Ulat ni Jonel Biscocho
Awasan na!
Matapos ang mahabang araw sa paaralan, sa halip na umuwi sa kani-kaniyang tahanan at magpahinga muna habang hinihintay ang hapunan, ang isang grupo ng kabataan sa Barangay Tuntungin-Putho ay nagtitipon sa covered court upang simulan ang paglalatag ng mga kutson na gagamitin sa pag-eensayo.
Pagkatapos nito isusunod naman nilang ihahanda ang mga katawan. Uunat. Tatalon. Tatakbo. Hihiga. Sisipa. Maya-maya pa ay handa na silang magsanay. Nakahanda na silang makipagbuno.
Sila ang kauna-unahan at nag-iisang wrestling team sa Laguna.
Ganito ang palagiang eksena sa Sports Complex para sa mga kabataang wrestlers. Dito nagsisimula ang kanilang bawat araw.
At dito pa lang nagsisimula ang kanilang tunay na pakikipagbuno.
Simula ng Laro
Nabuo ang nasabing team sa Tuntungin-Putho noong 2008 sa tulong ni Ariel Samadio, isang propesyunal na wrestler at miyembro ng Wrestling Association of the Philippines, na kasapi naman sa United World Wrestling (UWW). Ang UWW ay isang internasyonal na organisasyong naglalayong maghanap ng mga may potensyal na amateur wrestler sa iba’t-ibang panig ng mundo upang mabigyan ng pagkakataong lumaban sa mga continental competitions kagaya ng Olympic Games.
Sapagkat kinakailangang iwan ni Ariel ang kanyang karera bilang isang professional wrestler noong 2012, itinuon niya ang kanyang atensyon sa pagtuturo sa binuong wrestling team. Ngunit ‘di naglaon, makalipas ang limang taon, kinailangan niya na ring iwan ang team para sa isang trabaho sa Sta. Cruz. Laguna.
Dito naman pumasok ang kanyang anak na si John Andrei, o mas kilala bilang Toto, 17 taong gulang. Sa murang edad pa lamang, habang ang karamihan ng kabataan sa Tuntungin-Putho ay nagsisimula pa lang matuto ng pagsusulat at pagbabasa o ‘di kaya’y nagbabad lamang sa maghapong paglalaro sa kahabaan ng mga eskinita, sinasanay naman ng ama ang anak na si Toto sa pakikipagbuno.
Sa edad na pitung taong gulang, naranasan ni Toto ang kanyang unang wrestling competition.
Noong binahagi niya ang kanyang naging karanasan sa mga kumpetisyong nasalihan, isang ngiti ang napinta sa kanyang mukha nang sinabing: “lagi namang panalo!”, na para bang naging sulit ang lahat ng kanyang paghihirap bilang isang atleta.
Kaya naman, nang umalis ang ama, siya ang naiwan para sa grupo. Mula noon, siya na ang tumayong team captain at trainer ng wrestling team.
Sa kasalukuyan, ang grupo ng mga kabataang wrestler ay binubuo ng mahigit sa 30 miyembro na may edad na anim hanggang 19 na taong gulang.
Ikinakagalak daw ng buong team na sila ang tinuturing na nag-iisang wrestling team sa probinsya. Dahil dito, nabibigyan sila ng pagkakataon para maipadala sa iba’t-ibang lugar para ikatawan ang Laguna sa larangan ng wrestling.
Ang Tunay na Laban
Bilang paghahanda sa mga kompetisyon, nagsasanay ang grupo mula Lunes hanggang Linggo kada ala-singko ng hapon. Sa mga araw na walang pasok, sila ay nag-eensayo pa rin tuwing umaga ng ala-singko.
Ayon kay Toto, sinisimulan nila ang pagsasanay sa basics ng wrestling upang makondisyon muna ang katawan ng mga atleta. Habang papalapit ang kompetisyon, mas nagiging mahirap daw ang training upang mas lalo pang lumakas ang kanilang muscles at stamina.
Subalit hindi lamang ang mga nabanggit na kompetisyon ang lalabanan at nilalabanan ng wrestling team. Kung hindi, sa bawat araw na kinakaharap ng mga atletang ito ay walang sawa rin silang nakikipagbuno.
Ibinahagi ni Toto na kahit may pondo raw na binibigay ang Department of Education (DepEd) ay hindi raw ito sumasapat pagkat natutustusan lamang nito ang mga gastusin sa mismong araw ng kompetisyon.
