ulat ni James Capunitan
Mula Nobyembre 2018 hanggang Marso 2019, isang di kilalang babae na nagpapanggap na kukuning ninang o ninong sa kasal ang biktima at pagkatapos ay hihingi ng pera ang nakapambudol umano sa apat na katao sa Brgy. Maahas. Kaugnay nito, nagbigay ng babala laban sa budol-budol ang Sangguniang Barangay ng Maahas sa kanilang post sa Facebook noong ika-24 ng Marso 2019.
Ayon kay “Mercie” (di niya totoong pangalan), na nabiktima ng budol-budol noong Nobyembre 2018, ang suspek ay isang babae na may “katamtamang taas, may kaitiman ng kulay ang balat, maiksi ang buhok, at ang edad ay nasa 42-45 taong gulang”.. Nagpakilala raw ang suspek na taga Bay, Laguna ito.
Ayon kay Alona Canicosa, ang Violence Against Women and Children(VAWC) Desk Officer ng Barangay Maahas, ika-14 ng Nobyembre 2018 nangmagreport si “Mercie” sa kanilang tanggapan. Ayon sa salaysay ni “Mercie”, 54, residente ng Brgy. Maahas, Sinabi daw sa kanya ng suspek na kinukuha siyang na ninang sa isang kasal. Sinabi ng suspek na kulang ito ng pera pambili ng baboy kaya nakiusap ito na tulungan sya. “Mare, may aanakin ka raw (sa kasal),” bungad ng suspek sa kanya.
Nagpatuloy ang usapan nila hanggang humingi ang suspek ng tulong dahil kulang daw ng Php1,500 ang pera nito pambili ng baboy na ihahanda sa kasal. Nangako pa ang suspek na ibabalik ang pera sa kanya sa parehong araw. Kung sakaling wala si “Mercie,” sa anak nito iaabot, sabi pa ng suspek.
Ilan sa mga anak ni “Mercie” ang nakakita sa pangyayari. Ayon sa kanila, matapos na magpakilala ang biktima, nag-usap pa ang dalawa tungkol sa kung alin ang kukunin na jeep para sa kasal at kung sino pa ang ibang ninong at ninang. Inakala ng mga ito na magkakilala si “Mercie” at ang suspek.
Halos isang linggo ding iniisip ni “Mercie” ang nangyaring pambubudol. Aniya, bagamat “kikitain pa ang pera,” hindi rin ganoon kabilis na magpundar ng nasabing halaga. Kumikita lamang si “Mercie” ng 1,000 piso kada linggo kung malakas ang benta ng kanyang negosyo.
Mas marami ang kasong hindi napapareport sa barangay. Ayon kay Ara Olar, residente ng Sitio Ibaba sa Maahas, Pebrero o Marso 2018, may lumapit sa kanilang lalaki na nagpakilala ng “Joey.” Ayon kay Ara, nagbahay-bahay si “Joey” at nagtatanong “kung sino daw gustong magpakabit ng WiFi na hindi na daw gagamit ng modem [at] hindi na mag-iinstall.” Iko-connect lang sa internet subscription ang cellphone number tapos “unlimited” na ang Internet connection.
Ayon pa sa salaysay ni Ara, “yung main rate daw nila ay 10,000 pesos”, pero ayon kay “Joey” sale daw sila kaya sa halagang Php 2,500 pwede nang makakuha ang Internet connection. Pumayag si “Joey” sa halagang Php 2,000 para daw sa WiFi service pero ang totoong nangyari ayini-register lang ang number ni Ara sa isang “promo na may 2 Gigabyte data at tatagal ng dalawang araw”.
Bukod dito, ayon pa kay Ara, may lumapit din sa kanila na tatlong biktima din ng budol-budol. Sa salaysay ng mga biktima kay Ara, isang babae na kunwari’y nag-aalok ng apar na kaban (200 kilo) na bigas sa murang halaga ang lumapit sa mga biktima. Sinabi ng suspek na “kung pwedeng sila na yung kumuha nung tatlong kaban nya na bigas, na binabarat daw kasi sya ni Gina, may-ari ng grocery store sa Los Baños, sa may palengke”.
