ni Lauren Cygne Onday
Daan-daang mga mag-aaral at empleyado ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang lumahok sa isinagawang UP system-wide at pambansang 1st quarter simultaneous earthquake drill sa ganap na ika-2 ng hapon kahapon, Pebrero 21, 2019.
Nakipagtulungan ang UPLB Office of Vice Chancellor for Community Affairs sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (LB-MDRRMC) at Bureau of Fire Protection (LB-BFP) ng Los Baños sa pagsasagawa ng malawakang earthquake drill. Layon nitong pataasin ang kaalaman at kahandaan ng mga empleyado pagdating sa mga sakunang gaya ng lindol.
Ayon kay Cynthia Quintans, hepe ng LB-MDRRMC, ikinagagalak ng Los Baños Government Unit ang pagtutulungan ng kanilang ahensya at ng UPLB. Dagdag pa niya, ang pagasasagawa ng earthquake drill ay paraan ng paghahanda para sa 7.2 magnitude na lindol na maaaring tumama sa ating bansa. Kaya naman, mahalagang bigyang-kaalaman ang bawat isa, pahayag ni Quintans.
Sinimulan ang nasabing drill sa pagpapatunog ng sirena ng firetruck sa loob ng isang minuto kung saan isinagawa ng lahat ng mga kalahok sa drill ang standard protocol na “duck, cover, and hold.” Matapos nito, agad na lumabas ang lahat ng mga mag-aaral, empleyado, at iba pang mga nasa loob ng mga gusali para nagtungo sa kanya-kanyang designated na open field evacuation area.
Samantala, nagkaroon din ng first aid demonstration at fire drill sa UPLB Main Library kung saan nagpamalas ng kani-kanilang emergency response skills ang mga kawani ng LB-BFP at MDRRMC.
Binigyang-diin ni Sr. Supt. Nilo Lumitao, municipal fire marshal, ang pagpapahalaga sa mga paghahandang tulad ng shake drill. “Sa oras ng sakuna, maaaring buhay ang nakataya kung hindi natin alam kung paano tayo lilikas,” aniya.
Isinasagawa sa buong bansa ang simultaneous earthquake drill apat na beses sa isang taon. Nakikilahok dito ang lahat ng sangay ng pamahalaan, lokal at pambansa, pati na rin ang mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas. Ito ay bilang paghahanda kung sakaling tumama ang kinatatakutang ‘the big one’.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), abot hanggang sa Calamba City, karatig-bayan ng Los Baños, ang Marikina West Valley Fault.
Samantala, noong ika-20 ng Pebrero ay inilathala ang Philippine Information Agency ang tungkol sa shake drill kung saan hinimok nila ang lahat ng mga Pilipino na makilahok dito. Binanggit sa artikulo nilang “Are we ready for a Big One?” na bagamat hindi magiging 100 porsyento ang paghahanda sa mga darating na sakuna, malaking bagay pa rin ang kahandaan bago dumating ang mga sakunang ito. Sa pagtutulungan ng lahat upang palaganapin ang kaalaman sa mga posibleng panganib, maiiwasan at mababawasan ang kapahamakang dulot ng mga darating na sakuna sa komunidad.
Para sa karagdagang kaalaman at mga larawan tungkol sa isinagawang shake drill sa UPLB ngayong taon, bumisita sa page na ito.