Pabasa Ng Pasyon Sa Bagong Henerasyon

ni Yllian C. San Luis

Pagtitipon ng mga mang-aawit ng pasyon sa San Antonio de Padua Parish Church sa Los Baños, Laguna.

“Ang dalawa kong apo na alaga ko, maliliit pa sila, mga 6 lang ang edad, basta natuto na silang magbasa, kasa-kasama ko na sa pag-pasyon kahit saan na pasyunan… ngayon, na lumaki na, parang nawalan na ng gana, hindi na nasama.” Ganito nakikita ni Nanay Gloriana, 71, ang kabataan sa pagbabasa ng pasyon.

Ayon sa kanya, nahihiya pa sila ilabas ang kanilang boses. Sa mahigit sampung taon na pagbasa ng pasyon ni Nanay Gloriana tuwing Semana Santa, ang tradisyon ay nagawa niyang maituro sa kaniyang mga anak.

Ani Nanay Gloriana, ang pagbabasa ng pasyon ay isang uri ng debosyon at pasasalamat sa Panginoon. Natutunan niya ito sa kaniyang mga magulang at mga kasama sa simbahan. Sa San Antonio de Padua Parish Church, Los Banos, magbabasa si Nanay Gloriana sa isang makulimlim na Martes Santo, sa ganap na ika-lima ng hapon. Kabiliang siya sa isang grupo ng mga magpapasyon na naiimbitahan ng mga barangay upang magbasa. Dito na magpapagabi si Nanay Gloriana hanggang sa matapos ang pasyon.

Sa isang silid na puno ng mga rebulto ng santo at ni Hesukristo, nagtitipon ang mga magpapasyon at sabay sabay sisimulang kantahin ang mga dasal para sa Martes Santo. May mga parte na kinakanta, at mayroon ding mga binabasa lang. Maliban sa mga matatandang umaawit, kapansin-pansin ang mga mangilan-ngilan na lumalahok na mas bata, habang ang karamihan ay nakikinig lang.

Ang pasyon ay isinasabuhay sa pamamagitan ng pabasa at senakulo. Ang pabasa ay ang ginagawang pag-awit ni Nanay Gloriana at kaniyang mga kasama. Ito ay nagsasalaysay ng mga pinagdaanan ni Hesus mula Huling Hapunan hanggang sa muling pagkabuhay niya ayon sa bibliya. Nahahati ang mga awit sa mga parte bawat araw, hanggang umabot sa linggo ng pagkabuhay. Karaniwang nagsisimula ang pabasa ng madaling araw, at kinabukasan ng madaling araw na rin ito magtatapos. Ayon kay Nanay Gloriana, mayroon silang mga pabasa na nagsisimula ng ika-sampu ng gabi hanggang ala-una ng tanghali.

Sa grupo ng mga mang-aawit mayroong mga parte na kinakanta ng isang tao lang, at mayroon ding kinakanta ng lahat. Nagbabago-bago ang tono ng bawat tugon base sa kung sino ang karakter na kinakatawan ng mang-aawit. May mga pagkakataon na dalawa lang ang umaawit ng pasyon ayon kay Nanay Gloriana. Napansin niyang dito nahihiya ang mga kabataan, dahil base sa mga nakikita niya, mas gusto nila na sabay sabay sa pagbabasa at pagtutugon. Ika nga choir, pabiro niyang sabi.

Sa makabagong panahon, ang pagbasa ng pasyon ay isa sa mga tradisyong ginagawa pa rin ng karamihan. Kalimitan itong nagaganap sa mga bahay, covered court ng isang barangay, o mga silid sa simbahan na ginawa para lamang sa pagdadasal.

Debosyon at Pasasalamat

Mula sa librong akda ni Reynaldo Ileto, na pinuna ni Joseph Scalice ng Department of South and Southeast Asian studies sa University of California, ang Pasyon ay karaniwang ipinapagawa ng mga may-kayang pamilya sa kanilang bahay. Ang mga aawit naman ng pasyon ay hindi binabayaran, ngunit sagot ng pamilyang punong abala ang mga kakainin ng mga mambabasa.

Para kay Nanay Gloriana, ang kawalan ng bayad sa kanilang ginagawa ay parte ng debosyon ng isang mambabasa ng pasyon. Pero mayroon pa ring mga pamilya na nagpapabaon sa mga mambabasa.

“…Ang iba naman na nagpapabasa, mayroon namang—giveaway ba, kung ano bagang kasayahan lang naman namin, minsan, binibigyan kami ng mga dalawang kilong bigas, tapos mga ulam ulam doon, nagbabalot kami ng mga ulam ulam—yung mga grocery ba, may nagbibigay pamasahe, mayroon namang wala—ayos lang,” kwento ni Nanay Gloriana.

Isa sa mga hamon ng pagbabasa ng pasyon ay ang walang tigil na pagbabasa. Kailangan mayroong matitirang magtutuloy hanggang sa matapos ito.

