Ulat nina Kassel Clarisse Kraft at Adela Reyes
Upang mahikayat ang komunidad na pangalagaan ang Lawa ng Laguna, ginanap ang Sampaksaang Pangkalikasan 2019 na may temang “Daluyong: Pagmulat ng Kamalayan Ukol sa Lawa ng Laguna” noong ika-22 ng Abril, ala una ng hapon. Ang talakayan ay idinaos sa Makiling Ballroom Hall, Student Union Building, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).
Ilan sa mga dumalo ay ang mga miyembro ng iba’t ibang barangay sa paligid ng Lawa ng Laguna, partikular na ang Lingga, Sampiruhan, at Sucol sa Calamba; Baybayin, Maahas, Malinta, at San Antonio sa Los Baños.
Kabilang sa mga tagapagsalita si Dr. Rico C. Ancog mula sa Ecosystem Services and Environmental Policy Research Laboratory ng School of Environmental Science and Management–UPLB, na tumalakay sa paggamit ng likas na yaman galing sa Lawa ng Laguna sa aspeto ng munisipal, komersyal, at aquaculture.
Binigyang-diin din ni Dr. Ancog ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga eksperto sa larangan ng agham at polisiya. Ani niya, “Clear science in clear policy actions would result to sustainability.” [Ang malinaw na agham para sa tiyak na aksyon sa polisiya ay magdudulot ng sustenabilidad.]
Isa rin sa mga tagapagsalita si Brefelin Jamias-Robles mula sa Pollution Control Association of the Philippines sa Rehiyon 4-A. Tinalakay niya ang halaga ng pagpapanatili ng kalidad ng tubig sa lawa, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng R.A. 9275 o Clean Water Act of 2004. Dagdag pa rito, tinalakay din niya ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na nagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga industriya at mga mangingisda.
Itinuon din ni Jamias-Robles ang kanyang diskurso sa importansiya ng Public-Private Partnership (PPP). Ang PPP ay ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya na naglalayon sa maayos na pagpapatakbo ng mga imprastraktura at serbisyong pang-mamamayan.
Samantala, si Diego Gabriel Torres mula sa Laguna Climate Change Adaptation Office ay nanghikayat ng mga kabataan at mga miyembro ng komunidad na makilahok sa mga aksyon patungo sa pangangalaga ng lawa. Tinalakay din niya ang iba’t ibang mga problema na kinakaharap ng lawa, tulad ng mababang kalidad ng tubig at ang pagpasok ng invasive species.
Sa isang panayam, iminungkahi ni Torres ang pangangailangan ng pagsasama-sama ng iba’t ibang mga sektor upang pag-usapan ang kalagayan ng lawa. Kasama na rito ang mga opisyal ng gobyerno, mga lider ng komunidad, at mga eksperto sa agham.
Ayon kay Torres, “Kailangang ito [mga resulta ng pananaliksik] ay naihahatid natin sa mgacommunities involved, at hindi lang sa policy makers…dapat ‘yong mga communities ayempowered enough.”
Ayon kay Konsehal Benito Ebron, ang namumuno sa komite ng Kalikasan at Agrikultura ng Barangay Malinta, “Malaking tulong ito [talakayan] para sa mga kanugnog nating barangay na magkaroon ng awareness. Hindi lang ang isang tao, hindi lang isang bayan, kung ‘di ang lahat.”
Ang talakayang ito ay inorganisa ng Haring Ibon UPLB.