Ulat ni Elrey Minella E. Bagsik
Sa unang pagkakataon ay ginanap ang Values Formation and Leadership Skills Trainings para sa mga opisyales mula sa mga grupo ng livestock growers, rice and cut flower farmers, organic and tropical plants growers, at fisherfolk ng Los Baños, Laguna.
Idinaos ito noong Pebrero 19-22 sa pangunguna ng Office of the Municipal Agriculturist bilang hakbang sa pagpapatibay ng sektor ng agrikultura ng nasabing munisipalidad.
Ang apat na araw na seminar ay ginanap sa Multi-purpose Hall, 3rd floor, Municipal Building ng Los Baños. Pitumpung katao ang lumahok sa unang tatlong araw, at 40 naman sa ika-apat na araw.
Nagsimula ang programa sa ganap na 8:30 ng umaga at sa unang bahagi, naging tagapagsalita si Pastor Aimee Dela Viña, Executive Assistant to the Mayor of Municipality of Los Baños, sa usaping Family Values and Principles. Tuwing hapon naman tinalakay ang Leadership Skills sa pangunguna ni Kathelyn Tamisin, Coordinator for Community Programs, Ugnayan ng Pahinungod Volunteer Service Program.
Ayon kay Cheryll Laviña-Gonzales, Municipal Agriculturist, ang pangunahing layunin ng aktibidad ay gawing self-reliant ang mga magsasaka at mga mangingisda ng Los Baños. Aniya, bukod sa lagiang teknikal na pagsasanay, ginanap ang ang nasabing training upang pagtibayin ang pagpapahalaga at pamumuno ng mga dumalo.
Dagdag pa rito, ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na hinikayat ang pagsasama ng mga magsasaka sa kanilang mga asawa sa pagsasanay. Ito ay kaugnay sa paniniwala na mapalalim nito ang pag-intindi ng asawa sa buhay-agrikultura.
Hiniling naman ng mga kalahok na maulit ang pagsasanay dahil sa nakita nilang importansya ng partisipasyon at pag-unawa ng kanilang mga asawa o pamilya sa kanilang mga hanapbuhay. Inaasahan na gaganapin muli ang mga pagsasanay sa susunod na taon.
Sa kasalukuyang taon ay magkakaroon muna ng iba pang mga uri ng aktibidad tulad ng mga nateknikal na pagsasanay.