“May allotted budget para sa sports [ang barangay]. [Ngunit] hindi sapat, sa gamit pa lang [ay kulang na]”, paglilinaw naman ni Ronald Oñate, kapitan ng Tuntungin-Putho. “Hindi namin kayang pondohan ang [wrestling team]. Kasi walang mangyayari kung sa’min lang, napakaliit ng pondo ng barangay namin”, dagdag pa niya.
Dahil dito, sa kabila ng maraming bilang ng mga kabataang kasali sa wrestling team, karamihan naman sa mga ito ay hindi nakakapag-training dahil sa kakulangan ng mga gamit gaya ng matts. Ibinahagi pa nga ni Kapitan Ronald na ang mga kutson na ginagamit ng team sa pagsasanay ay hiram mula sa mga sariling bahay ng mga miyembro.
Para matugunan ang iba pa nilang pangangailangan para sa paghahanda sa kanilang darating na laban, masikap nilang sinusugid ang kabahayan ng kanilang mga kapit-bahay, kaibigan, kamag-anak, at mga pulitiko para lamang makahingi ng tulong pinansyal.
Ngunit gasino pa rin ang naitutulong ng mga natatanggap nila. Sa huli, sa kabila ng hirap ng buhay, walang magawa ang mga estudyanteng atleta kung hindi umasa na lang din sa kanilang mga magulang upang matustusan ang pagpapatuloy ng kanilang training bilang mga wrestler.
Isa pa sa problemang kinakaharap ng grupo ay ang kawalang presensya nila ng aktuwal na tagapag-sanay. Bagamat, may kakayahan naman si Toto, kasama pa si Mark Chester Ilagan, 15 taong gulang, na sanayin ang buong wrestling team, ngunit hindi pa rin sila maituturing na opisyal na trainers. Dahil dito, hindi nilang magawang makapag-in-house training sa Sta. Cruz na maituturing na malaking tulong sana sa grupo upang mas mapagbuti pa ang kanilang pag-eensayo.
Sali si Kap
“Kami dito, puro bayanihan kami!,” buong pagmamalaki ni Oñate.
Malaking tulong daw para sa mga kabataan ng Tuntungin-Putho ang pag-upo ni Kapitan Ronald sa puwesto simula noong taong 2010. Maraming nagsasabi na maituturing na swerte ang mga kabataan dito. Simula raw kasi ng maupo bilang kapitan ay ginugol na niya ang karamihan ng kanyang programa para sa kabataan—lalo na para sa kasanayan nila sa sports.
Marami [ngang] nagsasabi na ang swe-swerte nga ng mga kabataan dito, [pero] sa akin, swerte sila ng kaunti, kaya ko sinabing kaunti lang dahil hindi ko maibigay lahat ng gusto ko [at] yung lahat ng kailangan nila”, ang pagkukuwento naman ni Kap.
Dahil siya raw ay naging player ng basketball sa interbarangay sa Los Baños noong kabataan niya, naranasan niya raw ang hirap ng buhay ng pagiging isang atleta. “
Noon kapag kami ay magtre-training o magpa-practice, magbabayad kami ng ilaw. Kapag yung bola, kanya-kanya kaming hanap.” Kaya naman, sa pagpapatuloy niya, “noong ako ay naging kapitan, hindi ako papayag na danasin ng mga kabataan ngayon ‘yung dinanas ko.”
Isa sa naitulong ni Kap. Ronald ay ang libreng pagpapagamit ng Sports Complex at ganap na pagsagot sa kuryenteng nako-konsumo ng mga kabataang atleta.
Dahil na rin sa dedikasyon niya na paunlarin ang skill set sa sports ng mga taga-Tuntungin-Putho, bukod sa Wrestling, mayroon ring trainings para sa badminton, basketball, baseball, chess, fastpitch, softball, table tennis, at volleyball. Pagbabahagi ni Kapitan na ang mga magtuturo at magsasanay naman sa mga kabataan sa mga sport na nabanggit ay walang bayad at kusang-loob lamang nila.
Ngunit dahil na rin sa maliit na sukat lang ng barangay court ng Tuntungin-Putho, inaayos raw ni Kap. Ronald ang schedule ng mga trainings para mabigyan ng oras, bagama’t limitado, ang mga grupong ito upang makapag-practice.
