Ulat ni Amiel Oropesa
Sikat na sikat sa panlasa ng mga pinoy ang mga minatamis na pagkain tulad ng buko pie, cassava cake, at leche flan. Ngayon ay maaari niyo nang matikman ang mga minatamis na ito sa iisang produkto. Ang pinagsama-samang buko pie, cassava cake, at leche flan o Buko Cassava de Leche Pie — ang kauna-unahang 3-in-1 Pinoy delicacy na likha ng Harito Foods.
Ang Buko Cassava de Leche Pie ay pinagbuti at pinabagong minatamis na pagkain sa pangunguna ni Jerry Urriquia Jr., ang nagmamay-ari at nagpasimula ng Harito Foods na matatagpuan sa Barangay Anos, Los Baños, Laguna. Si ginoong Urriquia ay isang estudyante ng Kapatid Mentor Me Project o KMME ng Department of Trade and Industry (DTI) at siya ring kabilang sa Association of Laguna Food Processors o ALAFOP. Binuo niya ang konsepto ng nasabing delicacy at ng iba pa nilang mga produkto noong siya ay nasa KMME program pa lamang.
Unang ipinakilala at binenta ng Harito Foods ang 3-in-1 na produkto noong Oktubre ng taong 2018 sa SM Calamba. Naitampok rin sa programang Unang Hirit ng GMA 7 TV Channel ang kanilang kabuhayan at mga produktong Baked Tikoy at ang Buko Cassava de Leche Pie. Panuorin: Unang Hirit: 3-in-1 sa sarap na buko cassava de leche, tikman!
Bagong bago sa panlasa at tunay na lokal ang mga produkto na handog ng Harito Foods. Bukod sa kanilang trademarked Buko Cassava de Leche Pie, mayroon din silang gawang Pastimallows, Yema, Polvoron, at Royal Bibingka o mas ipinakikilala bilang Baked Tikoy.
Ilan sa mga sangkap na pinanggagalingan ng kanilang mga produkto ay ang balinghoy o cassava na nagmula sa Rizal, Laguna at ang buko na kilala sa Los Baños, Laguna. Masasabi ring tunay na lokal ang kabuhayang ito dahil sa pagsuporta nito sa mga kapwa manggagawa ng Laguna. Bukod sa mga ito ay ipinagmamalaki rin ni ginoong Urriquia ang accreditation ng Harito Foods sa Food and Drug Administration (FDA) Philippines kung saan makakasiguro ang mga mamimili na malinis ang sangkap, proseso, at mga produkto ng Harito Foods.
Mahahanap ang Harito Foods at ang kanilang mga produkto sa kanilang Facebook page: Harito Food Products at sa kanilang dalawang pisikal na tindahan sa magkabilang gilid na kalsada ng Brgy. Anos, Los Baños. Matatagpuan din sila sa Sta. Cruz, at Rizal, Laguna.
Ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang Harito Foods sa pagbuo ng mga panibagong produkto na dapat abangan ng mga mahilig sa Pinoy delicacies. Tunay nga na malikhain ang mga Pinoy sa paghandog ng mga pagkain na talaga namang swak sa ating panlasa.