ulat nina Nayo Datuin, Danessa Lorenz Lopega, at Reizl Jermaine Monteposo
Ginanap noong ika-7 hanggang ika-9 ng Nobyembre ang SyenSaya 2018 sa Baker Hall ng University of the Philippines Los Baños, kung saan nagkaroon ng exhibit ang iba’t ibang organisasyon tungkol sa agrikultura, agham, at teknolohiya. Ito ay dinaluhan ng mga mag-aaral at mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa CALABARZON, Metro Manila, at iba pang karatig lugar.
Sa ika-10 taon ng SyenSaya, patuloy ang pagsuporta ng Los Baños Science Community, Inc. sa Agham at Teknolohiya upang mapagtibay ang paglalapit sa publiko ng mga makabagong ideya ng mga organisasyon na tumatalakay sa kani-kanilang ambag sa pag-unlad ng agham at teknolohiya.
“Ang gusto nating mangyari, yung mga pumupuntang bata dito, mainspire sila na mag pursue ng college courses na in-line sa STEAM. Ano ba yung STEAM? Ito ay yung Science, Technlogy, Engineering Agro-Fisheries and Mathematics,” ani Daniel Dave J. Batayo, Project Development Officer.
Ayon rin sa kanya, ang tema ng SyenSaya 2018 na “Science For The People: Innovations For Collective Prosperity” ay binase sa National Science and Technology Week ng Department of Science and Technology upang mas mapagtibay ang pagkakaisa ng bawat ahensya na nag-aangat sa Agham at Teknolohiya sa bansa. Ito rin ang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga makabagong ideya at pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya upang makamit ang pagbabagong panlipunan tungo sa malawakang pag-unlad.
Dahil sa layuning ito, ang mga institusyon ay nagtulong tulong upang buuin ang exhibit sa Syensaya 2018 upang mabigyang impormasyon ang mga mag-aaral at mga guro tungkol sa mga oportunidad na mayroon ang Agham, Teknolohiya, Agrikultura at Matematika at mapagtibay ang kanilang interes upang mapalawak ang kaalaman sa larangang ito. Ilan sa mga institusyong kabilang sa exhibit ay ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC), International Rice Research Institute (IRRI), Museum of Natural History at marami pang iba. Sa taong ito, ang nagsilbing namunong ahensya ay ang Forest Products Research and Development Institute.