Ang pagpapapasyon ay isang pangako, dagdag pa ni Nanay Gloriana. Ang mga pamilyang nagpapatawag ng pabasa ay karaniwang nagpapasalamat sa mga magagandang nangyari sa kanila sa buhay. Napansin din niya na ang mga nagpapapasyon ay may mga pamilyang maraming nakapagtapos ng pag-aaral, nakapunta sa ibang bansa, at nakakamit ang kanilang mga gusto sa buhay. Isa sa pinagmamalaki ni Nanay Gloriana ang kaalaman ng kaniyang pamilya sa pagbasa ng pasyon. Hindi man madalas na sumasama ang kaniyang mga apo sa mga bahay bahay at kapilya ng simbahan, sabay sabay naman silang nagdarasal sa loob ng sarili nilang tahanan.

Sa katunayan, bukambibig ni Nanay Gloriana ang kaniyang dalawang apo na natuto mag pasyon dahil lagi niyang sinasama noong maliit pa sila. Nagsimula lang sa pagsabay sa mga kanta, tamang pag-tugon sa mga dasal, hanggang sa matutunan na nila mag pasyon. Pero ngayon, nang mag-dalaga at mag-binata na ang kaniyang mga apo, napansin ni Nanay Gloriana na ayaw na nilang sumama dahil iba na ang kanilang mga interes. Gayunpaman, pinagmamalaki ni Nanay Gloriana na naturuan niya ang kaniyang mga apo.

Ang mga apo ni Nanay Gloriana ay sumasalamin sa kabataan na inaasahang magmamana ng mga tradisyon na nakasanayan sa kulturang Filipino.  May lugar pa kaya ang pabasa ng pasyon na karaniwang nasa libro o kaya’y itinuturo lamang, sa makabagong mundo na hitik sa bunga ng teknolohiya? Ilang mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang nagbigay ng kanilang pananaw sa pagbasa ng pasyon sa bagong henerasyon.

Ang Kabataan

Hati ang opinion ng ilang mga kabataan ukol sa pagiging parte ng bagong henerasyon sa pabasa ng pasyon. May mga nagsasabi na hindi na masyadong nabibigyang halaga ang pagbasa dahil may mga ideyang umusbong na wala sa tradisyon ang pagiging malapit sa Diyos. Mayroon din namang nagsasabi na mayroon at mayroong magmamana ng mga tradisyong ito.

Isa sa mga naniniwalang nawawalan na ng interes ang mga kabataan sa tradisyon ay si Alliah Daine Dela Cruz, isang estudyante mula sa BS Agriculture ng UPLB. Ayon sa kaniya, maraming mga tao na at kabataan ang tumataliwas sa simbahan dahil sa mga isyu nito sa kasalukuyan. Dahil dito kumukonti ang nagsasagawa ng mga pabasa ng pasyon.

Si Roi Antonio naman at Jessea North Venturina, parehong freshman students ng BS Computer Science ay nagsasabi na ang pagbasa ay maipapasa sa susunod na henerasyon. Naniniwala silang may mga taong lubusang nagmamahal sa tradisyon na hindi hahayaang maputol ang pagsasagawa nito sa kani-kanilang mga pamilya. Ang kinakailangan lang ng mga kabataan ngayon ay mga taong mang-eengganyo sa kanila. Dagdag ni Jessea. Sumasalamin ito sa kultura ng isang pamilyang Pilipino na sabay sabay nagdarasal. Dito natututo ang bawat miyembro, kabilang na ang mga bata, sa kung paano talaga isinasagawa ang pabasa. Sa pamamagitan ng pawang pakikinig lamang at pagsunod, nagiging parte ng sistema ng isang indibidwal ang pagpapasyon. Sa paraang ito naipapasa ang tradisyon.

Sumasalungat naman dito si Jeizzelle Sebuc, estudyante ng College of Agribusiness Management and Entrepreneurship sa UPLB. Sabi niya na maraming kabataan na ang nagkakaroon ng panibagong pananaw na ang maraming paraan para ipakita ang debosyon sa Diyos, maliban sa tradisyunal na pagbabasa ng pasyon.

Para naman sa mga naninirahan sa Los Banos, si Tricia Janzel Sales ng Barangay Bayog ay pansing aktibo ang rural na komunidad lalo na ang sektor ng kababaihan sa pagsusulong ng mga aktibidad na pang-simbahan. Naniniwala siya na malayong mawala ang interes ng mga kabataan sa tradisyon ng pabasa. Kakaibang pananaw naman ang hatid ng isang kabataan mula sa Batong Malake. Ayon sa kaniya, kung magkakaroon ng parte ang teknolohiya sa pabasa ay patuloy itong magiging interesante sa mga kabataan.

