Ulat nina Patricia Bodiongan at Kristel Matanguihan
Noong Abril 22 ay ginanap ang 3rd Conference in Family Ecology: A Students’ Assembly on the Culture of Resilience of Filipino Families sa NCAS Auditorium ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Ang programang ito ay pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Ekolohiyang Pantao ng naturang unibersidad.
Para sa taong ito, nais ng komperensya na pagtuunan ng pansin ang paglaban sa mga tinatawag na stereotype ng isang tradisyunal na pamilyang Pilipino, at sa pagiging mas mapagtanggap sa makabagong pamilyang Pilipino.
“Dumarami na ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong mayroong single parents at mas nagiging career-oriented na rin ang mga kabataan ngayon. Unti-unti nang nagbabago ang ating pagkilala sa isang pamilyang Pilipino at maaasahan pa natin ang patuloy na pagbabago nito sa darating ng mga taon,” ayon kay MC Noay, isang estudyante mula sa nasabing kolehiyo at isa sa mga nag-organisa ng programa.
Ang unang parte ng programa na ginanap ng umaga ay nagbigay-pansin sa mga paksa na pinamagatang “Building Resilience Among Families in Difficult Circumstances: A Counselor’s Perspective” na tinalakay ni Assistant Professor Jaclyn Marie Cauyan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, at ang “Fostering Gender-Responsive Relationships for Family Resiliency” na ipinaliwanag naman ni Atty. Eric Paul Peralta, direktor ng UPLB Gender Center.
Nagsalita rin si Dr. Hian Ho Kua, direktor ng Manila Doctors Hospital, tungkol sa kanilang proyekto na Save a Child, Save the Nation. Ang proyektong ito ay naglalayong tumulong sa mga bata upang mabawasan ang mga negatibong epekto ng kanilang masasamang karanasan at ipaigi ang kanilang katatagan sa pagharap sa mga ganoong klaseng pangyayari sa kanila.
“There’s no universal health without mental healthcare (Walang kalusugang pangkalahatan kung walang pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan),” ani ni Dr. Kua.
Nabanggit niya na mayroong 69 na batang kasalukuyang nakikinabang sa proyektong ito.
Ang pangalawang bahagi ay nagtuon sa mga sari’t-saring workshop na maaaring pagpilian ng mga dumalo.
Sa kabuuan ay mayroong limang workshops na ginanap, kung saan dalawa lamang ang mapupuntahan ng mga dumalo sapagkat sabay-sabay ang mga ito. Ang mga workshops ay tumalakay sa usaping resilience o katatagan kung saan nilagay ito sa konsepto ng pamilya, komunidad at pati sa sarili.
“Sa tingin ko ‘yung mga paksa sa workshop ay mga basic kung saan kailangan mo siyang i-reaffirm na kailangan mong balikan kasi kadalasan, kung ano ang basic, ‘yun pa ang mas hindi pinapansin,” komento ni Angelica Valdez, isa sa mga dumalo na estudyanteng nag-aaral ng Ekolohiyang Pantao.
“Masaya naman kami sa naging resulta ng ginawa naming seminar at masasabi kong ito ay naging successful. Nawa’y nakatulong ito at magamit ng mga dumalo para mas lumawak pa ang kaalaman nila sa kung paanong mas mapapagtibay ang kultura ng pagiging resilient ng mga Pilipino,” hikayat ni Noay.
Pangatlong beses na idinaraos ang seminar na ito, na pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa HUME 199B sa tulong ng HUME 199A, HFDS 111 at HFDS 121. Ang unang dalawa ay mas nagbigay tutok sa mga kabataan at ang kanilang kakaibang hilig at paggamit sa mga kasalukuyang teknolohiyang laganap sa ating komunidad.