Apat na kaban ng bigas ang inaalok ng suspek sa halagang Php 5,800 o Php 1,450 kada kaban o pumapatak na halos Php 30 kada kilo.
Nag-abot agad ang mga biktima ng bayad. Sumakay ang mga biktima sa isang tricycle kasama ang suspek na nakasakay sa likod. Nang nasa may bandang gitna na sila ng palengke, sa may traffic enforcer, bumaba ang babaeng suspek ng di namalayan ng mga biktima. Ayon sa mga biktima, sa kabilang kalye may napansin sila na isang tao na may hawak na pulang panyo na maaring nag-hudyat sa suspek kung kelan ito bababa. Napansin na lang ng mga biktima na nakapuslit na ang suspek. Sinubukan nilang tanungin ang driver, pero hindi raw nito namalayan na bumaba ang suspek.
Sa kasalukuyan, isa sa mga lugar na apektado ng budol-budol sa Brgy. Maahas ay ang Sitio Ibaba. Karamihan sa mga nagreport tungkol sa budol ay nasa edad 50 pataas. “Usually ay senior citizen [ang biktima],” ayon kay VAWC Officer Canicosa.
Isa sa nakikitang dahilan ni Enrique Escritor, Deputy ng Barangay Police Safety Officer (BPSO) kung bakit edad 50 pataas ang kadalasang biktima ay dahil maaring madaling makuha ang loob ng mga ito. “Yan pa namang mga budol-budol, dere-deresto ang salita nyan. Parang hindi ka binibigyan ng pagkakataoon na makapagsalita”, aniya.
Ayon naman kay Rogelio Lirio, 79, residente sa Sitio Ibaba at dating Patrolman (ngayon ay PO1). “Kasi yang budol-budol bago siguro tumira yan, parang sinu-survey muna nila, kasi hindi maaring magkamali sila e. Baka mamaya walang pera yung nahagip nila. Kaya kinakailangan alam na nila (kung sino ang biktima).” Dagdag pa ni Lirio “kasi yang ganyan hindi lang naman iisa e, grupo din yan.”
Ilan sa mga hakbang na ginagawa ng Barangay Maahas kontra budol-budol ay pag-aanunsyo sa mga naninirahan doon. . Ayon sa panayam sa ilang mga residente ng Brgy. Maahas, “sinasabihan kami, halimbawa kamingnakatambay, mag-ingat kayo sa mga ganitong tao. Kung may makita man silang picture, pinakikita nila sa amin” ayon kay Willie, 40, residente sa Sitio Ibaba. Ayon kay Willie, wala siyang nababalitaan na nabubudol sa lugar nila.
Bagamat may anunsyo sa facebook ang Brgy. Maahas ukol sa budol, lumabas na isa sa pitong sambahayan sa Maahas ang nakakaalam tungkol dito.
Sa kabila ng pagro-ronda ng mga taga-opisina ng Barangay Maahas at post nito sa facebook page tungkol sa pag-iingat laban sa mga budol-budol, kakaunti lamang ang nakakaalam tungkol sa mga impormasyong ito.
Sa nasabing post, nagbigay ng babala sa mga residente na iwasan ang makipag-usap sa taong di kakilala lalo na kung ang pinag-uusapan na ay pera.
Samantala isa sa mga solusyon kontra budol na nakikita ni Ara, isa sa mga biktima ng budol-budol, ay ang pagkakabit ng Closed Circuit Television o CCTV Camera sa lugar.
Ayon kay VAWC Officer Canicosa, nasa plano na ng barangay ang pagkakabit ng CCTV camera sa Barangay Maahas.
Matapos ang pinagdaanan ng mga biktima, sinasabi ni Ara at ni Mercie na ngayon ay mas maingat at mas handa na sila laban sa mga budol-budol.