Ulat nina Amiel Oropesa at Sly Custodio
Nag-organisa ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) ng Laguna, kasama ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Ramil L. Hernandez, ng isang job fair sa PAQEATO Food Park sa Brgy. Maahas, noong ika-10 ng Abril 2019.
Ayon kay Evangeline Lanuang, isa sa mga opisyales ng PESO Laguna, ibinaba itong fair sa mga lungsod, munisipyo, barangay, at sitio upang mabigyang oportunidad at pagkakataon na magkaroon ng trabaho ang mga mamamayan ng Laguna nang hindi na kinakailangan pang dumayo sa malalayong lugar. Isa sa pangunahing layunin ng fair ay ang makatulong sa mga estudyanteng nagsipagtapos ng senior high school (SHS) sa nagdaang taong akademiko.
Kabilang si Jammil Araza, isang estudyanteng nagtapos sa Nicolas L. Galvez National Memorial High School sa Bay, Laguna, sa dumalo sa nasabing job fair.
Ayon kay Araza, unang beses niya raw makilahok sa ganitong proyekto ng gobyerno, na nalaman niya mismo sa kaniyang paaralan.
Kagaya ng lahat, ang hanap ni Araza ay isang permanenteng trabaho na may sapat na benepisyo. Isa sa pinag-applyan niyang trabaho ay pagiging operator sa isang kumpanya.
Nakikita niya ang kahalagaan nito, lalo na’t sa mga katulad niyang bagong tapos ng SHS. Ayon sa kanya ay malaki ang maitutulong ng social media upang mas maging sapat ang kaalaman ng mga tao patungkol sa mga ganitong oportunidad.
Walang limitasyon sa edad ang nabanggit para sa mga maaaring makakuha ng identification card (ID) para sa job fair. Ang job fair ID ay isang sistema ng PESO Laguna bilang opisyal na pagkakilanlan sa mga kalahok, at sa mga iba’t ibang kumpanya. Makukuha ang job fair ID pagkatapos makumpleto at maipasa ang application form kasama ng iba pang mga papeles na kailangan.
Isa sa highlight ng pagpunta sa fair ay ang on the spot hiring o ang agarang pagtanggap sa mga aplikante na dumalo sa nasabing programa. Ang fair ay nakatulong din upang mas mapabilis ang pakikipag-ugnayan at pakikipanayam ng mga aplikante sa mga kinatawan ng kumpanyang nais nilang pasukan.
Ayon kay Lanuang, ang fair ay napapadali ang proseso ng pag-aplay nang hindi na kailangang pumupunta parati ang mga kalahok sa mga opis ng kumpanyang kanilang aaplayan.
Humigit kumulang 20 na mga kumpanya ang mga nakilahok sa fair. Ilan sa mga kumpanyang ito ay ang SM Store, Ace Hardware, Asia Brewery, DLTB Company, Taytay Sa Kauswagan, Motocentral, Canon, Epson, First Choice, Monte Vista, MPlus Mfd. Corp., Powerlane, Emperador, Walter mart, at iba pa.
Simula 2017, naging plataporma ang fair na ito para matulungan ang mga magtatapos na estudyante ng SHS na makahanap ng trabaho mapa-part time o full time.
Patuloy na isinasagawa ng PESO Laguna ang Job Fair para sa mga komunidad ng Laguna na nangangailangan ng trabaho. Para sa mga updates patungkol sa mga susunod na job fair ay antabayanan ang anunsyo sa kanilang Facebook page: Provincial PESO Laguna
Inaanyayahan ang lahat na huwag palampasin ang pagkakataon at oportunidad na magkaroon ng trabaho ang bawat miyembro na nangangailangan.