ni Joshua Michael Jonas
Napagmasdan mo na ba nang maiigi ang mga bagong barya na ginagamit ngayon sa Pilipinas? Kapansin-pansin ang mga larawan nina Rizal, Bonifacio, at Mabini na nasa isa, lima, at sampung pisong barya. Mapapansin rin na kulay pilak na ang lahat ng barya. Ngunit makikita mo sa kabilang bahagi ng mga baryang ito na hindi na lang logo ng Bangko Sentral o numero ng barya ang nakaukit sa mga ito. Bagkus, tinatampok na dito ang mga magaganda at natatanging uri ng halaman sa Pilipinas.
Pormal na inilabas sa publiko ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bagong henerasyon ng mga barya noong ika-26 ng Marso nang nakaraang taon. Ayon sa BSP, ang mga barya ay nagpapakita ng mas magandang disenyo at mas pinaigting na security features sa pamamagitan ng laser-engraving technology upang maiwasan ang pagkopya sa mga ito.
Bukod sa bagong teknolohiya, layon din ng pagpapalit ng disenyo na ito na itampok ang mga endemic na halaman ng bansa. Ang pagiging endemic ng isang hayop o halaman ay nangangahulugan na tanging sa Pilipinas lamang natural na mabubuhay o makikita. Ang mga endemic na hayop naman ng Pilipinas katulad ng Tarsier, Blue-naped Parrot at Palm Civet ay kasalukuyan nang makikita sa disenyo ng mgasalaping papel na inilunsad naman noong taong 2010.
Ilan sa mga halaman na makikita sa bagong mga barya ay ang waling-waling na nakaukit sa isang piso, ang tayabak sa limang piso, at ang kapa-kapa naman sa sampung piso. Kakaiba at hindi parating makikita ang mga uri ng halaman na nakaukit sa barya dahil tumutubo lamang ang mga ito sa mga piling lugar sa Pilipinas.
Maniniwala ka ba na ang tatlong halamang ito –waling-waling, tayabak, at kapa-kapa– ay matatagpuan lahat dito mismo sa bundok ng Makiling? Bumisita ka lamang sa Makiling Botanic Gardens (MBG) sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, makikita mo na sa paligid ang mga bulaklak na ito, kasama ang iba pang uri ng puno, halaman, at mga ibon.
Ang waling-waling (Vanda sanderiana) ay isang uri ng orchid na natuklasan ng tribong Bagobo sa Mindanao noong taong 1882 at itinuring bilang isang diwata sa kanilang rehiyon. Ito ay binansagan bilang “Reyna ng mga Bulaklak sa Pilipinas” dahil sa labis na ganda ng kulay ng mga bulaklak nito. Ang waling-waling ay maaaring maging kulay rosas o purpura. Ayon sa mga horticulturist o mga eksperto sa pangangasiwa at pagaalaga ng mga halaman sa bansa, ito ay isa sa pinakamahal na uri ng binebentang orkidyas dahil umaabot ng halos apat hanggang limang taon bago ito mamulaklak tuwing mga buwan ng Hulyo hanggang Oktubre. Noong taong 2014, ipinasa ng Senado ng Pilipinas ang House Bill No. 5655 na nagtatakda sa waling-waling bilang pangalawang pambansang bulaklak kasama ng Sampaguita na mas naunang idineklarang pambansang bulaklak nong taong 1934. Dahil sa labis na pagkasira ng mga kagubatan sa Pilipinas, ito ay idineklara ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) bilang critically endangered o lubhang nanganganib na maubos.
Ang jade vine o mas kilala bilang tayabak (Strongylodon macrobotrys) ay isang uri ng woody vine o lianas. Ito ay tinawag na jade vine dahil sa bulaklak nitong kulay batong jade na isang uri ng mineral na kulay luntian na may halong bughaw. Ang tayabak ay unang natagpuan ng mga banyagang mananaliksik ng halaman sa bundok ng Makiling noong taong 1854. Ang isang bunga ng tayabak ay mayroong halos 70 na indibidwal na bulaklak na may hugis na parang claw o kuko ng isang agila. Ang nectar-feeding bats o mga paniking kumakain ng nektar ng bulaklak ang tumutulong sa pagpaparami ng mga tayabak sa pamamagitan ng pollination. Ang tayabak ay kasalukuyang endangered o nanganganib na maubos ayon sa Department of Environment and Natural Resources – Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB).
Ang kapa-kapa (Medinilla magnifica) o Philippine Orchid ay isang uri rin ng orkidyas na may maliliit na bulaklak na kulay pink. Mayroong halos 125 na uri ng orkidyas na may lahing Medinilla na makikita sa Pilipinas, ngunit ang kapa-kapa ang pinakakilala sa mga ito. Ang isang bunga ng kapa-kapa ay mayroong halos 50 hanggang 100 maliliit na bulaklak. Kapag hindi pa bumubuka ang mga bulaklak, hugis ubas ang mga ito. Kaya naman, tinatawag ring rose grape ang kapa-kapa. Magandang uri rin ng ornamental o pang-landscaping na halaman ang kapa-kapa sa mga hardin kakaibang hitsura nito. Ang hari ng Belgium na si Haring Boudewijn ay mahilig dito, kung kaya ipinalaganap ito sa mga hardin ng kanilang palasyo. Higit sa lahat, isinama rin ang kapa-kapa sa disenyo ng salaping papel na 10,000 Belgian francs na kasalukuyang pa ring ginagamit sa Beligium. Kagaya ng tayabak, ang kapa-kapa ay idineklara na ring endangered ng DENR-BMB dahil rin sa pagkasira ng mga kagubatan.
Sa isang panayam kay Dr. Rogelio T. Andrada II, Deputy Director ng Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME), ibinahagi niya na ang mga bulaklak na matatagpuan sa ating barya ay hindi ganoon kakilala. Ngunit, aniya, ang pagiging bahagi nga mga ito sa disenyo ng salapi na may pambansang sirkulasyo, ay epektibong paraan para mas makilala ang mga ito ng publiko. Si Dr. Andrada rin ang kasalukuyang pinuno ng Makiling Botanic Gardens, at para sa kanya, ang pagiging bahagi ng mga tao, lugar, halaman, at hayop sa salapi ng isang bansa ay nangangahulugan na pinapahalagahan natin ang mga ito at nagiging simbolo ng ating pagka-Pilipino.
Kung nais ninyong makakita sa personal ng waling-waling, tayabak, at kapa-kapa kasama ng iba pang mga uri ng halaman sa Pilipinas, at makapag-relax na rin sa napakagandang tanawin sa paanan ng bundok Makiling, pumunta lang sa Makiling Botanic Gardens, College of Forestry and Natural Resources, University of the Philippines Los Baños. Para sa mga reserbasyon o katanungan, maaaring tumawag sa numerong (049) 536-2637.