Liga ng volleyball para sa mga kababaihan, inumpisahan

Nina Rosemarie A. De Castro at Michaela Jyra B. Melo

Pormal na binuksan ang 1st Inter-Agency at 5th Inter-Juana Volleyball League Competition sa Brgy. Batong Malake Covered Court noong Marso 5 sa pangunguna ng Los Baños Gender and Development (GAD) Office.

Ang kompetisyon ay bahagi ng pakikilahok ng Los Baños sa taunang pagdiriwang ng National Women’s Month.

Kabilang sa mga kalahok ay mga kababaihang mula sa iba’t ibang sektor at tanggapan.

Ayon kay Karen Lagat-Mercado, Development Management Officer ng GAD Office, nararapat na suportahan ng pamahalaan ang ganitong klase ng patimpalak upang pagtibayin ang physical development ng mga kababaihan.

Alinsusunod din ang programang ito sa Section 40 ng RA 19710 o ng Magna Carta of Women (MCW) kung saan nakasaad ang karapatan ng kababaihan sa larangan ng isports.

“Sila [ang kababaihan] di ba mostly yung mga nasa bahay lang, sila yung mga walang time para sa mga leisure activities, so we promote na maging active sila pagdating sa sports as it is their right, as stated in the MCW,” sabi ni Mercado.

Kalahok sa Inter-Agency League ang mga sumusunod na mga ahensya: Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST PCAARRD), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Ecosystem Research and Development Bureau (ERDB), Laguna State Polytechnic University–Los Baños Campus (LSPU-LB), Batong Malake Credit Cooperative (Batong Malake Koop) at Los Baños 4Ps.

Seryosong nag-eensayo ang mga manlalaro ng DOST PCAARRD ilang sandali bago magsimula ang kanilang unang laban kontra ERDB. Litratong kuha ni Michaela Jyra B. Melo

Bahagi naman ang mga sumusunod na grupo sa Inter-Juana League: Mothers Club, Spikers, Mayondon Beach Club Ladies, Solo Parent, Rural Improvement Club, Lady Kagawad at Women’s Brigade.

Ayon sa kalahok mula sa grupo ng RIC na si Estelita L. Jacobo, 54 anyos, nararapat lang na makilahok ang mga kababaihan sa mga ganitong programa lalo na at kaugnay ito sa pagdiriwang ng Women’s Month. Isa rin itong daan aniya upang mas palakasin pa ang boses ng mga babae sa lipunan at ipakita na ang kayang gawin ng kalalakihan ay kaya ring gawin ng kababaihan.

Nagkaroon muna ng maikling oath taking ang mga kalahok na manlalaro ng iba’t ibang ahensya at grupo. Kasunod nito ay sinimulan na rin ang GAME 1 sa pagitan ng DOST-PCAARD at ERDB. Ito ay sinundan ng laban ng Solo Parents at RIC para sa GAME 2, at LSPU-GAD at PhilRice naman sa GAME 3.

Nagkaroon ng oath-taking ceremony ang mga manlalaro bago umpisahan ang labanan
sa pagitan ng iba’t ibang grupo at ahensya. Litratong kuha ni Michaela Jyra B. Melo

Ayon kay Mercado gaganapin ang mga susunod na laban sa iba’t ibang covered court ng Los Baños tuwing araw ng Martes at Huwebes, simula alas-tres ng hapon.

Hinihimok din niya ang mga kababaihan ng Los Baños na lumahok sa iba pang mga programa ng ahensiya.

“We have prepared month-long activities in line with the celebration of the 2019 National Women’s month,” ani Mercado.

Para sa iba pang mga detalye, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng GAD sa numerong: (049) 530-2818 loc. 201, o sumali sa kanilang Facebook group na “Gender and Development – Los Baños.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.