Ulat ni Michaella Mharie C. Zumarraga
Sa tulong ng Los Baños online community, agad na naibalik sa may-ari ang kanyang mobile phone nang maiwan ito sa loob ng isang tricycle kahapon, ika-13 ng Pebrero.
Ipinost ni Michelle Beo Polage ang larawan ng kulay rosas na mobile phone bandang ala-una ng hapon sa Los Baños Group, isang Facebook group ng mga residente ng Los Baños. Ayon sa kaniya, nakita ito ng driver na si Arnel De Borja sa kaniyang tricycle. Akala ng driver ay pagmamay-ari ito ng isang mag-aaral na naihatid niya sa Los Baños Integrated School, ngunit nakilala ng mga netizens ang dalagang nasa wallpaper nito. Ayon sa mga nagpakilalang kapitbahay, ito ay pagmamay-ari ng dalagang pinangalanan nilang “Angelica”.
Ayon kay Carl Justine Indico, isa sa mga nagpakilalang kapitbahay ni Angelica, naibalik na ang mobile phone matapos ang ilang oras. Maraming netizens ang pumuri sa katapatan ng tricycle driver at sa sama-samang pagtulong ng mga miyembro ng Facebook group sa pagbabalik ng nawawalang gamit.
Ang Los Baños Group ay bukas para sa mga residente ng Los Baños na nagnanais sumali rito. Makikita sa grupo ang mga anunsyo mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, mga hinaing ng mga mamamayan, at iba pang mga gawain sa loob ng komunidad.