Nagdiwang ang Barangay Bayog ng ika-118 nitong anibersaryo noong Biyernes. Isa sa mga gawaing isinagawa sa pangunguna ng konseho ng baragay ay ang tradisyunal na basaan.
Bilang parte ng pista, nagsasaboy ng tubig ang mga residente sa kung sino man ang dumaan sa kanilang kalye, nakasasakyan man o naglalakad lamang. Nanguna ang mga kabataan sa gawaing ito.
Ayon sa residenteng si Mike Luis, 19, popular ang basaan lalo sa mga kabataan. “Basaan talaga ang pinakahinihintay namin dito sa pista at kami (mga kabataan) ang talagang nagpapasaya sa ganitong tradisyon,” aniya.
Tanghali nang magsimula nang maglabasan ng kani-kanilang timba at tabo ang mga residente. Ang iba ay gumamit pa ng hose upang makisaya sa tradisyunal na gawain.
Nakiisa rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa basaan gamit ang isang trak ng bumbero upang mas marami ang masabuyan ng tubig.
Ayon kay Ana, 38, isa ring residente ng Bayog, nakasanayan na ang ganitong gawain, at bata pa lamang daw siya ay kanya na rin itong ginagawa. “Sabi naman ng mga matatanda, ang pagbabasa raw ng tubig ay parang sa pag-wisik ng ‘Holy water’ ng pare tuwing matatapos ang misa,” dagdag pa niya.
Bukod sa basaan ay mayroon ring ilang mga residente na sumasalubong sa mga dumadaan na tao upang mamahid ng uling sa katawaan, partikular sa mukha, ng kung sino man ang mapadaan sa kanilang kalye.
Habang nagbabasaan ang mga residente ay isinasagawa naman ang ‘Elejer’ kung saan pinaparada ng mga deboto ang poon ni San Francisco. Ang ilang kalakihan ay nakasuot ng peluka habang nagsasayawan kasabay ng parada. Nakilahok rin sa parada ang ilang mga samahan katulad na lamang ng Batch ’78 Alumni ng Bayog Elementary School. Nakapatrolya naman buong araw ang mga sundalo at pulis upang mabantayan ang seguridad ng mga residente.
Nagsimula ang parada mula sa Kapilya ni San Francisco ng Assisi palibot ng Brgy. Bayog at hinatid patungo sa ilog kung saan isasagawa ang ‘Pagoda’ kung saan isasakay ang poon sa bangkang may sakay na mga deboto at ihahatid sa daungan pabalik muli ng kapilya.