Ayon naman ni Nanay Gloriana, sa labing isang taon niyang pagdedebosyon sa pamamagitan ng pabasa, nakakakita naman siya ng mga kabataan lalo na ang mga miyembro ng choir ng simbahan na lumalahok sa pabasa ng pasyon. Nahihiya lang ang mga bata na sumabay sa mga matatanda, pero kung sila sila lang, naisasagawa naman nila ito nang maayos, dagdag pa ni Nanay Gloriana.

Napakalaki ng parte ng pagbasa ng pasyon sa paghubog ng Pilipinas sa kasalukuyan, ayon kay Ileto sa puna ni Scalice, pasyon ang isa sa mga naging daan ng mga Pilipino para magkaroon ng rebolusyon laban sa mga Kastila. Ang mga pangyayari sa pabasa tulad nang mawalay si Hesus kay Maria na kaniyang ina, isang imahe ng indibidwal na nawawalay sa kaniyang pamilya. Nabigyan nito ng ideya ang mga Pilipino na nlilimitahan ang halaga ng bawat isa dahil nasasakop ang bansa. Ito umano ang nagbigay daan sa mga rebelde na sumapi kay Bonfacio, na isa ring relihiyosong tao, para magsagawa ng rebolusyon.

Isa sa mga kakaibang katangian ng pasyon ay ang pag-iiba iba nito ng tono sa bawat karakter. Ito ang tinatawag na pagkanta ayon sa “punto.” Ang mga parte kung saan si Hesus ang nagsasalita, ang boses ng kumakatawan ay mabagal at malumanay. Habang ang kay Maria naman ay kinakanta na malungkot dahil sa nararamdaman niya sa pagkamatay ng kaniyang anak. Sa pamamagitan ng pagbabago ng tono, nabibigyan ng mas malalim na pagkakaintindi ang mga mambabasa at tagapakinig sa kung ano ang mensahe na nais iparating ng bawat linya sa awit.

Dahil sa pagbasa, nabuo ang senakulo, o ang pagsasadula ng mga pangyayari sa buhay ni Hesus hanggang sa muling pagkabuhay. Nagsimula sa awit, nabigyan ng pananamit ang mga kumakanta, nilapatan ng pag-arte, entablado, ilaw, at musika, nabuo na ang senakulo. Dito mas nabibigyang kulay ang kultura ng Pilipinas kahit na ang ideya ng pasyon ay nagmula mismo sa mga Kastila.

Sa makabagong panahon ng sining, hindi pa rin nawawala ang mga awit at pagpapalabas sa entablado, sa katunayan mayroon pa ring mga batang actor at aktres na gumaganap bilang mga karakter sa pasyon upang magsadula. Dito nila naipapamalas ang kanilang pamamanata sa Panginoon. Napapatunayan ng kasalukuyang kalagayan ng sining na maaari pa ring sumabay sa modernong panahon ang isang napakalumang tradisyon.

Ang pagbabasa ng pasyon sa makabagong henerasyon ay inaasahan ng mga kasalukuyang gumagawa nito. Maaaring hindi na sa tradisyunal na paraan na pumupunta sa mga bahay bahay at mga barangay upang umawit mula pagsikat ng araw hanggang sa muling pagsikat nito kinabukasan. Ang tradisyon ng pasyon ay hindi malayong magkaroon ng bagong mukha, isang mukha na babagay sa bagong panahon.

Ang kabataan ngayon ayon kay Nanay Gloriana ay mahiyain at gusto kasama ang mga ka-edad sa pagbasa. Ayon naman sa ilang mga kabataan ng UPLB, kinakailangan lang ng isang magsisimula at mang-eengganyo sa kapwa kabataan upang gawin ang tradisyon. Maaaring nawawalan na ng interes ang karamihan sa pabasa dahil sa mga isyu ng simbahan at kakulangan ng mga taong nagtuturo tungkol dito, ngunit marami pa ring tumatangkilik sa sining. Sining ang isang katangiang taglay ng pasyon dahil hindi lamang ito binabasa, inaawit ito nang may angkop na emosyon at tamang tono sa bawat karakter at parte ng bibliya. Hindi nagkakalayo ang tradisyong ito at ang sining sa Pilipinas.

Si Nanay Gloriana, kasama ang mga kabataan ngayon ay hindi malayong makakasaksi ng pagbabagong anyo ng pasyon sa Pilipinas. Maraming elemento ang madadagdag sa pabasa, magiging mas malawak ang saklaw na manunuod at tagapagkinig, at mas maipadarama ang kwento ni Kristo sa mga makakasaksi dahil angkop ang pamamaraan upang makuha ang atensyon ng mga mas batang manunuod.

Nang tanungin si Nanay Gloriana kung may pag-asa pa ba na magkaroon ng interes ang kabataan sa pagbabasa ng pasyon, walang pag-aalinlangan siyang tumugon ng

“Oo, meron pa.”  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.