ulat ni Danessa Lorenz Lopega
Kabilang ang Los Baños Bambang Senior High School (LBBSHS) sa mga lumahok sa ginanap na 4th Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong ika-5 ng Nobyembre 2018.
Daan-daang mag-aaral mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Los Baños, Laguna, ang nakiisa sa NSED, 75 sa mga mag-aaral na ito ay mula sa LBBSHS. Ang ika-apat na NSED ay pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Los Baños sa tulong na rin ng Bureau of Fire Protection Office (BFPO).
Ilan sa mga student volunteers ang nagsagawa ng rescue simulation upang malaman ng mga mag-aaral ang mga maaaring gawin kung sakaling mangyari ang sakuna. Kabilang na rito ang pagbuo ng “search-and-rescue teams” ng mga volunteers at ang pagbibigay nila ng “first-aid” sa mga biktima. Sa pamamagitan ng mga trainings at seminars na inorganisa ng MDRRMO, naipapamahagi ng mga volunteers ang kanilang mga natutunan sa kanilang kamag-aral sa tulong na rin ng pangangasiwa ng MDRRMO at BFP katuwang ang mga opisyal ng barangay.
“Preparedness anytime na magkaron ng natural event like earthquake alam na ng students ang gagawin nila since they are used to do the duck cover and hold, alam na nila ang assembly area and how to get out of the room properly during the drill. Students are one of the most vulnerable sectors in our community, dahil sa NSED, mabawasan ang casualty or better zero casualty dahil nga ready sila” ani Gng. Ma. Cecilia Suinan, Disaster Risk Reduction and Management Teacher sa LBBSHS.
Ang drill na ito ay bahagi ng pambansang kampanya tungkol sa earthquake awareness and preparedness ay nagnanais makaambag sa pangmatagalang layon upang magkaroon ng ligtas at handang komunidad ng Pilipino laban sa mga sakunang dulot ng kapaligiran na maaaring dumating.
“Learners will become one of the agents to disseminate or educate their own families. Dahil natutunan na nila sa school maari na nilang gawin din sa bahay nila ang natutunan nila dahil dito mas madami at malawak ang mararating ng programang ito.” Dagdag pa ni Gng. Suinan. Dahil sa mga programang ito, mas naipapamahagi ang impormasyon at mas Malaki ang tsansa na makaabot ito sa mas maraming tao.
Isinabay na rin ang pagdiriwang ng World Tsunami Awareness Day sa NSED upang mabigyang kaalaman ang mga mag-aaral sa mga kaganapan sa kanilang paligid. Dahil na rin sa mga napapanahong kaganapan sa rehiyong Asya-Pasipiko na lokasyon ng “Pacific Ring of Fire” at “Pacific Typhoon Belt”, pinangunahan ng UN General Assembly ang pagkakaroon ng World Tsunami Awareness Day na naglalayong maipalaganap ang impormasyon hindi lang tungkol sa tsunami, pati na rin tungkol iba’t ibang paraan o hakbang upang mabawasan ang panganib na dulot ng kapaligiran.