Paglalahad naman ng wrestling team, higit na nakatulong ang mga training na ito sa paghubog ng disiplina sa mga kabataang ng Tuntungin Putho. Dahil dito, naiiwas rin sa bisyo, gaya ng paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng pinagbabawal na gamot, ang mga atleta.
Ngunit ayon sa team captain ng grupo na “depende na rin po yun sa nagtuturo, yung iba pa rin kasing athletes, wala pa ring disiplina, may mga bisyo pa rin. Pero dito sa kanila (wrestling team), sinisugurado po namin, matitino.”
Natuto rin daw sumunod sa curfew ang mga kabataan sa kanilang barangay, ayon pa kay Oñate. Noong una pa nga raw ay nagagalit sa kanya ang mga magulang ng mga bata dahil lagi raw ginagabi ng pag-uwi. Hanggang sa maglaon na napanatag na ang loob ng mga ito dahil mabuti nga naman daw na hindi kung saang lugar lang tumatambay ang kanilang mga anak.
Pagkukuwento pa nga ng anim na taong gulang na si Lucas na ang kanyang mga magulang pa ang nagsabi sa kanya na sumali sa wrestling team.
Malaking tulong rin daw ang naibigay ni Oñate sa mga atleta sa pagbibigay ng ilan sa mga kinakailagang equipments sa kanilang pag-eensayo gaya ng agility ladder, barbell, bench press, at electronic jump ropes.
Ngunit kahit nasa huling termino na si Ronald Oñate, pagbabahagi niya na, hindi naman siya natatakot dahil suportado rin ang kanyang programa ng mga kakanditato sa darating na hahalalan sa Mayo. Patuloy pa rin daw siyang tutulong sa programa ng barangay lalo na sa pagpapaunlad mismo ng mga kabataan, at hindi lamang ang kakahayan nila sa sports.
Inaasam na Premyo
Higit sa pagkakamit ng gintong medalya, nakakatulong ang wrestling para sa mga kabataan ng Tuntungin-Putho sa pagbubukas ng iba’t-ibang pagkakataon upang makamit nila ang pinapangarap na libreng edukasyon hanggang kolehiyo. Ibinahagi ng team na mayroon na silang isang miyembro na nakapagtapos dahil sa scholarship.
“Nakakapasok po ‘yung mga papasok po ng high school o magtatapos ng high school sa kolehiyo [dahil] nagkakaroon po sila ng scholarship”, dagdag ni Toto.
Ikwinento rin ni Kapitan Oñate na “karaniwan dito nanggaling sa mga mahirap na pamilya, halos lahat ng mga ito (wrestling team). At maraming mga kabataan ang kaya hindi makapagtuloy ng pag-aaral [ay] dahil sa hirap ng buhay. Kaya kapag ‘yan ay nagkolehiyo, siguradong may kukuha d’yang university. Scholar’ yan. Yun ang pinaghahandaan namin.”
Ayon pa sa team captain ng wrestling team, nakakatulong ang sports sa edukasyon upang iudyok pa lalo ang mga miyembro sa pag-aaral ng mabuti.
Kinakailangan daw na makakuha sila ng mataas na grado dahil hindi sila maaring lumaban sa kahit anong kompetisyon kung may bagsak sila. Hindi rin daw pinahihintulutan ni Toto na lumiban ang mga miyembro sa kanilang mga klase.
Bukod pa sa edukasyon, nagbibigay rin ng pagkakataon ang wrestling para sa mga miyembro nito upang matuto silang protektahan ang mga sarili nila.
Ibinahagi nga ng pinakabatang miyembro ng grupo at isang Grade 1 student na si Lucas na kaya raw siya sumali sa wrestling team ay upang maipagtanggol niya raw ang kanyang sarili at upang hindi mapahamak.
Masaya rin daw si Jenny Padernal, 14 taong gulang, bilang isa sa tatlong babae sa grupo. Nagkaroon raw siya ng pagkakataon upang mapalakas ang kanyang katawan at maprotektahan ang sarili. Nanawagan naman si Jenny sa iba pang mga kabataan ng Tuntungin-Putho na subukang mag-training sa wrestling team para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sinabi naman ni Kapitan Ronald na bukas raw ang wrestling team para sa lahat ng gustong mag-training.
At natapos na nga ang isang araw ng pag-eensayo ng grupo. Isa-isa nang niligpit ang mga kutson. Nagmamadaling makauwi at makapagpahinga. Dahil bukas, panibagong araw na naman ang kanilang haharapin. Marami pa silang bubunuin at ipapanalo.