Ulat ni Mark Angelo Baccay
Upang matugunan ang paglaki ng populasyon ng mga ligaw na aso’t pusa, idinaos ang Free Spay and Castration sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, Munisipalidad ng Los Baños noong ika-27 ng Marso, ganap na ikawalo ng umaga. Ang programa ay pinangunahan ng Livestock sector ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, kasama ang mga eksperto mula sa Office of the Provincial Veterinarian (OPV).
Ang spay ay ang proseso ng pagtanggal ng mga ovary o bahay-itlog ng mga babaeng hayop. Samantala, ang castration ay ang pagkakapon o pag-aalis ng testicles ng mga lalaking hayop.
Isinagawa ng mga volunteer doctors mula sa Office of the Provincial Veterinarian (OPV) ang proseso ng spay at castration.“Syempre una sa lahat, (ang layunin ay) matulungan iyong mga taga-Los Baños kasi medyo pricy sila (spay and castration) eh. Pinakamura na ang 2000 pesos, depende pa sa weight ng animal at depende kung spay o castration,” ani Agricultural Technologist (AT) Enjela Flor D. Oliva, isa sa mga AT ng livestock. Dagdag pa niya, isa rin sa mga layunin ng programa ay mabawasan ang mga ‘di inaasahang pagbubuntis ng mga ligaw na babaeng aso’t pusa. Dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon nila, mas lumalaki rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga kaso ng rabies sa munisipalidad.
Tatlumpo’t apat (34) na pet owners ng Los Baños ang dumalo sa araw ng programa. Karamihan sa mga ito ay nakapagparehistro na sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor bago pa maganap ang programa, samantala ang iba naman ay walk-in.
Unang dumaan sa proseso ng spay o castration ang mga alaga ng naunang mga nakapagparehistro. Sinimulan ang proseso sa pagtitimbang ng aso o pusa. Kinukuha rin ang mga pisikal na katangiang naglalarawan sa kanila, gayon na rin ang impormasyon tungkol sa kanilang mga amo. Pagkatapos ay tinuturukan ng anaesthesia ang hayop at nilinis ang ari nito para maihanda sa operasyon. Matapos ang operasyon, tinuturukan naman ng antibiotic ang hayop upang maiwasan ang impeksyon.
“After ng spay o castration, mas lumalaki sila (mga aso’t pusa), tumataba. Less aggressive din sila kasi hindi na naghahanap ng mating partner.‘Di na rin sila magsusugat-sugat kasi hindi na sila palayas-layas.” dagdag ni AT Oliva.
Pangalawang taon na ng pagsasagawa ng programa. Noong 2018 ay mahigit 30 rin ang dumalo, ngunit 12 dito ang galing sa pound ng mga aso’t pusa ng Tanggapan. Noong nakaraang taon din ay mga eksperto mula sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang tumulong sa pagsasawa ng proseso ng spay at castration, gamit ang kanilang mobile clinic.
Ang programa ay ang pinakahuling aktibidad ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor para sa mga residente ng Los Baños bilang bahagi ng “Rabies Awareness Month” ng Department of Health (DOH). Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay: “Makiisa sa Barangayan Kontra Rabies, Maging Responsableng Pet Owner.”
Dalawang beses sa isang taon nagkakaroon ng libreng spay at castration sa munisipalidad, parehong sa pangunguna ng Tanggaan ng Pambayang Agrikultor. Isa sa buwan ng Marso, kahanay ng iba pang programa para sa Rabies Awareness Month; at isa sa buwan ng Nobyembre. Ang mga ito ay libre at bukas sa lahat, residente man ng Los Baños o hindi.
Bago ang Free Spay and Castration noong huling linggo ng Marso, isinagawa na ng Tanggapan ang mga susunod na programa: Motorcade, Poster Making Contest, Quiz Contest, at Dog and Cat Show.