Noong ika-28 ng Hunyo, lumahok ang mag mag-aaral ng Los Baños National High School (LBNHS)–Poblacion sa isang Teenage Pregnancy Symposium. Pinangunahan ito ng Provincial Population Office–Outreach (PPOO), na bahagi ng Population Commission Program. Isinagawa ito upang magabayan ang mga kabataan hinggil sa panganib at iba pang usaping kaakibat ng teenage pregancy.
Nasa 150 mga mag-aaral ng LBNHS-Poblacion ang nakilahok sa talakayan. Pinangunahan ni Genevieve Casabuena ng PPOO ang pang-umagang bahagi ng programa na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa baitang 7, 9, at 10.
Nagsilbing tagapagsalita sa symposium ang mga kinatawan ng Population Commission (PopCom) Region 4 na sina Regional Director Angelito Obcena at kanilang information officer na si Harold David. Ibinahagi ni Director Obcena ang resulta ng 2013 Young Adult Fertility and Sexuality ng CALABARZON, partikular ang mga insidente ng teenage pregnancy. Si David naman ang tumalakay ng “Too Early for Sexual Involvement,” kung saan pinag-usapan ang mga problemang hatid ng sexual activity sa murang edad at mga isyung may kinalaman dito.
MGA LARAWAN. Tinatalakay ni PopCom Region 4 Information Officer Harold David (nakapula sa unang tatlong larawan) at iba pang kinatawan ng kanilang ahensya ang iba’t ibang isyung kaabikat ng teenage pregnancy.
Pagsapit ng ika-2 ng hapon, kinapanayam naman ng PPOO at PopCom Region 4 ang 45 na mag-aaral mula sa baitang 8 at 9 upang makuha ang kanilang mga ideya at saloobin hinggil sa isyu ng teenage pregnancy. Ipinapanood rin sa kanila ang Teen Choice, isang interactive video ng PopCom na tumatalakay sa issues and concerns ng mga teenager tungkol sa sekswalidad.
MGA LARAWAN. Tinipon ang mga kalahok na mag-aaral sa maliliit na grupo, upang magkaroon ng iba’t ibang diskusyon hinggil sa mga isyung bahagi ng symposium.
Ayon sa PopCom Region 4, layunin ng symposium na mabigyang kamalayan ang mga kalahok tungkol sa mga panganib na dulot ng teenage pregnancy at magabayan sila tungkol sa responsableng pagdedesisyon hinggil sa kanilang sekswalidad
(Ulat mula kay Sunshine Marcelino, School Paper Adviser ng LBNHS–Poblacion; Karagdagang impormasyon mula sa Commission on Population at PopCom Region 4.)