaroni spaghetti. May dala-dala rin siyang palamig — at lahat ng iyon ay binebenta niya lamang ng humigit kumulang isa hanggang piso lamang; kung minsan nga ay pinapautang niya pa ito sa mga bata.
Lumipas na rin ang maraming taon, at kasabay na rin nito ang paglipas ng mga taon sa mga bata natulungan ni Nanay Erlinda sa kanyang pagbebenta. Marami sa mga ito ay nagsipagtapos na rin, pero si Nanay Erlinda, hindi pa rin tumitigil at tuloy pa rin ang pagbebenta sa mga bago niyang mga estudyante ng mga palamig at mga merienda para sa kanilang pag-uwi mula sa elementary school.
Matagal-tagal bago naipatayo ni Nanay Erlinda ang tindahan niya sa may lote ng kaniyang tatay. Bago niya naipatayo ang kaniyang tindahan, mahabang journey ang kaniyang pinagdaanan. Maiyak-iyak pang kwinento ni Nanay Erlinda na hirap siyang papasukin sa kolehiyo ang kaniyang anak.
“’Yung anak ko pumasok na ng UP, first year may STFAP nun, hindi nakapasok. ‘Nanay ang babayaran ko 4,000 sa UP’ kasi naka isang sem na siya ‘nun. May utang ako sa UP na 4,000. Sabi ko ‘Anak wala naman akong perang ganun kasi hindi pa naman ako umuutang utang noon.’”
Ayon sa mga kwento niya, nahirapan pa si Nanay Erlinda na mangutang para lamang maipagawa ang kanyang munting tindahan. Pagkatapos ng ilang mga taon ay naipatayo na niya sa wakas ang tindahan sa lupa ng kaniyang mga magulang. Ninais niyang gamitin ang kaniyang kita para may ipabaon siya sa kaniyang mga anak. Ika pa nga ni Nanay Erlinda, “Kaya ayaw kong mawalan ng tindahan, para sa baon nila [anak]”
Maraming masasayang alaala at gunita si Nanay Erlinda sa kaniyang tindahan, ngunit hindi naging mabilis ang tinahak niyang landas. Sa 26 taon niya ng pagtitinda, may mga araw na halos hindi niya kinayang mamili ng mga paninda dahil sa pagod at sakit, pero nanaig pa rin ang kagustuhan niyang pumasok ang mga bata na may kakaining baon. Dahil dito, kaya kahit konti lang ay pinipilit niyang magbukas ng kaniyang tindahan kada araw. Naalala pa nga ni Nanay Erlinda, habang nakangiting ikinwento, na dati ay naglalaba pa siya upang makabili ng paninda para sa susunod na araw.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin si Nanay Erlinda sa kanyang pagtitinda. Ika nga niya, iba pa rin kapag nakakakita siya ng mga bata na pumapasok na may dalang baon, kaya’t patuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang munting mga benta. Ngayon ay nakikita pa rin si Nanay Erlinda na nagbebenta ng kanyang sikat na palamig at hotcake.
Inspirasyon ni Nanay Erlinda
Buhat-buhat man ang pang araw-araw na pagsubok, si Nanay Erlinda ay nananatiling masayahin at bukas-palad. Tagu-tago ng kanyang nakangiting mga mata ang lungkot na kanyang nilalabanan. Nang maitanong kung saan nanggagaling ang kanyang tiyaga na maging isang taong nabubuhay para sa iba, agad na sinagot ni nanay na ito ay dahil nanggaling rin siya sa hirap.
“Salamat, nanay, salamat”, ang sabi ng mga batang ngumingisi nang maikwento ni nanay ang mga estudyante na dumadaan sa kanyang tindahan na binibigyan niya ng kaunting pangdagdag pamasahe sa trolley.
“Wag mong alalahanin ‘yun. Basta nandito lang ako”, ang kanya namang isinasagot.
Nang tanungin naman tungkol sa kanyang lakas na gawin ang kanyang pang araw-araw na pagtitinda, sinabi ni Nanay Erlinda na ang inspirasyon niya ay ang kanyang tatlong anak na sina Hasol, Sherilyn, at Henry.
“Ayokong nagpapakahirap ang anak ko”, maluha-luhang winika ni Nanay Erlinda habang ipinapakilala ang kanyang pangalawang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa bilang tagapag-alaga. “Alang-ala sa anak ko na nagpapakahirap”, dagdag niya kaya raw kinakailangan at pinipili niyang maging malakas.
Cadz ang pangalan ng anak ni Sherilyn na nakatira sa bahay ni Nanay Erlinda. Labis na tinuturo ni Nanay Erlinda sa kanya ang kahalagahan ng simpleng pamumuhay tuwing nababanggit ang ideya ng pagbili ng mga mamahaling bagay tulad ng tablet. Sa ngayon, ikinatutuwa ni Nanay Erlinda na ibinabahagi ni Cadz ang plano niya na mag-aral nang mabuti upang makuha ang mga gusto niya sa buhay. Isa na rito ang makapunta sa ibang bansa. Itong pangarap ni Cadz ay naging pangarap na rin ni Nanay Erlinda upang makasama muli ng kanyang apo ang kanyang minamahal na ina.
Si JamJam, ang anak ni Henry, at si Cadz ay ang mga nagbibigay-kulay sa mundo ni Nanay Erlinda. Sila ang rason kung bakit mayroon at hindi mawawala ang tindahan— upang mabigay ni Nanay ang mga bagay na hindi niya nakuha nang siya’y bata pa. At kahit hindi kadugo, si Nanay Erlinda ay handang maging kanilang nag-iisang “Aling Lin”— tagapag-tanggol at tagapag-bigay.
Mga Aral kapupulutan mula kay Nanay Erlinda
Hindi makukumpleto ang storya ni Nanay Erlinda nang hindi ipinapahayag ang kanyang mga natutunan sa buhay. Walang pag-aalinlangan, sinimulan niya ito sa pagbabahagi kung paano ang tamang pagtingin sa mga problema.
“Wag masyadong dibdibin ang problema, talagang dadaan din ang problemang yan… Basta ang iintindihin niyo, yung dadating.”, ikaw ni nanay habang pinupunasan ang kanyang mga luha.
Ibinahagi rin niya ang kanyang pananaw sa paggastos. Dulot ng mga karanasan sa buhay, importante kay nanay Erlinda ang pagiging responsable sa pera. “Wag masyadong gasta ng gasta… Mga bagay na hindi kailangan sa pang araw-araw; wag bilhin”.
Ang pagmamalasakit at pagtulong ni Nanay Erlinda sa mga tao sa kanyang paligid nang walang hinihinging kapalit ay ilan lamang sa mga rason kung bakit siya ay katangi-tangi sa Barangay San Antonio. Kapamilya man o hindi, mayaman man o hindi— walang humahadlang sa kakayahan ng kahit sino man na tumulong kung ito talaga ang nais nilang gawin. At ito ang nais maipapamana ni Nanay Erlinda sa mga taong makakaalam ng kanyang kwento.