Ulat ni Riezl Monteposo
Sa pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, ang Los Baños Gender and Development (GAD) Office ay muling magsasagawa ng taunang Walk for a Cause sa darating na Marso 8, 2019. Ang nasabing aktibidad ay para sa benepisyo ng mga babaeng may cancer sa Reproductive System tulad ng Cervical at Breast Cancer.
Ayon kay Karen Lagat-Mercado, Development Management Officer ng GAD, madalas na huli nang napapansin ng mga kababaihan ang pagkakaroon ng cancer dahil sa pag-aalinlangan nilang magpatingin sa doktor o dahil sa kawalan na rin ng pantustos.
“So dito, wala na [silang] rason para di mag pa check up kasi lahat ng Mammograms at Chemotherapy ay supported na through the walk fund,” ani ni Lagat-Mercado.
Magsisimula ang ruta sa Olivarez Plaza hanggang sa Munisipyo ng Los Baños, kung saan ay kasama sa kalahok ang mga pribado at pampublikong paaralan, mga baranggay, at iba’t ibang establisyamento.
Ang inisiyatibang ito ay alinsunod sa Women’s Right to Health sa Rule IV Section 20 ng RA 9710 o Magna Carta of Women na naglalayong hikayatin ang mga mga mamamayan na mag-access at demand ng mga serbisyo para sa mga kababaihan.
Sa Marso 8 din ipagdiriwang ang International Women’s Day (IWD). Gaganapin din sa araw na ito ang Serbisyo Para kay Juana and IWD Treat kung saan ay magkakaroon ng libreng serbisyo para sa mga kababaihan tulad gupit sa buhok, manicure at pedicure, at iba pa.
Ang tema National Women’s Month ay “We Make Change Work for Women,” na nag simula sa taong 2017 at magtatagal hanggang taong 2022. Ang mga aktibidad ng GAD ay magsisimula ng Marso 4 hanggang Marso 22, 2019.
“Gusto natin na this month ay ma-acknowledge yung roles, yung contributions ng local women sa society,” tugon ni Lagat-Mercado.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook Page.