Isang lalaki ang patay sa pamamaril sa isa umanong buy-bust operation bago mag alas-8 kaninang umaga sa Brgy, Masaya, Bay, Laguna.
Ayon sa mga saksi, nakasakay ang biktima sa puting motorsiklo nang barilin sya ng taong nakasakay sa itim na SUV. Walang ibang naiulat na nasaktan sa insidente.
Natagpuan umano sa katawan ng biktima ang isang baril. Mahigit sampung basyo o “shells” rin ang nakuha mula sa lugar.
Kwento ng isang saksi, naglalakad sya sa sa daan palabas ng subdivision nang may narinig syang putukan sa kanyang likuran. “Pagkakita ko’y bulagta na (ang biktima). Pinatakbo ako (ng gunman). Syempre natakot ako,” ayon sa saksi na hindi nagbigay ng kanyang pangalan.
Ayon sa isang security guard malapit sa lugar ng insidente, nakarinig sya ng marami at sunod-sunod na mga pagputok. Agad nyang pinuntahan ang katabing elementary school upang balaan ang mga guro at estudyante doon. “Ang inaalala ko kasi ay maraming putok, baka magtakbuhan, kung hahabulin nila.” Agad na pinapasok ng mga guro sa nasabing eskwelahan ang mga bata sa mga classroom nila. “Sabi ko (sa mga bata) walang lalabas,” ayon sa isang guro. “Kasi in case na may maghabulan, baka madamay sila. Hanggat hindi ko narinig na settled na sila doon, tahimik na, hindi talaga pinalabas ang mga bata.”
Kinilala ng PNP-Bay Laguna ang biktima bilang si Ruel Bedonia De Chavez. Ayon kay Konsehal Francis Calinga ng Brgy. Paciano Rizal, may edad 42 ang biktima at ilang taon nang nakatira sa kanilang barangay. Hindi daw ito nasangkot sa anumang reklamo o gulo. “Kasundo naman (niya) lahat ng kapitbahay nila doon. Wala namang reklamo tungkol sa kanya na nakakarating sa amin,” ani Calinga, na dating myembro ng Peace and Order Committee ng barangay.
Sabi ng iba pang saksi, bukod sa bumaril sa biktima, may tatlo pang kalalakihan na nakatayo sa tabi ng daan bilang “lookout,” at may dala rin umanong mga Armalite rifle ang mga ito. Nagpaputok din daw ng baril ang isa sa mga ito sa bakanteng lote malapit sa pinangyarihan ng insidente.