ni Rianno Emmanuel J. Domingo
Pagpapatayo ng solar street lights ang nakikitang solusyon ng Barangay Bambang sa pagpapababa ng buwanang gastos nito sa kuryente kasabay ng pagpapanatiling ligtas ng mga kalye tuwing sasapit ang gabi.
Ipagpapatuloy ng Barangay Bambang ang proyektong pagpapatayo ng mga Solar Street Lights sa mga kalye nito at sa mga pampublikong establisyemento katulad na lamang ng Basketball court at Park, ayon sa isang interbyu kay Kapitan Arlene Payawal.
Nagsimulang planuhin ang proyektong ito noon pa lamang taong 2015 at isinagawa noong 2016. Unang pinalagyan ng dalawang poste ang Purok 3, tig-isa sa Purok 4 at 5, at dalawa naman sa Purok 6.
Ayon sa pinuno ng Infrastracture Committee ng barangay na si Konsehal Concepcion de Vega Lobos, magdadagdag pa ng apat na poste sa Purok 5, dalawang poste sa pangunahing kalye, at dalawa rin sa quarry area kung saan madalas ang landslide.
Inaasahang matapos ang pagpapatayo ng karagdagang solar street lights ngayong Setyembre.
“Hinihintay na lang namin yung mag-i-install, kausap na naming sila kahapon at. babalik sya para mag-ocular [inspection] kung saan yung lugar na pagtatayuan ng poste,” sabi ni Konsehal Lobos.
Nasa kalahati ng kabuuang bayarin sa kuryente ang sinasagot ng barangay, samantalang ang natitirang kalahati ay binabayaran ng munisipyo.
Ayon kay Konsehal Lobos, noong wala pa ang solar street lights ay umaabot sa P30,000 ang buwanang kontribusyon ng barangay sa bayarin nito sa kuryente. Ngunit ngayon na mayroon kahit iilang pa lang na solar street lights ay maaring bumaba sa P20,000 na lamang ang kanilang ibahagi.
“Kapag maliwanag ang isang pamayanan ay nalilimitahan ang krimen [at] mga gumagamit ng pinagbabawal na gamot. Wala silang mapwestuhan na madilim,” dagdag pa niya.
Bukod sa mas murang bayarin sa kuryente, dagdag na bentahe ng paggamit ng solar street lights ay hindi ito sasabog o pagmumulan ng pagkakuryente tuwing may pagbaha. Dagdag pa ni Konsehal Lobos, ito ay sadyang mahalaga sa barangay lalo pa’t ang Bambang ay madalas binabaha.
“Pag bumagyo at bumagsak ang mga poste hindi na delikado pag lumaylay dahil hindi na nakakakuryente lalo na pag basa ang paligid,” paliwanag niya.
Ilan pa sa mga planong proyekto ng Barangay Bambang tungo sa kaligtasan ng mga residente ay ang public address system bilang warning device, seminar pang-kabuhayan, karagdagang CCTV, at rehabilitasyon ng mga kanal.