Si Pricelda Triñanes ang natatanging babaeng miyembro ng Barangay Peacekeeping and Safety Officers (BPSO), o mas kilala rin sa tawag na barangay tanod, ng Barangay Batong Malake, Los Baños, Laguna. Iginugol niya ang kanyang Lunes at Martes noong nakaraang linggo sa paglilingkod at pagbibigay serbisyo sa mga residenteng nangailangan ng tulong sa kasagsagan ng bagyong si Kammuri o may lokal na pangalang Tisoy.
Isa lamang si Aling Pricelda sa mga alagad ng seguridad na tumulong at nangasiwa sa mga residente ng Batong Malake na nagsilikas sa ilang evacuation centers matapos manalasa sa bayan ng Los Baños ang bagyong Tisoy. Sa kaniyang pagtataya ay nasa isang daan at animnapu’t apat na indibidwal ang kanilang nailikas sa evacuation center na itinayo sa Los Baños National High School.
Bukod pa rito ay nakapagpalikas rin ang BPSO, kasama ang mga manggagawa ng Batong Malake, ng mga residente mula sa Riverside patungo naman sa evacuation center na itinayo sa Lopez Elementary School.
Ani ni Aling Pricelda ay kanilang pinagluto ng mga agahan at pananghalian ang mga pamilyang nagsilikas sa mga naturang evacuation centers. Sa pagtatantya ni Aling Pricelda ay umabot rin sa apat na raang pamilya ang kanilang mga nailikas at natulungan. Ang naturang mga tulong na kanilang naibahagi sa mga pamilyang nagsilikas ay kawang-gawa mula sa Batong Malake sa pangunguna ni Punong Barangay Janos Lapiz at mula rin sa munisipyo sa pangunguna naman ni Mayor Caesar Perez.
Lunes at Martes ng nakaraang linggo nang tumama at dumaan sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyong si Tisoy. Sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagtala ang mga awtoridad ng kabuuang bilang ng siyam (9) na kaso nang pagkamatay sa pagragasa ng nasabing bagyo. Noong Miyerkules ay umabot na sa humigit kumulang na P811 milyon na halaga sa agrikultura ang napinsala ng bagyong Tisoy.
Naitala naman sa rehiyon ng Bicol Region ang pinakamataas na halaga nang napinsalang mga ani at pananim na umabot na sa P655 milyon, ayon din sa NDRRMC. Gayundin ay nanalasa rin sa rehiyon ng Mimaropa ang bagyong Tisoy at nakapagdulot rin ng matinding pinsala na kung susumahin ay umabot na sa P156 milyong halaga ang nasira.
Bagaman hindi matinding naapektuhan ang rehiyon ng Calabarzon, patuloy pa ding naging handa at alerto ang rehiyon para sa posibleng pananalanta ng bagyong Tisoy. Ayon sa isang artikulong nailathala sa Philippine Information Agency (PIA), ika-2 ng Disyembre nang maglabas ang Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ng red alert status upang mabantayan ang paparating pa lamang na bagyo noon na si Tisoy.
Matatandaang nakataas ang Public Storm Warning Signal No. 2 sa probinsya ng Laguna. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa anumang pagkakataong nakataas na sa Signal No. 2 ang alinmang lugar, inaasahang ang hangin ay may galaw na mula 61-120 kilometro bawat oras sa buong magdamag. Ang karagatan ay may kalakasan na ang mga alon na maaaring magresulta sa storm surge o pagtaas ng lebel ng karagatan bunsod ng pressure sa hangin na dala ng isang bagyo. Inaasahan na rin sa lebel na ito na mapanganib at mapaminsala na rin para sa mga istruktura, mga ani at pananim.
Ayon rin sa artikulo, ang Office of Civil Defense (OCD) ng Calabarzon ay agad ring nakapag-abiso sa mga lokal na opisina ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) na gawin ang mga nararapat na hakbang upang mabantayan nang maayos ang paggalaw ng bagyo sa kani-kanilang mga lugar.
Bukod pa riyan, naging handa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nakaantabay lamang ang P5.4 milyong halaga ng pagkain, P6.7 milyong halaga ng iba pang gamit bukod sa pagkain at P1.7 milyong halaga ng tulong habang kasagsagan nang pananalasa ng bagyong Tisoy.
Malaki ang pasasalamat ni Aling Pricelda na hindi tumama nang matindi ang nagdaang bagyo sa bayan ng Los Baños. Aniya pa ni Aling Precilda, hindi rin sila nagkulang sa barangay sa pagpapaalala sa mga residente patungkol sa bagyo bago pa man manalasa ito sa kalupaan.