Mahigit 70 student volunteers, dumalo sa paglulunsad at training workshop ng Bantay Halalan 2019

Ulat nina Jill Parreno, Riezl Monteposo, at Jyasmin M. Calub-Bautista

Bilang paghahanda sa darating na eleksyon ngayong Mayo 13, pormal na inilunsad ng UPLB College of Development Communication (UPLB CDC) ang Bantay Halalan Laguna 2019 nitong Abril 29, 2019 sa CDC Lecture Hall. Sinundan ito ng training workshop tungkol sa pagbabalita gamit ang social media at broadcasting platforms.

Dumalo sa programa at pagsasanay ang mahigit 70 student volunteers, guro at kawani mula sa UPLB, Malayan Colleges Laguna, at Laguna University. Kabilang na rin dito ang mga estudyanteng myembro ng mga organisasyong UP Alliance of Development Communication Students at UP Community Broadcasters Society.

Nagbigay ng panghuling mensahe si Dr. Mildred Moscoso, ang training coordinator ng Bantay Halalan 2019.

Kabilang sa mga nagsalita at nagbahagi ng kaalaman sina Clang Aragao ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), dating reporter na si Christelle Amoyan, at ang mga guro at kawani ng UPLB CDC na sina Elijah Jesse M. Pine, Asst. Prof. Edmund G. Centeno, Asst. Prof. Mark Lester Chico, Joseph Lydio Roble, at Rikki Lee Mendiola.

Sa kanyang opening remarks, binigyang-diin ni UPLB CDC Dean Ma. Stella C. Tirol ang pagiging public service activity ng Bantay Halalan. “Mula sa puso, ito ay pakikipag-bahagi ng ating kaalaman para matulungan natin ang ating mga mamamayan sa matalinong pagboto,” ani Tirol.  Nagbigay din siya ng pasasalamat sa mga estudyante, mga guro, at mga professional staff para sa kanilang pakikibahagi sa proyekto. “Malaki ang aming pasasalamat sa inyo dahil hindi naman naming kayang gawin ito ng mag-isa.”

Ang Bantay Halalan 2019 ay isang public service initiative ng UPLB College of Development Communication, sa pakikipag-tulungan sa ibang educational institutions, non-profit organizations, media organizations, at student/youth organizations sa lalawigan ng Laguna.

Ayon kay Prof. Lester P. Ordan, Program Leader ng Bantay Halalan 2019, may dalawang components ang proyekto: ang voters education at ang election coverage.

Kabilang sa voter’s education ang produksyon ng short videos, radio program, at gubernatorial forum, katuwang ang mga estudyante ng UPLB CDC.

Samantala, ang election coverage ay magaganap sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 13, mula 6 ng umaga hanggang 9 ng gabi. Magkakaroon ito ng radyonet at online platforms kung saan tatalakayin ang iba’t ibang mga isyung pangkaunlaran, at magbibigay ng updates at balita tungkol sa botohan. Nasa 50 student volunteers ang itatakda bilang field reporters upang mangalap ng balita mula sa iba’t ibang voting precincts sa lalawigan. Ang ibang student volunteers naman ay itatakda bilang researchers, writers, at production staff na tutulong sa mga gawain sa Bantay Halalan Media Center sa UPLB CDC. Kabilang sa mga program hosts at editorial staff ang mga guro at kawani ng UPLB CDC, Dito sa Laguna, Radyo DZLB, at LB Times.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Bantay Halalan Laguna 2019 Facebook Page sa https://www.facebook.com/BantayHalalanLaguna/

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.