Autopsy report sa pagkamatay ni De Chavez, hinihintay

(Ulat ni Jyasmin Calub-Bautista)

[Ang balitang ito ay karagdagang ulat sa buy-bust operation sa Bay, Laguna na ibinalita ng lbtimes.ph noong ika-9 ng Enero. https://lbtimes.ph/2019/01/09/lalaki-patay-sa-pamamaril-sa-bay-laguna/ ]

Hinihintay pa ng funeraria at ng pamilya ang paglabas ng autopsy report sa pagkamatay ni Ruel De Chavez, ayon kay Michael Morales, President at CEO ng Susan E. Vasquez Funeral Home sa Brgy. Maahas, Los Baños, Laguna. Dito dinala ang mga labi ni De Chavez matapos itong masawi noong Enero 9, 2019 sa Brgy. Masaya, Bay, Laguna. Ayon kay Morales, kadalasan ay nagbibigay ng report ang Philippine National Police (PNP)-SOCO sa loob ng 2-3 araw matapos isagawa ang autopsy.

Ayon sa spot report ng PNP-Bay, nagsagawa ng isang buy-bust operation noong Miyerkules, 8:05 ng umaga sa isang residential area sa Brgy. Masaya. Nagbenta umano si De Chavez ng isang sachet ng shabu na may halagang P500 sa poser-buyer ng pulisya. “During transaction, the suspect fired suddenly upon the police poser-buyer after sensing that he was transacting with a law enforcer. Suspect sustained gunshot wounds on his body causing his instantaneous death,” ayon sa report. Nakasaad sa report na ang operasyon ay pinangunahan ng PNP-Provincial Intelligence Branches ng Laguna at Batangas, kasama ang PNP-Bay at ang First Mobile Force Company ng Laguna.

Ayon kay Annalyn De Chavez, ihinatid ng kanyang mister ang kanilang anak sa eskwelahan ng umagang iyon sakay ng kanilang motorsiklo. Bibili daw dapat ito ng gatas para sa kanilang bunsong anak bago umuwi. “Sabi ko, ‘Dy, pagkahatid mo kay Ate, sa panganay ko, ibili mo ng gatas si Baby kasi magigising yun mamaya wala talaga siyang gatas’,” kwento ni Annalyn. Itinanggi nito na nagbebenta ng droga ang kanyang mister. “Nineteen years kong kasama yang asawa ko, ni hindi ko nakitaan ng ni gatiting na drugs yan sa katawan o dito sa bahay,” giit niya.

Nakasaad sa police report na miyembro umano si De Chavez ng Batang Kubo-Bantugon Group, na may kinalaman sa gun-for-hire at illegal drugs sa Batangas, Laguna, at Quezon. Sa ulat ng ilang pahayagan, idineklara ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na nabuwag ang Bantugon group noong Agosto 2018 pagkatapos madakip ng PNP-CALABARZON ang leader ng grupo na si Geronimo Bantugon dahil sa illegal possession ng high-powered firearms at explosives.

Kwento ni Annalyn, lumipat ang pamilya niya sa Bay mula sa Sariaya, Quezon, limang taon na ang nakalipas. Dating nagtrabaho si De Chavez bilang driver-bodyguard para sa ilang negosyante at opisyal ng gobyerno. Bago ito namatay, nagtrabaho ito sa isang construction business. “Kaya bago yan nangyari, yun ang mga inaayos nyang mga papel. Naglalakad sya ng mga kailangan doon, kasama yung contractor nila para sa construction,” ani Annalyn. Dagdag ni Annalyn, naging maayos ang pakikitungo ng kanyang mister sa mga kapitbahay nila. “Kahit hindi kami taga-dito, nung dumating kami dito, tinanggap nila kami ng parang matagal na nila kaming kilala. Kasi sobrang makisama yung asawa ko,” sabi nya.

Kabilang sa mga na-recover sa crime scene ang isang maliit na sachet ng pinaghihinalaang shabu; dalawang katamtamang sachet ng pinaghihinalaang shabu; isang kalibre-45 na baril; siyam na bala ng kalibre-45; anim na basyo ng kalibre-45; tatlong basyo ng kalibre-9 mm; at dalawang basyo ng kalibre-5.56 mm. Narecover din ang isang pirasong Php500 bill na diumano’y buy-bust money; tatlong pirasong Php100 bill; dalawang pirasong magazine ng kalibre-45; isang pitaka; isang Suzuki na motorsiklo; at iba pang personal na gamit ni De Chavez. Dadalhin ang mga ito sa PNP Crime Laboratory para sa pagsusuri. Kasunod nito, magsasampa ang PNP ng kaso laban kay De Chavez.

Apat na anak ang naulila sa pagkasawi ni De Chavez. “As in back to zero talaga kami kasi tatlo yung nag-aaral ko. Ginagatas ko pa at dinadiaper yung bunso. Naupa kami ng bahay. Wala akong hanapbuhay,” sabi ni Annalyn. “Kaya hindi ko alam, hindi ko talaga alam kung saan kami mag-uumpisa.”

Ayon kay Police Inspector Christopher Reaño, Deputy ng PNP-Bay, mahigit 20 na buy-bust operations na ang naisagawa sa bayan ng Bay magmula noong Nobyembre 2018.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.