Ulat ni Amiel Oropesa
Kilala ang Los Baños sa mga hot spring resorts at buko pie nito na dinarayo ng mga turista lalo na tuwing tag-init. Ngunit mayroon pang isang destinasyon para sa mga turista at mga residente na pwedeng lakbayin: ang Dampalit Falls na matatagpuan sa Barangay Bambang, Los Baños, Laguna.
Ang Dampalit Falls ay isang talon na matatagpuan sa barangay Bambang. Ang talon na ito ay may katamtamang taas at mababaw na danaw na pwedeng paglanguyan. Ang tubig nito ay umaagos mula sa bundok ng Mariang Makiling at siyang naging talon sa lugar ng Bambang. Hindi ganoon kasikat ang Dampalit Falls dahil hindi ito ganoong kalakihan kung ikukumpara sa falls ng Luisiana at Majayjay, ngunit ito ay magandang dayuhin at puntahan lalo na ng mga residente ng Los Baños.
Ang madalas na bumibisita dito ay ang mga residente ng Bambang at ng Los Baños dahil na rin sa lapit nito. Isa sa mga naglakbay upang makita at makapagpa-lamig sa Dampalit Falls ay si Aries Mancio, isang residente ng Biñan, Laguna at paminsan minsan ay naninirahan sa Los Baños. Mula sa kanyang kwento, halos anim na taon na noong siya ay huling pumunta sa Dampalit Falls. “Dumaan kami rito para pumasyal,” ika ni Aries. Magandang tanawin ang Dampalit Falls para makapagpa-lamig dahil na rin sa preskong tubig na dumadaloy mula sa talon at liblib na kagubatan ng lugar nito.
Mapupuntahan ang Dampalit Falls sa Barangay Bambang sa pamamagitan ng pagdaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Mula sa DPWH ay may dalawang daan papunta sa falls, ang isa ay pwedeng daanan ng mga sasakyan at ang isa naman ay madadaanan ang isang eskinita papunta sa lugar. Sa kaunting lakad ay matatagpuan ang pook ng mga naninirahan sa Bambang. Ang mga residente dito ay tumutulong magbigay ng direksyon kung paano makarating sa talon. Mayroong P20 na bayad bago pumasok patungo sa talon pagdating sa gate nito. Mayroon ding mga kubo na pwedeng gamitin at maliit na paliguan pagkatapos magtampisaw sa talon.
Paalala lamang na laging maging responsableng turista sa pamamagitan ng hindi pag-iwan ng sariling kalat o basura ngayong kasagsagan ng paglalakbay-lakbay.